Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpapasalamat
Isang Awit na kinatha upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
67 O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,
kami Panginoo'y iyong kaawaan, (Selah)[a]
2 upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
3 Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
4 Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. (Selah)[b]
5 Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
6 Nag-aning mabuti ang mga lupain,
pinagpala kami ni Yahweh, Diyos namin!
7 Magpatuloy nawa iyong pagpapala
upang igalang ka ng lahat ng bansa.
Ang Kahalagahan ng Karunungan
2 Aking anak, ang mga pangaral ko ay dinggin mo,
at ang aking mga utos, ingatan nga at sundin mo.
2 Ang pakinig mo'y ibaling sa wastong karunungan,
at ito ay isipin nang iyong maunawaan.
3 Pagsikapan mong hanapin ang tunay na kaalaman,
pang-unawa'y pilitin mong makita at masumpungan.
4 Kung ito ay parang pilak na iyong hahanapin,
at tulad ng ginto, na iyong miminahin,
5 malalaman mo kung ano ang kahulugan ng paggalang at pagsunod kay Yahweh,
at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos.
Ang Paghihiwalay nina Pablo at Bernabe
36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa mga bayan kung saan tayo nangaral ng salita ng Panginoon at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” 37 Nais ni Bernabe na isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit(A) ayaw ni Pablo, sapagkat hindi ito nagpatuloy na sumama sa kanilang gawain, sa halip, ito'y humiwalay sa kanila sa Pamfilia. 39 Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kaya't naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sila papuntang Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas at sila'y umalis, matapos silang ipagkatiwala ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. 41 Naglakbay sila sa Siria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya roon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.