Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Panginoon ay Banal na Hari
99 Naghahari ang Panginoon at nakaupo sa gitna ng mga kerubin.
Kaya ang mga taoʼy nanginginig sa takot at ang mundoʼy nayayanig.
2 Makapangyarihan ang Panginoon sa Zion,[a]
dinadakila siya sa lahat ng bansa.
3 Magpupuri ang mga tao sa kanya dahil siya ay makapangyarihan at kagalang-galang.
Siya ay banal!
4 Siyaʼy haring makapangyarihan at ang nais niyaʼy katarungan.
Sa kanyang paghatol ay wala siyang kinikilingan,
at ang ginagawa niya sa Israel[b] ay matuwid at makatarungan.
5 Purihin ang Panginoon na ating Dios.
Sambahin siya sa kanyang templo.[c]
Siya ay banal!
6 Sina Moises at Aaron ay kanyang mga pari,
at si Samuel ay isa sa mga nanalangin sa kanya.
Tumawag sila sa Panginoon at tinugon niya sila.
7 Nakipag-usap siya sa kanila mula sa ulap na parang haligi;
sinunod nila ang mga katuruan at tuntunin na kanyang ibinigay.
8 Panginoon naming Dios, sinagot nʼyo ang dalangin ng inyong mga mamamayan.[d]
Ipinakita nʼyo sa kanila na kayo ay Dios na mapagpatawad kahit na pinarusahan nʼyo sila sa kanilang mga kasalanan.
9 Purihin ang Panginoon na ating Dios.
Sambahin siya sa kanyang banal na Bundok,
dahil ang Panginoon na ating Dios ay banal.
Ang Toldang Tipanan
7 Nakaugalian na ni Moises na itayo ang Tolda malayo sa kampo. Ang Toldang itoʼy tinatawag na “Toldang Tipanan.” Pumupunta sa Toldang ito ang sinumang gustong malaman ang kalooban ng Panginoon. 8 Sa tuwing papasok si Moises sa Tolda, tumatayo ang mga tao sa pintuan ng mga tolda nila. Tinitingnan nila si Moises hanggang sa makapasok siya sa Tolda. 9 At habang naroon si Moises sa loob, bumababa ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda habang nakikipag-usap ang Panginoon sa kanya. 10 At kapag nakita ng mga tao ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda, tumatayo sila at sumasamba sa Panginoon sa may pintuan ng tolda nila. 11 Kapag nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises, magkaharap sila, katulad ng magkaibigan na nagkukwentuhan. Pagkatapos, bumabalik si Moises sa kampo, pero ang binata niyang lingkod na si Josue na anak ni Nun ay nananatili sa Tolda.
9 Sumulat ako sa iglesya riyan tungkol sa bagay na ito, ngunit hindi kami kinilala ni Diotrefes na gustong manguna sa inyo. 10 Kaya kapag pumunta ako riyan, sasabihin ko sa inyo ang mga pinaggagawa niya – ang mga paninirang ikinakalat niya tungkol sa amin. Bukod pa rito, hindi niya tinatanggap ang mga kapatid na dumaraan diyan, at pinagbabawalan pa niya ang iba na tumulong sa kanila. At ang mga gusto namang tumulong ay pinapaalis niya sa iglesya.
11 Mahal kong kaibigan, huwag mong gayahin ang masamang ginagawa ng taong iyan. Sa halip, gawin mo ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Dios, at ang gumagawa ng masama ay hindi nakakakilala sa Dios. 12 Tingnan mo si Demetrius. Sinasabi ng lahat ng mga mananampalataya na mabuti siyang tao, at nakikita sa buhay niya na sumusunod siya sa katotohanan. Kami rin ay nagpapatotoo na mabuti siyang tao, at alam mong totoo ang sinasabi namin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®