Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 148

Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon

148 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
    Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
    at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.

Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
    at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.

    Purihin ang Panginoon!

Jeremias 26:1-9

Naligtas sa Kamatayan si Jeremias

26 1-2 Noong pasimula ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi sa akin ng Panginoon, “Tumayo ka sa bulwagan ng templo ko at magsalita ka sa mga mamamayan ng mga bayan ng Juda na naroon para sumamba. Sabihin mo sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko at huwag mong babawasan. Baka sakaling makinig sila sa iyo at tumalikod sa masama nilang pag-uugali. Kapag ginawa nila ito, hindi ko na itutuloy ang kaparusahang pinaplano ko sa kanila dahil sa masasamang ginagawa nila. Sabihin mo sa kanila ang ipinasasabi kong ito, ‘Kung hindi kayo maniniwala sa akin at ayaw ninyong sundin ang mga utos na ibinigay ko sa inyo, at kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ng mga lingkod kong propeta na palagi kong sinusugo sa inyo, gigibain ko ang templong ito katulad ng ginawa ko sa Shilo. At susumpain ang lungsod na ito ng lahat ng bansa sa buong mundo!’ ”

Narinig ng mga pari, mga propeta, at ng lahat ng tao na nasa templo ng Panginoon ang sinabing ito ni Jeremias. Pagkatapos niya itong sabihin, pinalibutan siya ng mga pari, mga propeta at mga tao, at sinabihan, “Dapat kang mamatay! Bakit mo sinabi sa pangalan ng Panginoon na ang templong itoʼy gigibain katulad ng Shilo, at ang lungsod na itoʼy magiging mapanglaw at wala nang maninirahan?” Kaya dinakip nila si Jeremias sa templo ng Panginoon.

Jeremias 26:12-15

12 Sinabi naman ni Jeremias sa lahat ng pinuno at sa lahat ng tao na naroroon, “Isinugo ako ng Panginoon para magsalita ng laban sa templo at sa lungsod na ito katulad ng narinig ninyo. 13 Kaya baguhin nʼyo na ang inyong pag-uugali at pamumuhay, at sumunod na kayo sa Panginoon na inyong Dios. Sapagkat kung ito ang gagawin nʼyo, hindi na itutuloy ng Panginoon ang sinabi niyang kapahamakan laban sa inyo. 14 At tungkol naman sa akin, wala akong magagawa. Gawin nʼyo sa akin kung ano ang mabuti at matuwid para sa inyo. 15 Pero tandaan ninyo ito: kung papatayin ninyo ako, mananagot kayo at ang mga mamamayan sa lungsod na ito dahil sa pagpatay nʼyo sa taong walang kasalanan. Sapagkat totoong sinugo ako ng Panginoon para sabihin sa inyo ang lahat ng narinig nʼyo ngayon.”

Gawa 6:8-15

Ang Pagdakip kay Esteban

Pinagkalooban ng Dios si Esteban ng pambihirang kapangyarihan. Kaya maraming himala at mga kamangha-manghang ginawa niya ang nasaksihan ng mga tao. Pero may mga taong kumalaban sa kanya. Ito ay ang mga Judiong mula sa Cyrene, Alexandria, Cilicia, at Asia. Mga miyembro sila ng sambahan ng mga Judio na tinatawag na Sambahan ng mga Pinalaya sa Pagkaalipin. Nakikipagtalo sila kay Esteban, 10 pero hindi nila kayang talunin si Esteban dahil binigyan siya ng karunungan ng Banal na Espiritu. 11 Kaya lihim nilang sinulsulan[a] ang ilang tao na magsabi, “Narinig namin si Esteban na nagsalita ng masama laban kay Moises at sa Dios.” 12 Sa ganitong paraan, naudyukan nilang magalit ang mga tao, ang mga pinuno ng mga Judio, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinakip nila si Esteban at dinala sa korte ng mga Judio. 13 Mayroon din silang pinapasok na ilang tao para tumestigo ng kasinungalingan laban kay Esteban. Sinabi nila, “Ang taong ito ay palaging nagsasalita ng laban sa ating sagradong templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinabi niya na ang ating templo ay gigibain ni Jesus na taga-Nazaret at papalitan niya ang mga kaugaliang iniwan sa atin ni Moises!” 15 Ang lahat ng miyembro ng Korte ay tumitig kay Esteban, at nakita nila ang kanyang mukha na nagliwanag na parang mukha ng anghel.

Gawa 7:51-60

51 Pagkatapos, sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa mga mensahe ng Dios, dahil ayaw ninyong sumunod sa mga sinasabi niya sa inyo. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa ugali ng inyong mga ninuno. 52 Walang propeta sa kanilang kapanahunan na hindi nila inusig. Ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod[a] ay pinatay nila. At pagdating dito ni Jesus, kayo ang siyang nagkanulo at pumatay sa kanya. 53 Tumanggap kayo ng Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi ninyo sinunod.”

Ang Pagbato kay Esteban

54 Nang marinig iyon ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila kay Esteban. Nagngalit ang kanilang mga ngipin sa matinding galit. 55 Pero si Esteban na puspos ng Banal na Espiritu ay tumingala sa langit, at nakita niya ang nagniningning na kapangyarihan ng Dios at si Jesus na nakatayo sa kanan nito. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo si Jesus na Anak ng Tao sa kanan ng Dios!” 57 Sumigaw ang mga miyembro ng Korte at tinakpan nila ang kanilang mga tainga para hindi nila marinig ang sinasabi ni Esteban. At sabay-sabay silang sumugod sa kanya. 58 Kinaladkad nila si Esteban palabas ng lungsod at binato. Hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa isang binatang ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya. Sinabi niya, “Panginoong Jesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.” 60 Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo silang papanagutin sa kasalanang ito na ginawa nila.” At pagkasabi niya nito, namatay siya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®