Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 137

Ang Panaghoy ng mga Taga-Israel nang Silaʼy Nabihag

137 Nang maalala namin ang Zion, umupo kami sa pampang ng mga ilog ng Babilonia at umiyak.
Isinabit na lang namin ang aming mga alpa sa mga sanga ng kahoy.
Pinaaawit kami ng mga bumihag sa amin.
    Inuutusan nila kaming sila ay aliwin.
    Ang sabi nila,
    “Awitan ninyo kami ng mga awit tungkol sa Zion!”
Ngunit paano kami makakaawit ng awit ng Panginoon sa lupain ng mga bumihag sa amin?
Sanaʼy hindi na gumalaw ang kanan kong kamay kung kalilimutan ko ang Jerusalem!
Sanaʼy maging pipi ako kung hindi ko aalalahanin at ituturing na malaking kasiyahan ang Jerusalem.
Panginoon, alalahanin nʼyo ang ginawa ng mga taga-Edom nang lupigin ng Babilonia ang Jerusalem.
    Sinabi nila,
    “Sirain ninyo ito at wasakin nang lubos!”

Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin!
    Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin.
Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol,
    at ihahampas sa mga bato.

Panaghoy 1:16-22

16 Iyan ang dahilan kung bakit umiiyak ako. Walang nagpapalakas sa akin ni walang umaalo. Nakakaawa ang aking mga mamamayan dahil natalo sila ng kanilang mga kaaway.”

17 Humingi ng tulong ang Jerusalem pero walang tumulong sa kanya. Sapagkat niloob ng Panginoon na makaaway ng lahi ni Jacob ang mga bansa sa palibot niya. Itinuring nilang napakarumi ng Jerusalem sa paningin nila.

18 Sinabi ng Jerusalem, “Matuwid ang Panginoon, pero hindi ko sinunod ang kanyang mga utos. Kaya lahat kayo, pakinggan ninyo ako at tingnan ang aking paghihirap. Ang mga kabataan kong babae at lalaki ay binihag. 19 Humingi ako ng tulong sa aking mga kakampi pero pinagtaksilan nila ako. Namatay ang aking mga pari at ang mga tagapamahala ng lungsod habang naghahanap ng pagkain para mabuhay.

20 Panginoon, masdan nʼyo po ang aking kagipitan! Nababagabag at parang pinipiga ang puso ko, dahil naghihimagsik ako sa inyo. Kabi-kabila ang patayan sa aking mga lansangan pati na sa loob ng bahay ko. 21 Narinig ng mga tao ang pagdaing ko ngunit wala kahit isang umaalo sa akin. Nalaman ng lahat ng kaaway ko ang aking mga paghihirap at natuwa sila sa ginawa nʼyong ito sa akin. Dumating na sana ang araw na ipinangako nʼyong pagpaparusa sa kanila, para maging katulad ko rin sila. 22 Masdan nʼyo ang lahat ng kasamaang ginagawa nila; parusahan nʼyo sila tulad ng pagpaparusa nʼyo sa akin dahil sa lahat ng aking kasalanan. Paulit-ulit akong dumadaing at parang mawawalan na ako ng malay.”

Santiago 1:2-11

Ang Pananampalataya at Karunungan

Mga kapatid, magalak kayo sa tuwing dumaranas kayo ng mga pagsubok. Sapagkat alam ninyong nagdudulot ito ng katatagan sa inyong pananampalataya. Kaya tiisin ninyo ang mga pagsubok upang maging ganap at walang anumang pagkukulang ang buhay nʼyo. Kung mayroon mang nagkukulang sa inyo sa karunungan, humingi siya sa Dios at ibibigay ito sa kanya nang walang pagmamaramot at panunumbat. Ngunit dapat magtiwala ang humihingi at huwag magduda, dahil ang taong nagdududa ay katulad ng alon sa dagat na tinatangay at pinapadpad ng hangin. Ang ganitong tao ay hindi dapat umasa na may matatanggap mula sa Panginoon dahil nagdadalawang-isip siya at walang katiyakan sa mga ginagawa niya.

Mga Mahihirap at Mayayaman

Dapat ikagalak ng mga mahihirap na kapatid kay Cristo ang pagpaparangal ng Dios sa kanila. 10 Ang mga mayayaman naman na kapatid kay Cristo ay dapat ding ikarangal ang pagkakababa sa kanila ng Dios, dahil lilipas sila katulad ng mga bulaklak sa parang.[a] 11 Natutuyo ang mga damo sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang mga bulaklak nito, at kumukupas ang ganda. Ganoon din naman ang isang mayaman, mamamatay siya sa kasagsagan ng paghahanapbuhay niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®