Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 67

Awit ng Pagpapasalamat

Isang Awit na kinatha upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

67 O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,
    kami Panginoo'y iyong kaawaan, (Selah)[a]
upang sa daigdig mabatid ng lahat
    ang iyong kalooban at ang pagliligtas.

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
    purihin ka nila sa lahat ng dako.

Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,
    pagkat matuwid kang humatol sa madla;
    ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. (Selah)[b]

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
    purihin ka nila sa lahat ng dako.

Nag-aning mabuti ang mga lupain,
    pinagpala kami ni Yahweh, Diyos namin!

Magpatuloy nawa iyong pagpapala
    upang igalang ka ng lahat ng bansa.

Mga Kawikaan 2:9-15

Kaya nga, iyong mauunawaan ang katuwiran at katarungan,
    at iyong susundan ang landas ng kabutihan.
10 Lalawak ang karunungang matatanim sa isipan,
    madadama ang kasiyahang dulot nitong kaalaman.
11 Ang natamong kaalaman sa iyo ay mag-iingat,
    ang unawa'y maglilihis sa liku-likong landas.
12 Ilalayo ka nito sa masamang pamumuhay,
    at doon sa mga taong ang nais ay kaguluhan;
13 ilalayo ka rin nito sa mga tampalasan,
    na ang landas na pinili ay landas ng kadiliman,
14 mga taong ang hilig ay paggawa ng kasamaan,
    ang kanilang kasiyaha'y pawang walang kabuluhan.
15 Sa ugaling taglay nila'y di sila maaasahan,
    sila ay hindi tapat, hindi mapagkakatiwalaan.

Lucas 19:1-10

Nakilala ni Zaqueo si Jesus

19 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at siya'y mayaman. Sinikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil siya'y pandak. Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, “Zaqueo, bumabâ ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.”

Nagmamadaling bumabâ si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” sabi nila.

Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses.”

At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang(A) Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.