Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kasunduan ng Dios kay David
89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
2 Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
3 At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
Ito ang ipinangako ko sa kanya:
4 Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
19 Noon, nagsalita kayo sa inyong mga tapat na lingkod sa pamamagitan ng pangitain.
Sinabi nʼyo, “May hinubog akong isang mandirigma.
Pinili ko siya mula sa mga karaniwang tao,
at ginawang hari.
20 Si David na aking lingkod ang pinili kong hari sa pamamagitan ng pagpahid sa kanya ng banal na langis.
21 Ang kapangyarihan ko ang makakasama niya, at magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kanyang mga kaaway.
Hindi magtatagumpay laban sa kanya ang masasama.
23 Dudurugin ko sa kanyang harapan ang kanyang mga kaaway,
at lilipulin ang mga may galit sa kanya.
24 Mamahalin ko siya at dadamayan.
At sa pamamagitan ng aking kapangyarihan
ay magtatagumpay siya.
25 Paghahariin ko siya mula sa Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Ilog ng Eufrates.[a]
26 Sasabihin niya sa akin, ‘Kayo ang aking Ama at Dios;
kayo ang bato na aking kanlungan at kaligtasan.’
2 Nang panahong iyon, may isang lalaki na ang pangalan ay Manoa. Kabilang siya sa lahi ni Dan, at nakatira siya sa Zora. Ang asawa niya ay baog. 3 Isang araw, nagpakita ang anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa at nagsabi, “Hanggang ngayon ay wala ka pang anak. Pero hindi magtatagal, magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki. 4 Mula ngayon, siguraduhin mong hindi ka na iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi. 5 At huwag mong gugupitan ang buhok niya, sapagkat ang sanggol na isisilang mo ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo. Ililigtas niya ang Israel sa mga Filisteo.”
6 Pumunta ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang kamangha-manghang lingkod ng Dios na parang anghel. Hindi ko naitanong kung taga-saan siya at hindi rin niya sinabi kung sino siya. 7 Sinabi niya sa akin na mabubuntis ako at manganganak ng lalaki. Sinabihan din niya ako na huwag iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakalalasing, o kumain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi, dahil ang sanggol na isisilang ko ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo mula sa kanyang pagkasilang hanggang sa mamatay siya.”
8 Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Panginoon, kung maaari po, pabalikin ninyo ang taong isinugo nʼyo para turuan kami kung ano ang dapat naming gawin sa anak namin kapag isinilang na siya.”
9 Pinakinggan ng Dios ang panalangin ni Manoa. Muling nagpakita ang anghel ng Dios sa asawa ni Manoa habang nakaupo siyang nag-iisa sa bukid. 10 Mabilis niyang hinanap ang asawa niya at sinabi, “Manoa, halika! Narito ang tao na nagpakita sa akin noong isang araw.” 11 Tumayo si Manoa at sumunod sa kanyang asawa. Pagkakita niya sa tao, tinanong niya, “Kayo ba ang nakipag-usap sa asawa ko?” Sumagot siya, “Oo.” 12 Nagtanong si Manoa sa kanya, “Kung matutupad ang sinabi nʼyo, ano po ba ang mga dapat sundin ng batang ito patungkol sa kanyang pamumuhay at sa kanyang gawain?” 13 Sumagot ang anghel, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya. 14 Hindi siya kakain ng anumang mula sa ubas. Hindi rin siya iinom ng katas ng ubas o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi. Kailangang sundin niya ang lahat ng sinabi ko sa kanya.”
15 Sinabi ni Manoa sa anghel, “Huwag po muna kayong umalis dahil magkakatay kami ng batang kambing para sa inyo.” 16 Sumagot ang anghel, “Kahit hindi ako umalis, hindi ko kakainin ang pagkaing inihanda mo. Mabuti pa kung maghahanda ka ng handog na sinusunog para sa Panginoon.” (Hindi alam ni Manoa na anghel pala iyon ng Panginoon.)
17 Nagtanong si Manoa, “Ano po ang pangalan nʼyo, para mapasalamatan po namin kayo sa oras na matupad ang sinabi nʼyo?” 18 Sumagot ang anghel, “Bakit gusto mong malaman ang pangalan ko? Mahirap itong maintindihan.” 19 Pagkatapos, kumuha si Manoa ng batang kambing at inihandog niya bilang pagpaparangal sa Panginoon, at inilagay niya ito sa ibabaw ng altar na bato para sa Panginoon. Habang nakatitig si Manoa at ang asawa niya, gumawa ang Panginoon ng kamangha-manghang bagay. 20 Nakita nila ang anghel ng Panginoon na pumaitaas sa langit kasama ng naglalagablab na apoy. Dahil sa nakita nila, lumuhod sila at nagpatirapa sa lupa. 21 Doon nila naunawaan na anghel nga iyon ng Panginoon. Mula noon hindi na nila muling nakita ang anghel.
22 Sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo dahil nakita natin ang Dios.” 23 Pero sumagot ang kanyang asawa, “Kung gusto ng Panginoon na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang mga handog natin. Hindi rin sana niya ipinakita sa atin ang himala o sinabi sa atin ang tungkol sa sanggol.”
24 Dumating ang panahon na nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang anak niya at pinangalanan nila siyang Samson. Pinagpala ng Panginoon ang sanggol habang lumalaki.
Ang Paniniwala ng mga Tao tungkol kay Jesus
40 Maraming tao ang nakarinig sa sinabing iyon ni Jesus, at sinabi ng ilan sa kanila, “Siya na nga ang Propeta na hinihintay natin!” 41 Sinabi naman ng iba, “Siya na nga ang Cristo!” Pero may nagsabi rin, “Hindi siya ang Cristo, dahil hindi maaaring manggaling ang Cristo sa Galilea. 42 Hindi baʼt sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni Haring David, at ipapanganak sa Betlehem na bayan ni David?” 43 Kaya iba-iba ang paniniwala ng mga tao tungkol kay Jesus. 44 Gusto ng ilan na dakpin siya, pero walang humuli sa kanya.
Ayaw Maniwala ng mga Pinuno ng mga Judio kay Jesus
45 Bumalik ang mga guwardya ng templo sa mga namamahalang pari at mga Pariseo na nag-utos sa kanila na dakpin si Jesus. Tinanong sila ng mga ito, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” 46 Sumagot sila, “Ngayon lang po kami nakarinig ng katulad niyang magsalita.” 47 Sinabi ng mga Pariseo, “Kung ganoon, pati kayo ay naloko na rin ng taong iyon? 48 May nakita na ba kayong mga pinuno o mga Pariseong sumasampalataya sa kanya? 49 Wala! Mga tao lang na walang alam sa Kautusan ni Moises ang sumasampalataya sa kanya. Sumpain sila ng Dios!” 50 Isa sa mga Pariseong naroon ay si Nicodemus, na minsang dumalaw kay Jesus. Sinabi niya sa mga kasamahan niya, 51 “Hindi baʼt labag sa Kautusan natin na hatulan ang isang tao hanggaʼt hindi siya nalilitis at inaalam kung ano ang ginawa niya?” 52 Sumagot sila kay Nicodemus, “Taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka sa Kasulatan at makikita mong walang propetang nanggagaling sa Galilea.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®