Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
19 Napakasakit isipin ang mga paghihirap at pagdurusa ko. 20 At kung palagi ko itong iisipin, manghihina ako. 21 Pero nanunumbalik ang pag-asa ko kapag naaalala ko na 22 ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo lubusang nalipol. 23 Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag. Dakila ang katapatan ng Panginoon! 24 Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang Panginoon ang lahat para sa akin, kaya sa kanya ako nagtitiwala.” 25 Mabuti ang Panginoon sa mga nagtitiwalaʼt umaasa sa kanya. 26 Mabuting matiyagang maghintay sa pagliligtas ng Panginoon.
7 Ngayong ang Jerusalem ay nagdadalamhati at naguguluhan, naalala niya ang lahat ng dati niyang yaman. Nang mahulog siya sa kamay ng mga kaaway niya, walang sinumang tumulong sa kanya. At nang siyaʼy bumagsak, kinutyaʼt tinawanan pa siya ng mga kaaway niya.
8 Napakalaki ng kasalanan ng Jerusalem, kaya naging marumi siya. Ang lahat ng pumupuri noon sa kanya ngayoʼy hinahamak na siya, dahil nakita nila ang kanyang kahihiyan.[a] Sa hiya ay napadaing siya at tumalikod. 9 Nahayag sa lahat ang kanyang karumihan, at hindi niya inalala ang kanyang kasasapitan. Malagim ang kanyang naging pagbagsak, at walang sinumang tumutulong sa kanya. Kaya sinabi niya, “O Panginoon tingnan nʼyo po ang aking paghihirap, dahil tinalo ako ng aking mga kaaway.”
10 Kinuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan niya. Sa temploʼy nakita niyang pumapasok ang mga taong hindi pinahihintulutan ng Panginoon na pumasok doon. 11 Ang mga mamamayan niyaʼy dumadaing habang naghahanap ng pagkain. Ipinagpalit nila ang kanilang mga kayamanan para sa pagkain upang mabuhay. Sinabi ng Jerusalem, “O Panginoon, pagmasdan nʼyo ako dahil akoʼy nasa kahihiyan.” 12 Sinabi rin niya sa mga dumaraan, “Balewala lang ba ito sa inyo? May nakita ba kayong naghirap na kagaya ko? Ang paghihirap na ito ay ipinataw sa akin ng Panginoon nang magalit siya sa akin. 13 Mula sa langit, nagpadala siya ng apoy na tila sumusunog sa aking mga buto. Naglagay siya ng bitag para sa aking mga paa at nahuli ako. Iniwanan niya akong nanghihina buong araw. 14 Inipon niya ang lahat ng aking mga kasalanan at inilagay sa aking batok bilang pamatok. At ito ang nagdala sa akin sa pagkabihag. Pinanghina ako ng Panginoon at ibinigay sa kamay ng mga kaaway na hindi ko kayang labanan. 15 Itinakwil ng Panginoon ang lahat ng mga kawal ko. Tinipon niya ang aking mga kaaway para lipulin ang aking mga kabataang sundalo. Ang mga mamamayan[b] ng Juda ay naging tulad ng ubas na ipinasok ng Panginoon sa pigaan at tinapak-tapakan.
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag(A)
29 Nang papaalis na sa Jerico si Jesus at ang mga tagasunod niya, sinundan sila ng napakaraming tao. 30 Samantala, may dalawang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sumigaw sila, “Panginoon, Anak ni David,[a] maawa po kayo sa amin!” 31 Pero sinaway sila ng mga tao at pinagsabihang manahimik. Ngunit lalo pa nilang nilakasan ang kanilang pagsigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa amin!” 32 Tumigil si Jesus, tinawag sila, at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita.” 34 Naawa si Jesus sa kanila, kaya hinipo niya ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita at sumunod kay Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®