Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 3:7-17

At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, pararangalan kita sa harap ng lahat ng Israelita para malaman nilang sumasaiyo ako gaya ng pagsama ko kay Moises. Sabihin mo sa mga paring tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan na pagtapak nila sa Ilog ng Jordan ay huminto muna sila.”

Kaya tinawag ni Josue ang mga tao, “Halikayo sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios. 10 Ngayon, malalaman nʼyo na sumasainyo ang buhay na Dios, dahil siguradong itataboy niya papalayo sa inyo ang mga Cananeo, Heteo, Hiveo, Perezeo, Girgaseo, Amoreo at mga Jebuseo. 11 Tiyakin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo ay mauuna sa inyo sa pagtawid sa Ilog ng Jordan. 12 Kaya ngayon, pumili kayo ng 12 lalaki, isa sa bawat lahi ng Israel. 13 Kapag lumusong na ang mga pari na tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, ang Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo, hihinto ang pagdaloy ng tubig sa Ilog ng Jordan. Ang tubig nito mula sa itaas ay maiipon sa isang lugar.”

14-15 Anihan noon at umaapaw ang tubig sa pampang ng ilog ng Jordan. Umalis ang mga tao sa mga kampo nila para tumawid sa ilog. Nauuna sa kanila ang mga paring buhat ang Kahon ng Kasunduan. Paglusong ng mga pari sa ilog, 16 huminto agad sa pagdaloy ang tubig. Naipon ang tubig sa malayo, sa lugar na tinatawag na Adam – isang bayan malapit sa Zaretan. Walang tubig na dumaloy papunta sa Dagat na Patay,[a] kaya nakatawid ang mga tao sa lugar na malapit sa Jerico. 17 Nakatayo sa gitna ng natuyong ilog ang mga pari na buhat ang Kahon ng Kasunduan habang tumatawid ang mga Israelita. Hindi sila umalis doon hanggaʼt hindi nakakatawid ang lahat.

Salmo 107:1-7

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.

May mga taong naglakbay sa ilang;
    hindi nila makita ang daan papuntang lundsod na maaari nilang tirhan.
Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.
Sa kanilang kahirapan, tumawag sila sa Panginoon,
    at iniligtas niya sila sa kagipitan.
At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na matitirahan.

Salmo 107:33-37

33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
    at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34 Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
    dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
    at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36 Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
    at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
    kaya sagana sila pagdating ng anihan.

1 Tesalonica 2:9-13

Tiyak na natatandaan nʼyo pa, mga kapatid, ang pagsisikap namin noong nasa inyo pa kami. Habang ipinangangaral namin ang Magandang Balita ng Dios, araw-gabi kaming nagtatrabaho para hindi kami maging pabigat sa inyo. 10 Saksi namin kayo at ang Dios na ang pakikitungo namin sa inyong mga mananampalataya ay tapat, matuwid at walang kapintasan. 11 Alam ninyong katulad ng isang ama sa kanyang mga anak ang turing namin sa bawat isa sa inyo. 12 Pinalakas namin ang loob nʼyo, pinayuhan at hinikayat na mamuhay nang karapat-dapat sa Dios na humirang sa inyo para sa kanyang kaharian at kadakilaan.

13 Lagi rin kaming nagpapasalamat sa Dios dahil nang tanggapin nʼyo ang pangangaral namin, tinanggap nʼyo ito hindi bilang salita ng tao, kundi bilang salita ng Dios na kumikilos sa buhay ninyong mga sumasampalataya.

Mateo 23:1-12

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at sa mga Pariseo(A)

23 Pagkatapos, nagsalita si Jesus sa mga tao at sa mga tagasunod niya. Sinabi niya, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya dapat ninyong pakinggan at sundin ang lahat ng itinuturo nila sa inyo. Pero huwag ninyong gayahin ang mga ginagawa nila dahil hindi nila ginagawa ang mga itinuturo nila. Ipinapatupad nila sa inyo ang mahihirap nilang kautusan, pero sila mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. Ang lahat ng ginagawa nila ay pakitang-tao lang. At upang ipakita na napakarelihiyoso nila, nilalakihan nila ang kanilang mga pilakterya[a] at hinahabaan ang laylayan[b] ng kanilang mga damit. Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa mga handaan at mga sambahan. At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar at tawaging ‘Guro.’ Ngunit huwag kayong magpatawag na ‘Guro,’ dahil lahat kayoʼy magkakapatid at iisa lang ang inyong Guro. At huwag ninyong tawaging ‘Ama’ ang sinuman dito sa lupa, dahil iisa lang ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na ‘Amo,’ dahil iisa lang ang inyong amo, walang iba kundi ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. 12 Ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa ng Dios, at ang nagpapakababa ay itataas ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®