Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 126

Dalangin para Iligtas

126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[a] parang itoʼy panaginip lang.
Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
    At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
    “Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
    at punong-puno tayo ng kagalakan.

Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
    tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.

Habakuk 2:1-5

Sinabi ni Habakuk, “Aakyat ako sa tore, sa aking bantayan at hihintayin ko kung ano ang sasabihin sa akin ng Panginoon at kung ano ang kanyang sagot sa aking hinaing.”

Ang Sagot ng Dios kay Habakuk

Ito ang sagot ng Panginoon kay Habakuk: “Isulat nang malinaw sa sulatang bato ang pahayag na ito para madaling basahin. Isulat mo muna ito dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito. Ngunit hindi magtatagal at tiyak na mangyayari ito. Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon.”

Ito ang isulat mo:

“Tingnan mo ang mga taong mapagmataas. Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Pero ang taong matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya.[a] Ang totoo, hindi maaasahan ang kayamanan.[b] At ang mga taong mapagmataas na sakim sa kayamanan ay laging balisa at walang kasiyahan. Tulad nilaʼy kamatayan na hindi makukuntento. Kaya binibihag nila ang maraming bansa.

Filipos 3:7-11

Pinapahalagahan ko noon ang lahat ng ito, pero ngayon itinuturing ko na itong walang halaga dahil kay Cristo. At hindi lang iyan, para sa akin, ang lahat ng bagay ay walang halaga kung ihahambing sa pagkakakilala ko kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Itinuring ko na parang basura ang lahat ng bagay makamtan lang si Cristo, at ako namaʼy maging kanya. Hindi na ako nagtitiwala na akoʼy magiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan kundi sa pananampalataya kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ay kaloob sa akin ng Dios nang sumampalataya ako kay Cristo. 10 Nais ko ngayon na higit pang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng muli niyang pagkabuhay, makabahagi sa mga paghihirap niya at matulad sa kanya, sa kamatayan niya. 11 Sa ganoon, mabubuhay akong muli. Harinawa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®