Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pangako ng Panginoon kay David(A)
7 Nang manirahan si Haring David sa kanyang palasyo, binigyan ng kapayapaan ng Panginoon ang kaharian niya; hindi siya sinasalakay ng mga kalaban niya. 2 Isang araw, sinabi ni David kay Propeta Natan, “Tingnan mo, nakatira ako sa magandang palasyo na gawa sa kahoy na sedro, pero ang Kahon ng Dios ay nasa tolda lang.” 3 Sumagot si Natan sa hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.” 4 Pero nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan, 5 “Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David na ito ang sinabi ko, ‘Ikaw ba ang magpapatayo ng templong titirhan ko? 6 Hanggang ngayon hindi pa ako tumitira sa templo mula noong inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. Nagpalipat-lipat ako ng lugar na tolda lang ang pinananahanan ko. 7 Sa paglipat-lipat ko kasama ang lahat ng mamamayan kong Israelita, hindi ako nagreklamo sa mga pinuno nila na inuutusan akong mag-alaga sa kanila. Ni hindi ako nagtanong kung bakit hindi nila ako ipinagpapatayo ng templo na gawa sa sedro.’
8 “Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita. 9 Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo. 10 Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati, 11 mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Magiging payapa ang paghahari mo at wala ng kalaban na sasalakay sa iyo. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na hindi mawawalan ng maghahari galing sa angkan mo.
16 Magpapatuloy ang paghahari mo magpakailanman, ganoon din ang paghahari ng iyong angkan.’ ”
Ang Awit ni Maria
46 At sinabi ni Maria,
“Buong puso kong pinupuri ang Panginoon,
47 at nagagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas!
48 Sapagkat inalala niya ako na kanyang abang lingkod.
Mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng henerasyon,
49 dahil sa dakilang mga bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihang Dios.
Banal siya!
50 Kinaaawaan niya ang mga taong may takot sa kanya sa bawat henerasyon.
51 Ipinakita niya ang dakila niyang mga gawa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Itinaboy niya ang mga taong mataas ang tingin sa sarili.
52 Ibinagsak niya ang mga makapangyarihang hari mula sa kanilang mga trono,
at itinaas niya ang mga nasa mababang kalagayan.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
ngunit pinaalis niya na walang dala ang mayayaman.
54-55 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod. Sapagkat hindi niya kinalimutan ang kanyang ipinangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, na kaaawaan niya sila magpakailanman.”
Ang Kasunduan ng Dios kay David
89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
2 Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
3 At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
Ito ang ipinangako ko sa kanya:
4 Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
19 Noon, nagsalita kayo sa inyong mga tapat na lingkod sa pamamagitan ng pangitain.
Sinabi nʼyo, “May hinubog akong isang mandirigma.
Pinili ko siya mula sa mga karaniwang tao,
at ginawang hari.
20 Si David na aking lingkod ang pinili kong hari sa pamamagitan ng pagpahid sa kanya ng banal na langis.
21 Ang kapangyarihan ko ang makakasama niya, at magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kanyang mga kaaway.
Hindi magtatagumpay laban sa kanya ang masasama.
23 Dudurugin ko sa kanyang harapan ang kanyang mga kaaway,
at lilipulin ang mga may galit sa kanya.
24 Mamahalin ko siya at dadamayan.
At sa pamamagitan ng aking kapangyarihan
ay magtatagumpay siya.
25 Paghahariin ko siya mula sa Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Ilog ng Eufrates.[a]
26 Sasabihin niya sa akin, ‘Kayo ang aking Ama at Dios;
kayo ang bato na aking kanlungan at kaligtasan.’
Papuri sa Dios
25 Purihin natin ang Dios na siyang makakapagpatibay sa pananampalataya ninyo ayon sa Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. Ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo ay inilihim nang matagal na panahon, 26 pero ipinahayag na ngayon sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta. Itoʼy ayon sa utos ng walang kamatayang Dios, para ang lahat ng tao ay sumampalataya at sumunod sa kanya.
27 Purihin natin ang Dios na tanging nakakaalam ng lahat. Purihin natin siya magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.
Nagpakita kay Maria ang Anghel
26 Nang ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Elizabet, inutusan ng Dios ang anghel na si Gabriel na pumunta sa nayon ng Nazaret sa Galilea. 27 Pinapunta siya sa isang birhen[a] na ang pangalan ay Maria. Nakatakda nang ikasal si Maria kay Jose na mula sa lahi ni Haring David. 28 Sinabi ni Gabriel kay Maria, “Matuwa ka,[b] Maria, ikaw na pinagpala ng Dios. Sumasaiyo ang Panginoon.”
29 Nabagabag si Maria sa sinabi ng anghel. Inisip niyang mabuti kung ano ang ibig sabihin noon. 30 Kaya sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, dahil pinagpala ka ng Dios. 31 Magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus. 32 Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Dios. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Dios ang trono ng ninuno niyang si David. 33 Maghahari siya sa mga lahi ni Jacob magpakailanman; ang paghahari niya ay walang katapusan.”
34 Nagtanong si Maria sa anghel, “Paano po ito mangyayari gayong dalaga pa ako?”
35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Banal na Espiritu at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Dios. Kaya ang banal na sanggol na ipapanganak mo ay tatawaging Anak ng Dios. 36 Maging ang kamag-anak mong si Elizabet ay buntis din sa kabila ng kanyang katandaan. Alam ng lahat na baog siya, pero anim na buwan na siyang buntis ngayon. 37 Sapagkat walang imposible sa Dios.”
38 Sumagot si Maria, “Alipin po ako ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi ninyo.” At iniwan siya ng anghel.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®