Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:49-56

49 Alalahanin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
    dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.
50 Ang inyong mga pangako ang siyang nagpapalakas,
    at umaaliw sa akin sa kahirapang aking dinaranas.
51 Palagi akong hinahamak ng mga hambog,
    ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong kautusan.
52 Panginoon, inaalala ko ang inyong katarungang ibinigay noong una,
    at itoʼy nagbibigay sa akin ng kaaliwan.
53 Akoʼy galit na galit sa masasamang tao,
    na ayaw sumunod sa inyong kautusan.
54 Umaawit ako tungkol sa inyong mga tuntunin kahit saan man ako nanunuluyan.
55 Panginoon, sa gabi ay inaalala ko kayo at iniisip ko kung paano ko masusunod ang inyong kautusan.
56 Ito ang aking kagalakan: ang sumunod sa inyong mga tuntunin.

Deuteronomio 5:22-6:3

22 “Iyan ang mga utos ng Panginoon sa inyong lahat na nagtipon sa bundok. Nang nagsalita siya nang malakas mula sa gitna ng apoy na napapalibutan ng makapal na ulap, ibinigay niya ang mga utos na ito at wala nang iba pang sinabi. Isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato at ibinigay sa akin.

23 “Nang marinig ninyo ang boses mula sa kadiliman habang naglalagablab ang bundok, lumapit sa akin ang lahat ng pinuno ng mga angkan at ang mga tagapamahala ninyo 24 at sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ng Panginoon na ating Dios ang kanyang kapangyarihan, at narinig natin ang kanyang boses mula sa apoy. Nakita natin sa araw na ito na maaaring mabuhay ang tao kahit nakipag-usap ang Panginoon sa kanya. 25 Ngunit hindi namin ilalagay sa panganib ang buhay namin. Sapagkat kung maririnig namin muli ang boses ng Panginoon na ating Dios, siguradong lalamunin kami ng apoy. 26 May tao bang nanatiling buhay matapos niyang marinig ang boses ng Dios na buhay mula sa apoy tulad ng ating narinig? 27 Ikaw na lang ang lumapit sa Panginoon na ating Dios, at pakinggan ang lahat ng sasabihin niya. Pagkatapos, sabihin mo sa amin ang lahat ng sinabi niya, dahil pakikinggan namin ito at susundin.’

28 “Narinig ng Panginoon ang sinabi ninyo nang nakipag-usap kayo sa akin, at sinabi niya, ‘Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga taong ito sa iyo, at mabuti ang lahat ng kanilang sinabi. 29 Sanaʼy palagi nila akong igalang at sundin ang aking mga utos para maging mabuti ang kalagayan nila at ng kanilang mga salinlahi magpakailanman. 30 Lumakad ka at sabihin sa kanila na bumalik sila sa kanilang mga tolda. 31 Ngunit magpaiwan ka rito sa akin para maibigay ko sa iyo ang lahat ng utos at tuntunin na ituturo mo sa kanila, na kanilang susundin doon sa lupaing ibinibigay ko sa kanila bilang pag-aari.’

32 “Kaya sundin ninyong mabuti ang iniutos ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Huwag ninyong susuwayin ang kahit isa sa kanyang mga utos. 33 Mamuhay kayo ayon sa iniutos ng Panginoon na inyong Dios sa inyo para mabuhay kayo nang matagal at masagana roon sa lupaing inyong mamanahin.

Mahalin ang Panginoon na inyong Dios

“Ito ang mga utos, katuruan at tuntunin na iniutos ng Panginoon na inyong Dios sa akin na ituro sa inyo. Sundin ninyo ito sa lupaing inyong aariin doon sa kabila ng Jordan, para kayo at ang mga anak at mga apo ninyo ay gumalang sa Panginoon na inyong Dios habang nabubuhay kayo. Kung susundin ninyo ang lahat ng utos niya at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, mabubuhay kayo nang matagal. Makinig kayo, O mamamayan ng Israel, at sundin ninyo ang kanyang mga utos para maging mabuti ang inyong kalagayan at upang lalo pa kayong dumami sa maganda at masaganang lupain,[a] ayon sa ipinangako ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno.

2 Corinto 5:17-21

17 Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya. 18 Ang lahat ng itoʼy gawa ng Dios na nagpanumbalik sa atin sa kanya sa pamamagitan ni Cristo. At ibinigay niya sa amin ang tungkuling papanumbalikin ang mga tao sa kanya. 19 At ito nga ang aming ibinabalita: Pinapanumbalik ng Dios ang mga tao sa kanya sa pamamagitan ni Cristo, at hindi na ibinibilang na laban sa kanila ang kanilang mga kasalanan. At kami ang kanyang pinagkatiwalaan na magpahayag ng mensaheng ito. 20 Kaya nga, mga sugo kami ni Cristo, at sa pamamagitan namin, nakikiusap ang Dios sa inyo na manumbalik na kayo sa kanya. 21 Kailanmaʼy hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, itinuring siyang makasalanan para sa pamamagitan niyaʼy maituring tayong matuwid ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®