Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Papuri sa Jerusalem
87 1-2 Itinayo ng Panginoon ang lungsod ng Jerusalem[a] sa banal na bundok.
Mahal niya ang lungsod na ito kaysa sa lahat ng lugar sa Israel.[b]
3 Magagandang bagay ang kanyang sinasabi tungkol sa lungsod na ito.
4 Sabi niya, “Kung ililista ko ang mga bansang kumikilala sa akin,
isasama ko ang Egipto,[c] ang Babilonia, pati na ang Filistia, Tyre at Etiopia.
Ibibilang ko ang kanilang mga mamamayan na tubong Jerusalem.”
5 Ito nga ang masasabi sa Jerusalem, na maraming tao ang ibibilang na tubong Jerusalem.
At ang Kataas-taasang Dios ang siyang magpapatatag ng lungsod na ito.
6 Ililista ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan
at isasama rin niya ang maraming taong ibibilang niyang mga tubong Jerusalem.
7 Silang lahat ay magsisiawit ng, “Ang lahat ng ating mga pagpapala ay sa Jerusalem nagmula!”
9 Ipaalam ito sa mga bansa: Humanda kayo sa pakikipagdigma. Tawagin ninyo ang inyong mga sundalo upang sumalakay. 10 Gawin ninyong mga espada ang sudsod ng inyong mga araro at gawin ninyong mga sibat ang inyong mga panggapas. Kahit ang mahihina ay kailangang makipaglaban. 11 Pumarito kayo, lahat kayong mga bansang nasa paligid, at magtipon kayo doon sa Lambak ni Jehoshafat. Panginoon, papuntahin nʼyo na po roon ang inyong hukbo.[a]
12 Sinabi ng Panginoon, “Kailangang hikayatin ang mga bansa sa paligid na pumunta sa Lambak ni Jehoshafat, dahil doon ko sila hahatulan. 13 Para silang mga aanihin na kailangan nang gapasin dahil hinog na, o parang ubas na kailangan nang pisain dahil puno na ng ubas ang pisaan. Ubod sila ng sama; ang kanilang kasalanan ay parang katas ng ubas na umaapaw sa sisidlan nito.”
14 Napakaraming tao ang naroon sa Lambak ng Paghatol, dahil malapit nang dumating ang araw ng pagpaparusa ng Panginoon. 15 Magdidilim ang araw at ang buwan, at hindi na magliliwanag ang mga bituin. 16 Aatungal na parang leon ang Panginoon mula sa Zion;[b] dadagundong ang kanyang tinig mula sa Jerusalem. Kaya mayayanig ang lupa at langit. Pero ang Panginoon ang matibay na kanlungan para sa mga Israelita na kanyang mamamayan.
Mga Bilin sa mga Namumuno sa Iglesya at sa mga Kabataan
5 Sa mga namumuno sa iglesya, may nais akong ipakiusap sa inyo bilang isa ring namumuno sa iglesya at nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo, at makakabahagi rin sa kaluwalhatian niya sa kanyang pagdating. 2 Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang[a] kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga tagapag-alaga nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Dios. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila. 3 Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo upang alagaan, kundi maging halimbawa kayo sa kanila. 4 At pagdating ni Cristo na siyang Pangulong Tagapag-alaga, tatanggap kayo ng gantimpalang napakaganda at hindi kukupas kailanman.
5 At kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat na mga mananampalataya, magpakumbaba kayo at maglingkod sa isaʼt isa, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Kinamumuhian ng Dios ang mga mapagmataas, ngunit kinakaawaan niya ang mga mapagpakumbaba.”[b] 6 Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Dios, dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo. 7 Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo. 8 Humanda kayo at mag-ingat, dahil ang kaaway ninyong si Satanas ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa. 9 Patatagin ninyo ang inyong pananampalataya sa Dios at labanan ninyo si Satanas. Alalahanin ninyong hindi lang kayo ang naghihirap kundi pati ang mga kapatid nʼyo kay Cristo sa buong mundo. Nararanasan din nila ang mga paghihirap na ito. 10 Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Dios para maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi rin sa walang hanggang kaluwalhatian niya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Cristo. 11 Purihin siya sa kapangyarihan niyang walang hanggan! Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®