Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Dalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel
129 Mga taga-Israel, sabihin ninyo kung paano kayo pinahirapan ng inyong mga kaaway mula nang itatag ang inyong bansa.
2 “Maraming beses nila kaming pinahirapan mula pa nang itatag ang aming bansa.
Ngunit hindi sila nagtagumpay laban sa amin.
3 Sinugatan nila ng malalim ang aming likod, na parang lupang inararo.
4 Ngunit ang Panginoon ay matuwid, pinalaya niya kami sa pagkaalipin mula sa masasama.”
5 Magsitakas sana dahil sa kahihiyan ang lahat ng namumuhi sa Zion.
6 Matulad sana sila sa damong tumutubo sa bubungan ng bahay, na nang tumubo ay agad ding namatay.
7 Walang nagtitipon ng ganitong damo o nagdadala nito na nakabigkis.
8 Sanaʼy walang sinumang dumadaan na magsasabi sa kanila,
“Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!
Pinagpapala namin kayo sa pangalan ng Panginoon.”
Ang Mensahe Tungkol sa Babilonia
50 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa Babilonia at sa mga mamamayan nito:
2 “Ipahayag sa mga bansa ang balita nang walang inililihim! At itaas ang watawat na tanda ng pagkawasak ng Babilonia! Madudurog at mapapahiya ang mga dios-diosan niya pati na ang dios-diosang si Bel at Marduk. 3 Sapagkat sasalakayin ang Babilonia ng isang bansa mula sa hilaga, at magiging mapanglaw ang lugar na ito. Wala nang maninirahan dito dahil tatakas ang mga mamamayan niya pati ang mga hayop.
4 “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay iiyak na lalapit sa akin, ang Panginoon na kanilang Dios. 5 Magtatanong sila ng daan papuntang Jerusalem[a] at pupunta sila roon. Gagawa sila ng walang hanggang kasunduan sa akin at hindi na nila ito kakalimutan.
6 “Ang mga mamamayan ko ay parang mga tupang naliligaw. Pinabayaan sila ng mga pastol nila roon sa kabundukan at kaburulan at hindi na nila alam ang daan pauwi. 7 Sinasakmal sila ng mga nakakakita sa kanila. Sinasabi ng mga kaaway nila, ‘Nagkasala sila sa Panginoon na siyang tunay nilang kapahingahan at pag-asa ng mga ninuno nila kaya wala tayong kasalanan sa ating pagsalakay sa kanila.’
17 “Ang mga Israelita ay parang mga tupang nagkalat na hinahabol ng mga leon. Una, sinakmal sila ng hari ng Asiria, pagkatapos ang pinakahuling ngumatngat ng mga buto nila ay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.
18 “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Parurusahan ko si Haring Nebucadnezar at ang Babilonia katulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria. 19 Pero pababalikin ko ang mga Israelita sa bansa nila. Magiging parang mga tupa silang nanginginain sa kabundukan ng Carmel at sa kapatagan ng Bashan, at sa kaburulan ng Efraim at Gilead, at mabubusog sila. 20 Sa mga araw na iyon, wala nang makikitang mga kasalanan at pagsuway sa mga natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda dahil patatawarin ko na sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(A)
39 Lumabas si Jesus sa Jerusalem, at gaya ng nakaugalian niya, pumunta siya sa Bundok ng mga Olibo. Sumama rin ang mga tagasunod niya. 40 Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” 41 Iniwan niya ang mga tagasunod niya at lumayo nang kaunti.[a] Pagkatapos, lumuhod siya at nanalangin, 42 “Ama, kung maaari ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating.[b] Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.” 43 [Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya. 44 Dahil sa paghihirap ng kanyang kalooban, lalo siyang nanalangin nang taimtim, at ang mga pawis niya ay parang dugo na tumutulo sa lupa.]
45 Pagkatapos, tumayo siya at binalikan ang mga tagasunod niya, pero nadatnan niya silang natutulog dahil napagod sila sa matinding paghihinagpis. 46 Kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®