Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:41-48

41 Panginoon, ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin, ayon sa inyong pangako.
42 Pagkatapos sasagutin ko ang mga kumukutya sa akin,
    dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong mga salita.
43 Tulungan nʼyo akong masabi ang katotohanan sa lahat ng pagkakataon,
    dahil ang pag-asa ko ay nakasalalay sa inyong mga kautusan.
44 Lagi kong susundin ang inyong kautusan habang akoʼy nabubuhay.
45 Mamumuhay akong may kalayaan,
    dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
46 Hindi ko ikakahiyang sabihin ang inyong mga turo sa harapan ng mga hari.
47 Nagagalak akong sundin ang inyong mga utos na aking minamahal.
48 Iginagalang ko ang inyong mga utos na aking minamahal,
    at pinagbubulay-bulayan ko ang inyong mga tuntunin.

Deuteronomio 26:16-27:7

Sundin ang mga Utos ng Panginoon

16 “Sa araw na ito, inuutusan kayo ng Panginoon na inyong Dios na sundin ninyong lahat ang utos at tuntuning ito. Sundin ninyo itong mabuti nang buong pusoʼt kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo sa araw na ito na ang Panginoon ang inyong Dios at mabubuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan, dahil susundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin, at susundin ninyo siya. 18 At ipinahayag din ng Panginoon sa araw na ito, na kayo ang espesyal na mamamayan ayon sa kanyang ipinangako, at dapat kayong sumunod sa lahat ng utos niya. 19 Ayon sa kanyang ipinangako, gagawin niya kayong higit kaysa sa lahat ng bansa; pupurihin at pararangalan kayo. Kayo ay magiging mga mamamayang pinili ng Panginoon na inyong Dios.”

Ang Altar sa Bundok ng Ebal

27 Pagkatapos, inutusan nila Moises at ng mga tagapamahala ng Israel ang mga mamamayan, “Sundin ninyong lahat ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito. Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, doon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, magtumpok kayo ng malalaking bato, at pahiran ninyo ang palibot nito ng apog. Isulat ninyo sa mga batong ito ang lahat ng kautusan kapag nakapasok na kayo sa maganda at masaganang lupain[a] na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, ang Dios ng inyong mga ninuno, ayon sa ipinangako niya sa inyo. Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, itayo ninyo ang mga batong ito sa Bundok ng Ebal, ayon sa iniutos ko sa inyo sa araw na ito, at pahiran ninyo ng apog ang palibot nito. Pagkatapos, gumawa kayo roon ng batong altar para sa Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong gagamit ng anumang kagamitang bakal sa pagtatabas nito. Ang mga bato na gagawin ninyong altar ay dapat hindi pa natabasan. Pagkatapos, maghandog kayo sa altar na ito ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon na inyong Dios. Maghandog din kayo ng handog para sa mabuting relasyon sa Panginoon at kainin ninyo ito roon, at magsaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios.

Mateo 19:16-22

Ang Lalaking Mayaman(A)

16 May isang lalaki naman na lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po ba ang mabuti kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 Sumagot si Jesus, “Bakit itinatanong mo sa akin kung ano ang mabuti? Isa lang ang mabuti, at walang iba kundi ang Dios. Kung gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” 18 “Alin po sa mga ito?” tanong ng lalaki. Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, 19 igalang mo ang iyong ama at ina,[a] at mahalin mo ang kapwa mo tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”[b] 20 Sinabi ng binata, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan. Ano pa po ba ang kulang sa akin?” 21 Sumagot si Jesus, “Kung nais mong maging ganap sa harap ng Dios, umuwi ka at ipagbili ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 22 Nang marinig iyon ng binata, umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®