Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 121

Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
    sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
    sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.

Di niya ako hahayaang mabuwal,
    siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
    hindi natutulog at palaging gising!
Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
    laging nasa piling, upang magsanggalang.
Di ka maaano sa init ng araw,
    kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.

Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
    sa mga panganib, ika'y ililigtas.
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
    saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.

Isaias 6:1-8

Ang Pagtawag kay Isaias Upang Maging Propeta

Noong(A) taon na mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong Templo. May mga serapin sa kanyang ulunan, at ang bawat isa'y may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad. Sinasabi(B) nila sa isa't isa ang ganito:

“Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat!
Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.”

Sa(C) lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang mga pundasyon ng Templo at ang loob nito'y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!”

Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga mula sa altar, at lumipad patungo sa akin. Idinampi niya ang baga sa aking mga labi, at sinabi: “Ngayong naidampi na ito sa iyong mga labi, pinatawad ka na at nilinis na ang iyong mga kasalanan.” At narinig ko ang tinig ni Yahweh na nagsasabi, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?” Sumagot ako, “Narito po ako; ako ang inyong isugo!”

Lucas 5:1-11

Ang Pagtawag ni Jesus sa Unang Apat na Alagad(A)

Minsan,(B) habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nagsiksikan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nililinisan ng mga mangingisda ang kanilang mga lambat at wala sila sa kanilang mga bangka. Sumakay siya sa isa sa mga ito na pag-aari ni Simon. Hiniling niya rito na ilayo nang kaunti ang bangka mula sa baybayin. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.

Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”

Sumagot(C) si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Ganoon(D) nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Lumayo kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan.”

Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.”

11 Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.