Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpupuri at Pagpapasalamat
65 O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
2 Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
3 Napakarami ng aming kasalanan,
ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
4 Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
ang inyong banal na templo.
5 O Dios na aming Tagapagligtas,
tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
6 Itinatag nʼyo ang mga bundok
sa pamamagitan ng inyong lakas.
Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
7 Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
ang hampas ng karagatan,
at ang pagkakagulo ng mga tao.
8 Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
Mula sa silangan hanggang kanluran,
ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
9 Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
Ganito ang itinakda ninyo.
10 Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11 Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12 Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13 Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim[a] ang makikita sa kapatagan.
Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.
1 Ito ang mensahe ng Panginoon na ipinahayag niya kay Joel na anak ni Petuel.
Sinira ng mga Balang ang mga Tanim
2 Kayong mga tagapamahala ng Juda at ang lahat ng inyong mamamayan, pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyo. Wala pang nangyari na katulad nito noong kapanahunan ng inyong mga ninuno o sa panahon ninyo ngayon. 3 Kailangang isalaysay ito sa bawat henerasyon ng inyong lahi.
4 Sunud-sunod na sumalakay ang mga pulutong ng balang. Ang mga naiwan na tanim na hindi naubos ng unang pulutong ay kinain ng sumunod na pulutong hanggang sa naubos ang mga tanim.[a]
5 Kayong mga lasenggo, bumangon kayo at umiyak nang malakas! Sapagkat wala na kayong maiinom; wala nang bunga ang mga ubas na gagawing alak. 6 Ang lupain ng Panginoon[b] ay sinalakay ng napakaraming balang.[c] Matalas ang kanilang mga ngipin na parang mga ngipin ng leon. 7 Sinira nila ang mga tanim na ubas ng Panginoon at ang kanyang mga puno ng igos. Nginatngat nila ang mga balat nito hanggang sa mamuti ang mga sanga.
8 Umiyak kayo katulad ng isang dalaga[d] na nakadamit ng sako[e] na namatayan ng binatang mapapangasawa. 9 Sapagkat wala nang butil o inumin na maihahandog sa templo ng Panginoon, kaya nalulungkot ang mga paring naglilingkod sa kanya. 10 Nasira ang mga bukirin na parang taong nagdadalamhati. Nasira na ang mga trigo, at wala na ang katas ng ubas at langis.
11 Kayong mga magsasaka, dapat kayong malungkot! Kayong mga tagapangalaga ng ubasan, umiyak kayo nang malakas! Sapagkat nasira ang aanihing mga trigo at sebada. 12 Nalanta ang mga tanim na ubas at ang lahat ng puno, pati na ang mga igos, pomegranata, palma, at mansanas. Talagang nawala ang kaligayahan ng mga tao.
Panawagan ng Pagsisisi
13 Kayong mga pari na naglilingkod sa altar ng aking Dios, magsuot kayo ng sako at pumunta sa templo at umiyak buong magdamag. Sapagkat wala nang butil o inumin na ihahandog sa templo ng inyong Dios. 14 Sabihin ninyo sa mga tagapamahala ng Juda at sa lahat ng kanyang mamamayan na pumunta silang lahat sa templo ng Panginoon na inyong Dios at mag-ayuno. Humingi sila ng tulong sa Panginoon.
15 Naku! Malapit na ang araw ng pagpaparusa ng Panginoong Makapangyarihan. 16 Nakita natin mismo kung paano tayo nawalan ng pagkain at kung paano nawala ang kagalakan sa templo ng Dios. 17 Namatay ang mga binhi sa tigang na lupa. At dahil natuyo ang mga butil, wala nang laman ang mga bodega, kaya nagiba na lamang ang mga ito. 18 Umaatungal ang mga hayop dahil sa gutom. Gumagala ang mga baka na naghahanap ng makakain, pati ang mga tupa ay nahihirapan na rin.
19 Nanalangin si Joel: Panginoon, nananawagan po ako sa inyo, dahil natuyo na ang mga pastulan at ang lahat ng punongkahoy sa bukirin, na parang nilamon ng apoy. 20 Maging ang mga hayop sa gubat ay dumadaing sa inyo, dahil tuyong-tuyo na ang mga ilog at mga sapa, at tuyo na rin ang mga pastulan, na parang nilamon ng apoy.
Ang mga Huling Araw
3 Tandaan mo ito: Magiging mahirap ang mga huling araw, 2 dahil magiging makasarili ang mga tao, sakim sa salapi, mayabang, mapagmataas, mapang-insulto, masuwayin sa magulang, walang utang na loob, at hindi makadios. 3 Ayaw nilang makipagkasundo sa kaaway nila, malupit, walang awa, mapanira sa kapwa, walang pagpipigil sa sarili, at galit sa anumang mabuti. 4 Hindi lang iyan, mga taksil sila, mapusok, mapagmataas, mahilig sa kalayawan sa halip na maibigin sa Dios. 5 Ipinapakita nilang makadios sila pero hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa buhay nila. Iwasan mo ang mga taong ganito. 6 May ilan sa kanilang gumagawa ng paraan para makapasok sa mga tahanan at manloko ng mga babaeng mahihina ang loob, na lulong na sa kasalanan at alipin ng sari-saring pagnanasa. 7 Nais laging matuto ng mga babaeng ito, pero hindi nila mauunawaan ang katotohanan kailanman. 8 Ang pagkontra sa katotohanan ng mga lalaking nangangaral sa kanila ay gaya ng pagkontra nina Jannes at Jambres kay Moises. Hindi matino ang pag-iisip nila, at ang sinasabi nilang pananampalataya ay walang kabuluhan. 9 Pero hindi rin magpapatuloy ang ginagawa nila dahil mahahalata ng lahat ang kahangalan nila, gaya ng nangyari kina Jannes at Jambres.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®