Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagtitiwala
27 Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas.
Sino ang aking katatakutan?
Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan.
2 Kapag sinasalakay ako ng masasamang tao o ng aking mga kaaway upang patayin,
sila ang nabubuwal at natatalo!
3 Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal,
hindi ako matatakot.
Kahit salakayin nila ako,
magtitiwala ako sa Dios.
4 Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon, ito ang tanging ninanais ko:
na akoʼy manirahan sa kanyang templo habang akoʼy nabubuhay,
upang mamasdan ang kanyang kadakilaan,
at hilingin sa kanya ang kanyang patnubay.
5 Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo,
at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar.
6 Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko na nakapaligid sa akin.
Maghahandog ako sa templo ng Panginoon habang sumisigaw sa kagalakan,
umaawit at nagpupuri.
7 Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag.
Kahabagan nʼyo ako at sagutin ang aking dalangin.
8 Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso na lumapit sa inyo,
kaya narito ako, lumalapit sa inyo.
9 Huwag nʼyo po akong pagtaguan!
Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil dahil sa inyong galit.
Kayo na laging tumutulong sa akin,
huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan,
O Dios na aking Tagapagligtas.
10 Iwanan man ako ng aking mga magulang,
kayo naman, Panginoon, ang mag-aalaga sa akin.
11 Ituro nʼyo sa akin ang daang gusto nʼyong lakaran ko.
Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan,
dahil sa mga kaaway ko na gusto akong gawan ng masama.
12 Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway,
dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan ng kasinungalingan,
at nais nilang akoʼy saktan.
13 Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon,
habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.
14 Magtiwala kayo sa Panginoon!
Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa.
Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!
Muling Pagpapalain ang Jerusalem
2 Darating ang araw na pasasaganain at pagagandahin ng Panginoon ang mga pananim[a] sa Israel, at ang mga ani ng lupain ay magiging karangalan at kaligayahan ng natitirang mga tao sa Jerusalem. 3 Tatawaging banal ang mga natirang buhay sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. 4 Sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, hahatulan niya at lilinisin ang kasamaan ng mga babae sa Jerusalem at ang mga patayan doon. 5 Pagkatapos, lilikha ang Panginoon ng ulap na lililim sa ibabaw ng Jerusalem[b] at sa mga nagtitipon doon. Lilikha rin siya ng nagniningas na apoy na magbibigay ng liwanag kung gabi. Tatakip ito sa Jerusalem na parang isang malapad na tolda, 6 at parang kubol na magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan sa panahon ng bagyo at ulan.
Ipinaliwanag ni Pedro ang Kanyang Ginawa
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa Judea na ang mga hindi Judio ay tumanggap din ng salita ng Dios. 2 Kaya pagbalik ni Pedro sa Jerusalem, sinalungat siya ng mga kapatid na Judio na naniniwalang ang mga hindi Judio ay kinakailangang magpatuli muna bago maging kaanib nila. 3 Sinabi nila kay Pedro, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka nakituloy at nakikain sa bahay ng mga hindi Judio na hindi tuli?” 4 Kaya ipinaliwanag ni Pedro sa kanila ang buong pangyayari mula sa simula.
5 Sinabi niya, “Habang nananalangin ako sa lungsod ng Jopa, may ipinakita sa akin ang Dios. Nakita ko ang parang malapad na kumot na bumababa mula sa langit. May tali ito sa apat na sulok, at ibinaba sa tabi ko. 6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad kasama na rito ang mababangis, mga gumagapang, at mga lumilipad. 7 At narinig ko ang boses na nagsasabi sa akin, ‘Pedro tumayo ka! Magkatay ka at kumain.’ 8 Pero sumagot ako, ‘Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.’ 9 Pagkatapos, muling nagsalita ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang kahit na anong bagay na nilinis na ng Dios.’ 10 Tatlong beses naulit ang pangyayaring ito, at pagkatapos ay hinila na pataas ang kumot. 11 Nang mga oras ding iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaki na galing sa Cesarea. Inutusan sila na sunduin ako. 12 Sinabi ng Banal na Espiritu sa akin na huwag akong mag-alinlangang sumama sa kanila. At nang umalis na kami papunta sa bahay ni Cornelius sa Cesarea, sumama sa akin itong anim na kapatid natin na taga-Jopa. 13 Pagpasok namin doon, ikinuwento ni Cornelius sa amin na may nakita siyang anghel sa loob ng kanyang bahay na nagsabi sa kanya, ‘Magsugo ka sa Jopa para sunduin si Simon na tinatawag na Pedro. 14 Sasabihin niya sa iyo kung paano ka maliligtas at ang iyong buong pamilya.’ 15 At nang magsalita na ako, napuspos sila ng Banal na Espiritu tulad din ng nangyari sa atin noon. 16 At naalala ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.’ 17 Kaya ang nangyari sa kanila ay nagpapatunay na ang ibinigay ng Dios sa ating mga Judio, nang sumampalataya tayo sa Panginoong Jesu-Cristo ay ibinigay din niya sa mga hindi Judio. At kung ganoon ang gusto ng Dios, sino ba ako para hadlangan siya?” 18 Nang marinig ito ng mga kapatid na Judio, hindi na nila binatikos si Pedro, sa halip ay nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Kung ganoon, ibinigay din ng Dios sa mga hindi Judio ang pagkakataon na magsisi para matanggap nila ang buhay na walang hanggan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®