Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 90:1-6

Ang Dios at ang Tao

90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
    at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
    Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.

Salmo 90:13-17

13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
    Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
    upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
    na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.

Deuteronomio 31:14-22

Itinakda ang Pagrerebelde ng mga Israelita

14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit ka nang mamatay, kaya ipatawag mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan, dahil tuturuan ko siya roon ng gagawin niya.” Kaya pumunta sina Moises at Josue sa Toldang Tipanan.

15 Nagpakita ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi roon sa may pintuan ng Tolda. 16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit ka nang mamatay at makasama ng mga ninuno mo. Kung wala ka na, ang mga taong ito ay sasamba sa ibang mga dios na sinasamba ng mga tao sa lupaing pupuntahan nila. Itatakwil nila ako at susuwayin ang kasunduang ginawa ko sa kanila. 17 Sa araw na iyon, magagalit ako sa kanila at itatakwil ko sila. Tatalikuran ko sila at silaʼy malilipol. Maraming kapahamakan at kahirapan ang darating sa kanila, at sa panahong iyon, magtatanong sila, ‘Dumating ba sa atin ang mga kapahamakang ito dahil hindi tayo sinasamahan ng Panginoon?’ 18 Tatalikuran ko sila sa panahong iyon dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila at pagsamba sa ibang mga dios.

19 “Kaya isulat mo ang awit na ito at ituro sa mga Israelita. Ipaawit mo ito sa kanila para maging saksi ito laban sa kanila. 20 Dadalhin ko sila sa maganda at masaganang lupain[a] na ipinangako kong ibibigay sa kanilang mga ninuno. Doon, mabubuhay sila nang masagana; kakain sila ng lahat ng pagkaing gusto nila, at mabubusog sila. Pero tatalikuran nila ako at sasamba sa ibang mga dios. Susuwayin nila ang aking kasunduan. 21 Kung dumating na sa kanila ang maraming kapahamakan at mga kahirapan, ang awit na ito ang magiging saksi laban sa kanila, sapagkat hindi ito malilimutan ng kanilang mga lahi. Nalalaman ko kung ano ang pinaplano nilang gawin kahit na hindi ko pa sila nadadala sa lupaing ipinangako ko sa kanila.” 22 Sa araw na iyon, isinulat ni Moises ang awit at itinuro sa mga Israelita.

Tito 1:5-16

Ang mga Gawain ni Tito sa Crete

Iniwan kita sa Crete upang tapusin ang mga gawaing hindi ko natapos, gaya ng bilin ko sa iyo na pumili ng mga mamumuno sa iglesya sa bawat bayan. Piliin mo ang may magandang reputasyon,[a] isa lang ang asawa, ang mga anak ay mananampalataya at hindi napaparatangang magulo o matigas ang ulo. Sapagkat kailangang maganda ang reputasyon ng isang namumuno bilang tagapangasiwa sa gawain ng Dios. Dapat ay hindi siya mayabang, hindi mainitin ang ulo, hindi lasenggo, hindi basagulero, at hindi gahaman sa pera. Sa halip ay dapat bukas ang kanyang tahanan sa kapwa, maibigin sa kabutihan, marunong magpasya kung ano ang nararapat,[b] matuwid, banal at marunong magpigil sa sarili. Dapat ay pinanghahawakan niyang mabuti ang mapagkakatiwalaang mensahe na itinuro sa kanya, upang maituro rin niya sa iba at maituwid ang mga sumasalungat dito. 10 Sapagkat marami ang hindi naniniwala sa aral na ito, lalo na ang grupong ipinipilit na magpatuli ang mga mananampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang mga sinasabi at mga mandaraya sila. 11 Kinakailangang pigilan sila, dahil nanggugulo sila sa mga sambahayan sa pangangaral ng mga bagay na hindi naman dapat ituro, para lang kumita ng salapi. 12 Isa mismo sa kanilang mga propeta ang nagsabi: “Ang mga taga-Crete ay sinungaling, asal-hayop, at mga batugang matatakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi. Kaya mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya 14 at huwag nang pansinin ang mga kathang-isip ng mga Judio o mga kautusang gawa-gawa lamang ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Sa mga malilinis ang isip, lahat ng bagay ay malinis. Ngunit sa mga marurumi ang isip at hindi sumasampalataya ay walang anumang malinis. Ang totoo, narumihan ang kanilang isipan at budhi. 16 Sinasabi nilang kilala nila ang Dios, ngunit hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa. Silaʼy kasuklam-suklam, masuwayin at walang mabuting ginagawa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®