Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:49-56

49 Alalahanin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
    dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.
50 Ang inyong mga pangako ang siyang nagpapalakas,
    at umaaliw sa akin sa kahirapang aking dinaranas.
51 Palagi akong hinahamak ng mga hambog,
    ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong kautusan.
52 Panginoon, inaalala ko ang inyong katarungang ibinigay noong una,
    at itoʼy nagbibigay sa akin ng kaaliwan.
53 Akoʼy galit na galit sa masasamang tao,
    na ayaw sumunod sa inyong kautusan.
54 Umaawit ako tungkol sa inyong mga tuntunin kahit saan man ako nanunuluyan.
55 Panginoon, sa gabi ay inaalala ko kayo at iniisip ko kung paano ko masusunod ang inyong kautusan.
56 Ito ang aking kagalakan: ang sumunod sa inyong mga tuntunin.

Deuteronomio 6:10-25

10 “Dadalhin kayo ng Panginoon na inyong Dios doon sa lupain na ipinangako niya sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. Malaki ang lupaing ito at may maunlad na mga lungsod na hindi kayo ang nagtayo. 11 May mga bahay din ito na puno ng mabubuting bagay na hindi kayo ang naghirap, may mga balon na hindi kayo ang naghukay, at mga ubasan at mga puno ng olibo na hindi kayo ang nagtanim. At kung makakain na kayo at mabusog, 12 siguraduhin ninyo na hindi ninyo makakalimutan ang Panginoon na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.

13 “Igalang ninyo ang Panginoon na inyong Dios; siya lang ang inyong paglingkuran at mangako kayo sa pangalan lang niya. 14 Huwag kayong susunod sa ibang mga dios, ang mga dios ng mga mamamayan sa inyong paligid; 15 dahil ang Panginoon na inyong Dios na kasama nʼyo ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Kung sasamba kayo sa ibang dios, ipadarama ng Panginoon ang kanyang galit sa inyo at lilipulin niya kayo sa mundo. 16 Huwag ninyong susubukin ang Panginoon na inyong Dios kagaya ng ginawa ninyo sa Masa. 17 Sundin ninyo ang kanyang mga utos, mga katuruan at mga tuntunin na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 18 Gawin ninyo ang tama at mabuti sa paningin ng Panginoon para maging mabuti ang inyong kalagayan at maangkin ninyo ang magandang lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 19 Itataboy niya sa inyong harapan ang lahat ng inyong mga kaaway ayon sa kanyang sinabi.

20 “Sa darating na panahon, kung magtanong ang inyong mga anak, ‘Ano po ba ang ibig sabihin ng mga katuruan, tuntunin at kautusan na iniutos ng Panginoon na ating Dios?’ 21 Sabihin ninyo sa kanila, ‘Mga alipin kami noon ng hari[a] ng Egipto, pero inilabas kami roon ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 22 Nakita namin ang mga dakilang himala at mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya sa pagpaparusa sa mga mamamayan ng Egipto, kasama ng Faraon at ng buong sambahayan niya. 23 At inilabas niya kami sa Egipto para dalhin sa lupain na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno. 24 Inutusan kami ng Panginoon na sundin namin ang lahat ng mga tuntuning ito at gumalang sa kanya na ating Dios, para lagi kaming maging maunlad at mabuhay nang matagal gaya ng nangyayari ngayon. 25 At kung susundin lang nating mabuti ang lahat ng mga utos na ito ng Panginoon na ating Dios, gaya ng iniutos sa atin, magiging matuwid tayo sa kanyang paningin.’

Juan 11:45-57

Ang Plano ng mga Pinuno Laban kay Jesus(A)

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang sumampalataya nang makita nila ang ginawa ni Jesus. 46 Pero ang iba sa kanila ay pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya ipinatawag ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. At nang nagkatipon na sila, sinabi nila, “Ano ang gagawin natin? Maraming himala ang ginagawa ng taong ito. 48 Kapag pinabayaan natin siya, maniniwala ang lahat ng tao sa kanya na siya ang hari ng Israel. Kapag nangyari iyan, lulusubin tayo ng mga hukbong Romano at wawasakin nila ang templo at ang ating bansa.”[a] 49 Pero isa sa kanila, si Caifas na punong pari nang taon na iyon, ang nagsabi, “Talagang wala kayong alam. 50 Hindi nʼyo ba naisip na mas mabuting mamatay ang isang tao para sa sambayanan kaysa sa mapahamak ang buong bansa?” 51 Ang sinabing ito ni Caifas ay hindi nanggaling sa sarili lang niya. Bilang punong pari ng taon na iyon, nagpahayag ang Dios sa pamamagitan niya na mamamatay si Jesus para sa buong bansa. 52 At hindi lang para sa bansa nila, kundi para sa lahat ng mga anak ng Dios na nagsipangalat sa buong mundo, upang tipunin sila at pag-isahin. 53 Mula noon, binalak na nilang ipapatay si Jesus. 54 Kaya hindi na lantarang nagpakita si Jesus sa mga Judio. Sa halip ay pumunta siya sa lugar na malapit sa ilang, sa isang bayan na kung tawagin ay Efraim. At nanatili siya roon kasama ang mga tagasunod niya.

55 Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel, maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan ng Israel ang pumunta sa Jerusalem upang isagawa ang ritwal na paglilinis bago magpista. 56 Hinanap nila nang hinanap si Jesus, at nagtatanungan sila roon sa templo, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” 57 Nang mga panahong iyon, ipinag-utos ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam ng sinumang nakakaalam kung nasaan si Jesus upang madakip nila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®