Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 66:1-12

Papuri at Pasasalamat

66 Kayong mga tao sa buong mundo,
    isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
    Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
Sabihin ninyo sa kanya,
    “O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
    Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
    luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
    na may awit ng papuri.”
Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
Pinatuyo niya ang dagat;
    tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
    Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
Maghahari ang Dios ng walang hanggan
    sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
    kaya ang mga sumusuway sa kanya
    ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
    Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
Iningatan niya ang ating buhay
    at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.

10 O Dios, tunay ngang binigyan nʼyo kami ng pagsubok,
    na tulad ng apoy na nagpapadalisay sa pilak.
11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag
    at pinagpasan nʼyo kami ng mabigat na dalahin.
12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway na tapakan kami sa ulo;
    parang dumaan kami sa apoy at lumusong sa baha.
    Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.

Jeremias 25:1-14

Ang 70 Taong Pagkabihag

25 Ang mensaheng ito ay para sa mga taga-Juda. Itoʼy ibinigay ng Panginoon kay Jeremias noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Ito naman ang unang taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia.

Sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng taga-Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem: Sa loob ng 23 taon mula nang ika-13 taon ng paghahari ni Josia na anak ni Haring Ammon ng Juda hanggang ngayon, ang Panginoon ay nakikipag-usap sa akin. At patuloy ko namang sinasabi sa inyo ang ipinapasabi niya, pero hindi kayo nakinig. At kahit na patuloy pang nagpapadala sa inyo ang Panginoon ng mga lingkod niyang propeta, hindi nʼyo pa rin pinansin at hindi rin kayo nakinig. Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan nila, “Talikuran na ninyo ang mga masasama ninyong pag-uugali at gawain para patuloy kayong manirahan magpakailanman sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. Huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga dios, at huwag ninyo akong gagalitin sa pamamagitan ng mga dios-diosan na ginawa lang ninyo, para hindi ko kayo parusahan.”

Pero hindi kayo nakinig sa Panginoon. Lalo nʼyo pa nga siyang ginalit sa pamamagitan ng mga ginawa nʼyong dios-diosan. Kaya kayo na rin ang nagdala ng parusang ito sa sarili ninyo. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sapagkat hindi kayo nakinig sa mga sinabi ko, ipapasalakay ko kayo sa mga sundalong galing sa hilaga na pinangungunahan ng lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Lulusubin niya ang lupaing ito at ang mga mamamayan nito, pati ang lahat ng bansa sa palibot nito. Lilipulin ko kayo nang lubusan, at masisindak ang mga tao sa sinapit ninyo, at kukutyain kayo ng iba dahil mananatili kayong giba habang panahon. 10 Mawawala ang pagkakatuwaan at pagsasaya ninyo. Hindi na rin mapapakinggan ang pagsasaya ng mga bagong kasal. Wala nang gigiling ng trigo o magsisindi ng ilaw kung gabi. 11 Magiging mapanglaw ang lupaing ito. Ang bansang ito at ang mga bansa sa palibot ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng 70 taon.

12 “Pero pagkatapos ng 70 taon, parurusahan ko rin ang hari ng Babilonia pati ang mga mamamayan niya dahil sa mga kasalanan nila. At gagawin ko ring malungkot ang bansa nila sa habang panahon. 13 Ipapadama ko sa bansa nila ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila at sa iba pang mga bansa ayon sa sinabi ni Jeremias na nakasulat sa aklat na ito. 14 Aalipinin sila ng maraming bansa at ng mga makapangyarihang hari. Parurusahan ko sila ayon sa mga ginawa nila.”

2 Timoteo 1:13-18

13 Ituro mo ang tamang aral na natutunan mo sa akin, nang may pananampalataya at pag-ibig dahil ito ang karapat-dapat gawin ng mga nakay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Banal na Espiritu na nasa atin, ingatan mo ang tamang aral na ipinagkatiwala ko sa iyo.

15 Alam mong tinalikuran ako ng halos lahat ng mga kapatid sa probinsya ng Asia, pati na sina Figelus at Hermogenes. 16 Kaawaan sana ng Dios si Onesiforus at ang pamilya niya, dahil lagi niya akong tinutulungan,[a] at hindi niya ako ikinahiya kahit na akoʼy isang bilanggo. 17 Sa katunayan, nang dumating siya sa Roma, sinikap niya akong hanapin hanggang sa matagpuan niya ako. 18 At alam na alam mo kung paano niya ako tinulungan noong nasa Efeso ako. Kaawaan sana siya ng Panginoon sa Araw ng Paghuhukom.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®