Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kaligtasan ng mga Mamamayan ng Dios
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag,
sa halip ay nananatili magpakailanman.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem,
ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
3 Ang masama ay hindi mananatiling namamahala sa lupaing para sa mga matuwid,
dahil baka makagawa rin ng masama ang mga matuwid.
4 Panginoon, gawan nʼyo ng mabuti ang mga taong mabuti na namumuhay nang matuwid.
5 Ngunit parusahan nʼyo kasama ng masasama ang inyong mamamayan na sumusunod sa hindi wastong pamumuhay.
Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan.
9 Pagkatawid nila, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Bago ako kunin sa iyo, sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.” Sumagot si Eliseo, “Gusto kong ipamana mo sa akin ang dobleng bahagi ng iyong kapangyarihan.”[a] 10 Sinabi ni Elias, “Mahirap ang hinihiling mo. Pero, matatanggap mo ito kung makikita mo ako habang kinukuha sa harap mo, kung hindi mo ako makikita, hindi mo matatanggap ang hinihiling mo.”
11 Habang naglalakad sila na nagkukwentuhan, biglang may dumating na karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy. Dumaan ito sa gitna nila na nagpahiwalay sa kanila, at biglang dinala si Elias papuntang langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo. 12-13 Nakita ito ni Eliseo at sumigaw siya, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!” At hindi na niya nakita si Elias. Pagkatapos, pinunit niya ang kanyang damit bilang pagpapakita ng kalungkutan niya. Dinampot niya ang balabal ni Elias na nahulog, at bumalik siya sa tabi ng Ilog ng Jordan at tumayo roon. 14 Hinampas niya ang tubig ng balabal ni Elias at sinabi, “Nasaan na ang Panginoon, ang Dios ni Elias?” Nang ginawa niya iyon, nahawi ang tubig at tumawid siya. 15 Nang makita ito ng grupo ng mga propeta na galing sa Jerico, sinabi nila, “Ang kapangyarihan ni Elias ay sumasakanya.” Kaya sinalubong nila si Eliseo at yumukod sila bilang paggalang sa kanya. 16 Sinabi nila, “May kasama kaming 50 malalakas na tao. Hayaan mong hanapin nila ang guro mo. Baka dinala lang siya ng Espiritu ng Panginoon sa isang bundok o sa isang lambak.” Sumagot si Eliseo, “Huwag na ninyo silang paalisin.” 17 Pero nagpumilit sila hanggang sa nahiya na lang siya na tumanggi. Sinabi niya, “Sige, paalisin ninyo sila.” Kaya pinaalis nila ang 50 tao at sa loob ng tatlong araw ay hinanap nila si Elias, pero hindi nila ito nakita. 18 Pagbalik nila kay Eliseo, na nasa Jerico pa, sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyo na huwag na kayong umalis?”
Ang mga Himala na Ginawa ni Eliseo
19 Ang mga tao sa lungsod ng Jerico ay nagsabi kay Eliseo, “Ginoo, nakita naman po ninyo na mabuti ang kinatatayuan ng aming lugar, pero marumi ang tubig at hindi tinutubuan ng pananim ang lupa.”[b] 20 Sinabi ni Eliseo, “Dalhan ninyo ako ng bagong mangkok at lagyan ito ng asin.” Kaya siyaʼy dinalhan nila nito. 21 Pumunta siya sa bukal at inihagis doon ang asin at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Lilinis ang tubig na ito. At mula ngayon, hindi na ito magiging sanhi ng kamatayan o hindi pagtubo ng mga pananim.”[c] 22 Mula noon, naging malinis na ang tubig, ayon sa sinabi ni Eliseo na mangyayari.
17 “Mga kapatid, alam kong nagawa ninyo at ng inyong mga pinuno ang mga bagay na iyon kay Jesus dahil hindi nʼyo alam kung sino talaga siya. 18 Ipinahayag na ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta na si Cristo ay kinakailangang magdusa. At sa inyong ginawa sa kanya, natupad ang sinabi ng Dios. 19 Kaya ngayon, kailangang magsisi na kayo at lumapit sa Dios, para patawarin niya ang inyong mga kasalanan, 20 at matanggap nʼyo ang bagong kalakasan mula sa Panginoon. Pagkatapos, ipapadala niya si Jesus, ang Cristo na itinalaga niya noon para sa inyo. 21 Ngunit kinakailangang manatili muna si Jesus sa langit hanggang sa dumating ang panahon na mabago ng Dios ang lahat ng bagay. Iyan din ang sinabi ng Dios noon sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. 22 Katulad ng sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoon na ating Dios ay magbibigay sa inyo ng isang propetang katulad ko at kalahi ninyo. Kinakailangang sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. 23 Ang hindi susunod sa sinasabi ng propetang ito ay ihihiwalay sa bayan ng Dios at lilipulin.’[a] 24 Ganyan din ang sinabi ng lahat ng propeta mula kay Samuel. Silang lahat ay nagpahayag tungkol sa mga bagay na mangyayari ngayon. 25 Ang mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga propeta ay para talaga sa atin na mga Judio, at kasama tayo sa kasunduan na ginawa ng Dios sa ating mga ninuno, dahil sinabi niya kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya sinugo ng Dios ang kanyang piniling Lingkod, una sa atin na mga Judio, para tulungan niya tayong talikuran ang kasamaan.”
Sina Pedro at Juan sa Harapan ng Korte
4 Habang nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga tao, nilapitan sila ng mga pari, ng kapitan ng mga guwardya sa templo, at ng mga Saduceo. 2 Nagalit sila dahil nangangaral ang dalawa na muling nabuhay si Jesus, at itoʼy nagpapatunay na may muling pagkabuhay. 3 Kaya dinakip nila sina Pedro at Juan. Iimbestigahan pa sana ang dalawa, pero dahil gabi na, ipinasok na lang muna sila sa bilangguan hanggang sa kinaumagahan. 4 Pero kahit ganito ang nangyari sa kanila, marami sa mga nakarinig ng kanilang pagtuturo ang sumampalataya. Ang mga lalaki na sumampalataya ay 5,000.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®