Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 107:1-7

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.

May mga taong naglakbay sa ilang;
    hindi nila makita ang daan papuntang lundsod na maaari nilang tirhan.
Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.
Sa kanilang kahirapan, tumawag sila sa Panginoon,
    at iniligtas niya sila sa kagipitan.
At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na matitirahan.

Salmo 107:33-37

33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
    at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34 Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
    dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
    at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36 Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
    at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
    kaya sagana sila pagdating ng anihan.

Josue 2:15-24

15 Si Rahab ay nakatira sa bahay na nasa pader ng lungsod, kaya tinulungan niya ang dalawang espiya na makababa sa bintana gamit ang lubid. 16 Sinabi ni Rahab sa kanila, “Pumunta kayo sa kabundukan para hindi kayo makita ng mga humahabol sa inyo. Magtago kayo roon sa loob ng tatlong araw hanggang makabalik sila rito. Pagkatapos, maaari na kayong umuwi.”

17 Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Tutuparin namin ang ipinangako namin sa iyo, 18 pero kailangang gawin mo rin ito: Kapag nilusob na namin ang lupain nʼyo, itali mo ang pulang lubid na ito sa bintanang binabaan namin. Tipunin mo sa bahay mo ang mga magulang mo, mga kapatid mo at ang buo nilang sambahayan. 19 Kung may isang lalabas at pupunta sa daan, hindi na namin pananagutan kapag namatay siya. Pero may pananagutan kami kapag may namatay sa loob ng bahay mo. 20 Pero kung ipagsasabi mo ang mga ginagawa namin, hindi namin tutuparin ang ipinangako namin sa iyo.” 21 Sumagot si Rahab, “Oo, payag ako.” Pagkatapos, pinaalis sila ni Rahab, at itinali niya agad ang pulang lubid sa bintana.

22 Nang makaalis na ang dalawang espiya, pumunta sila sa kabundukan. Doon sila nagtago sa loob ng tatlong araw habang hinahanap sila ng mga tauhan ng hari sa mga daanan. Hindi sila nakita, kaya umuwi na lang ang mga tauhan ng hari. 23 Bumaba ng kabundukan ang dalawang espiya, at tumawid sa ilog at bumalik kay Josue. Ikinuwento nila kay Josue ang lahat ng nangyari. 24 Sinabi nila, “Totoong ibinibigay ng Panginoon ang buong lupain sa atin. Ang mga tao roon ay takot na takot sa atin.”

Mateo 23:13-28

Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo(A)

13 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao na mapabilang sa kaharian ng Dios. Kayo mismo ay ayaw mapabilang at pinipigilan pa ninyo ang mga gustong mapabilang! 14 [Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Dinadaya ninyo ang mga biyuda para makuha ang kanilang mga ari-arian, at pinagtatakpan ninyo ang inyong mga ginagawa sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Dahil dito, tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa!] 15 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang dagat at lupa, mahikayat lang ang isang tao sa inyong pananampalataya. At kapag may nahikayat na kayo, ginagawa ninyo siyang mas masahol pa sa inyo at mas karapat-dapat pang parusahan sa impyerno! 16 Kaawa-awa kayong mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa templo, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa gintong nasa templo, dapat niya itong tuparin. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo na nagpapabanal sa ginto? 18 Itinuturo rin ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa altar, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa handog na nasa altar, dapat niya itong tuparin. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang isang tao sa altar, nanunumpa rin siya pati sa handog na nasa altar. 21 Kapag nanumpa siya sa templo, nanunumpa rin siya pati sa Dios na naninirahan doon. 22 At kapag nanumpa siya sa langit, nanunumpa rin siya pati sa trono ng Dios at sa Dios mismo na nakaupo roon.

23 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ibinibigay nga ninyo kahit ang ikapu[a] ng inyong mga pampalasa,[b] ngunit hindi naman ninyo sinusunod ang mga mas mahalagang utos tungkol sa pagiging makatarungan, mahabagin, at pagiging tapat. Dapat ngang magbigay kayo ng inyong mga ikapu, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mga mas mahalagang utos. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang maliliit na insekto sa inyong inumin, pero lumululon naman kayo ng kamelyo!

25 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan ayon sa inyong seremonya, ngunit ang loob ng puso ninyoʼy puno naman ng kasakiman at katakawan.[c] 26 Mga bulag na Pariseo! Linisin muna ninyo ang loob ng tasa at baso, at magiging malinis din ang labas nito.[d] 27 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Katulad kayo ng mga libingang pininturahan ng puti at magandang tingnan sa labas, pero ang nasa loob ay puro kalansay at iba pang maruruming bagay. 28 Ganyang-ganyan kayo, dahil kung masdan kayo ng mga taoʼy parang tama ang ginagawa ninyo, pero sa loob ninyoʼy puno kayo ng pagkukunwari at kasalanan.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®