Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 20:1-4

Ang Sampung Utos(A)

20 Sinabi ng Panginoon,

“Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.

“Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios maliban sa akin.

“Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan na anyo ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig.

Exodus 20:7-9

“Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.

“Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin. Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw,

Exodus 20:12-20

12 “Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.

13 “Huwag kayong papatay.

14 “Huwag kayong mangangalunya.

15 “Huwag kayong magnanakaw.

16 “Huwag kayong sasaksi ng hindi totoo sa inyong kapwa.

17 “Huwag ninyong pagnanasahan ang bahay ng inyong kapwa, o ang kanyang asawa, mga alipin, mga hayop, o alin mang pag-aari niya.”

18 Nang marinig ng mga tao ang kulog, at ang tunog ng trumpeta, at nang makita nila ang kidlat at ang bundok na umuusok, nanginig sila sa takot. Tumayo sila sa malayo 19 at sinabi kay Moises, “Kayo na lang ang magsalita sa amin at makikinig kami, huwag na po ang Dios at baka mamatay kami.”

20 Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot dahil pumunta ang Panginoon dito para subukin kayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at magkaroon kayo ng takot sa kanya, at nang hindi kayo magkasala.”

Salmo 19

Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios

19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
    ang gawa ng kanyang kamay.
Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.

    Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
    na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
    O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
    At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.

Ang Kautusan ng Panginoon

Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
    Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
    Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
    at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
    Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
    Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
    at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
    May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.

12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
    Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
    at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
    Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
    at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
    Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!

Filipos 3:4-14

Kung sabagay, mayroon akong maipagmamalaki kung ang pagsunod sa mga seremonya ang pag-uusapan. Kung iniisip ninuman na may katuwiran siyang magmalaki sa mga bagay na ito, lalo na ako. Sapagkat noong walong araw pa lamang ako ay tinuli na ako. Isa akong Israelita na mula sa lahi ni Benjamin. Kaya kung pagiging tunay na Judio ang pag-uusapan, talagang tunay akong Judio. At kung pagsunod sa Kautusan ng mga Judio naman ang pag-uusapan, talagang sinusunod ko ito dahil Pariseo ako. Kung tungkol naman sa sigasig ng pagsunod ko sa relihiyon ng mga Judio, inusig ko ang iglesya. Walang maipipintas sa akin pagdating sa pagsunod sa Kautusan. Pinapahalagahan ko noon ang lahat ng ito, pero ngayon itinuturing ko na itong walang halaga dahil kay Cristo. At hindi lang iyan, para sa akin, ang lahat ng bagay ay walang halaga kung ihahambing sa pagkakakilala ko kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Itinuring ko na parang basura ang lahat ng bagay makamtan lang si Cristo, at ako namaʼy maging kanya. Hindi na ako nagtitiwala na akoʼy magiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan kundi sa pananampalataya kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ay kaloob sa akin ng Dios nang sumampalataya ako kay Cristo. 10 Nais ko ngayon na higit pang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng muli niyang pagkabuhay, makabahagi sa mga paghihirap niya at matulad sa kanya, sa kamatayan niya. 11 Sa ganoon, mabubuhay akong muli. Harinawa.

Magpatuloy Hanggang Makamtan ang Gantimpala

12 Hindi ko sinasabing nakamtan ko na ang lahat, o kayaʼy naging ganap na ako. Sa halip, patuloy akong nagsusumikap para makamtan iyon, dahil ito ang layunin ni Cristo Jesus nang tawagin niya ako. 13 Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap. 14 Tulad ng isang manlalaro, nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala na walang iba kundi ang pagtawag sa akin ng Dios na makapamuhay sa langit sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Mateo 21:33-46

Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(A)

33 Muling nagsalita si Jesus sa kanila, “Makinig kayo sa isa pang talinghaga: May isang taong may bukid na pinataniman niya ng ubas. Pinabakuran niya ito at nagpagawa ng pisaan ng ubas. Nagtayo rin siya ng isang bantayang tore. At pagkatapos ay pinaupahan niya ang kanyang ubasan sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lugar. 34 Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasakang umuupa sa ubasan niya para kunin ang kanyang parte. 35 Pero sinunggaban ng mga magsasaka ang mga alipin. Binugbog nila ang isa, pinatay ang isa at binato naman ang isa pa. 36 Nagsugo ulit ang may-ari ng mas maraming alipin, at ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. 37 Nang bandang huli, pinapunta ng may-ari ang kanyang anak. Ang akala niyaʼy igagalang nila ito. 38 Pero nang makita ng mga magsasaka ang anak ng may-ari, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya para mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ 39 Kaya sinunggaban nila ang anak, dinala sa labas ng ubasan at pinatay.”

40 Pagkatapos, nagtanong si Jesus, “Ano kaya ang gagawin ng may-ari sa mga magsasakang iyon sa kanyang pagbabalik?” 41 Sumagot ang mga tao, “Tiyak na papatayin niya ang masasamang taong iyon, at pauupahan niya ang kanyang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay sa kanya ng parte niya sa bawat panahon ng pamimitas.” 42 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang talatang ito sa Kasulatan?

    ‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong pundasyon.[a]
    Gawa ito ng Panginoon
    at kahanga-hanga ito sa atin!’[b]

43 “Kaya tandaan ninyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Dios kundi ang mga taong sumusunod sa kanyang kalooban. [44 Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.]”

45 Nang marinig ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo ang talinghagang iyon, alam nilang sila ang tinutukoy ni Jesus. 46 Kaya gusto nilang dakpin si Jesus, pero natatakot sila sa mga tao na naniniwalang si Jesus ay isang propeta.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®