Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Panaghoy ng mga Taga-Israel nang Silaʼy Nabihag
137 Nang maalala namin ang Zion, umupo kami sa pampang ng mga ilog ng Babilonia at umiyak.
2 Isinabit na lang namin ang aming mga alpa sa mga sanga ng kahoy.
3 Pinaaawit kami ng mga bumihag sa amin.
Inuutusan nila kaming sila ay aliwin.
Ang sabi nila,
“Awitan ninyo kami ng mga awit tungkol sa Zion!”
4 Ngunit paano kami makakaawit ng awit ng Panginoon sa lupain ng mga bumihag sa amin?
5 Sanaʼy hindi na gumalaw ang kanan kong kamay kung kalilimutan ko ang Jerusalem!
6 Sanaʼy maging pipi ako kung hindi ko aalalahanin at ituturing na malaking kasiyahan ang Jerusalem.
7 Panginoon, alalahanin nʼyo ang ginawa ng mga taga-Edom nang lupigin ng Babilonia ang Jerusalem.
Sinabi nila,
“Sirain ninyo ito at wasakin nang lubos!”
8 Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin!
Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin.
9 Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol,
at ihahampas sa mga bato.
5 Panginoon, alalahanin nʼyo po ang nangyari sa amin. Masdan nʼyo ang dinanas naming kahihiyan. 2 Kinuha ng mga dayuhan ang mga lupaʼt bahay namin. 3 Naulila kami sa ama, kaya nabiyuda ang aming mga ina. 4 Kinakailangang bayaran pa namin ang tubig na aming iniinom at ang kahoy na aming ipinanggagatong. 5 Pinagtatrabaho kaming parang mga hayop at hindi man lang pinagpapahinga. 6 Nagpasakop kami sa mga taga-Egipto at Asiria para magkaroon ng pagkain. 7 Ang mga ninuno naming patay na ang nagkasala pero kami ngayon ang nagdurusa dahil sa kanilang kasalanan. 8 Napailalim kami sa mga alipin at walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay. 9 Sa paghahanap namin ng pagkain, nanganib ang aming mga buhay sa mga armadong tao sa disyerto. 10 Nilalagnat kami dahil sa matinding gutom, at ang aming katawan ay kasing init ng pugon. 11 Pinagsamantalahan ang mga asawa namin sa Jerusalem at ang mga anak naming babae sa mga bayan ng Juda. 12 Ibinitin sa pamamagitan ng pagtali sa kamay ang aming mga tagapamahala at hindi iginalang ang aming matatanda. 13 Ang aming mga kabataang lalaki ay parang aliping sapilitang pinagtrabaho sa mga gilingan at ang mga batang lalaki ay nagkandasuray-suray sa pagpasan ng mabibigat na kahoy. 14 Ang matatanda ay hindi na umuupo sa mga pintuan ng lungsod para magbigay ng payo at ang mga kabataang lalaki ay hindi na tumutugtog ng musika. 15 Wala na kaming kagalakan. Sa halip na magsayaw, nagdadalamhati kami. 16 Wala na rin kaming karangalan. Nakakaawa kami dahil kami ay nagkasala. 17 Dahil dito, nasasaktan ang aming damdamin at nagdidilim ang aming paningin. 18 Dahil napakalungkot na ng Jerusalem at mga asong-gubat na lamang ang gumagala rito.
19 O Panginoon, maghahari kayo magpakailanman. Ang inyong paghahari ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi. 20 Bakit palagi nʼyo kaming kinakalimutan? Bakit kay tagal nʼyo kaming pinabayaan? 21 Ibalik nʼyo kami sa inyo, at kami ay babalik. Ibalik nʼyo kami sa dati naming kalagayan. 22 Talaga bang sobra na ang galit nʼyo sa amin kaya itinakwil nʼyo na kami?
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(A)
12 Kinabukasan, nang umalis sila sa Betania pabalik sa Jerusalem, nagutom si Jesus. 13 May nakita siyang isang madahong puno ng igos. Kaya nilapitan niya ito at tiningnan kung may bunga. Pero wala siyang nakita kundi mga dahon, dahil hindi pa panahon ng mga igos noon. 14 Sinabi ni Jesus sa puno, “Mula ngayon, wala nang makakakain ng bunga mo.” Narinig iyon ng mga tagasunod niya.
Ang Aral Mula sa Namatay na Puno ng Igos(A)
20 Kinaumagahan, nang pabalik na silang muli sa Jerusalem, nadaanan nila ang puno ng igos at nakita nilang tuyong-tuyo na ito hanggang sa ugat. 21 Naalala ni Pedro ang nangyari. Kaya sinabi niya, “Guro, tingnan nʼyo po ang puno ng igos na isinumpa ninyo. Natuyo na!” 22 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumampalataya kayo sa Dios! 23 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka sa dagat!’ At kung hindi kayo nag-aalinlangan kundi nananampalatayang mangyayari iyon, mangyayari nga ang sinabi ninyo. 24 Kaya tandaan ninyo: anuman ang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin, manampalataya kayong natanggap na ninyo ito, at matatanggap nga ninyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®