Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)
96 Kayong mga tao sa buong mundo,
umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
2 Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
3 Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
4 Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
5 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
6 Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
7 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
9 Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.
May Kanya-kanyang Oras ang Lahat
3 May oras na nakatakda para sa lahat ng gawain dito sa mundo:
2 May oras ng pagsilang at may oras ng kamatayan;
may oras ng pagtatanim at may oras ng pag-aani.
3 May oras ng pagpatay at may oras ng pagpapagaling;
may oras ng pagsira at may oras ng pagpapatayo.
4 May oras ng pagluha at may oras ng pagtawa;
may oras ng pagluluksa at may oras ng pagdiriwang.
5 May oras ng pagkakalat ng bato at may oras ng pagtitipon nito;
may oras ng pagsasama[a] at may oras ng paghihiwalay.
6 May oras ng paghahanap at may oras ng paghinto ng paghahanap;
may oras ng pagtatago at may oras ng pagtatapon.
7 May oras ng pagpunit at may oras ng pagtahi;
may oras ng pagtahimik at may oras ng pagsasalita.
8 May oras ng pagmamahal at may oras ng pagkagalit;
may oras ng digmaan at may oras ng kapayapaan.
17 Lahat ng mabubuti at angkop na kaloob ay nanggagaling sa Dios na siyang lumikha ng mga bagay sa langit na nagbibigay-liwanag. At kahit pabago-bago at paiba-iba ang anyo ng anino ng mga ito, ang Dios ay hindi nagbabago. 18 Ayon sa kanyang kalooban, ginawa niya tayong mga anak niya sa pamamagitan ng pagkilala natin sa katotohanan,[a] upang maging higit tayo sa lahat ng nilikha niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®