Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpuri sa Panginoon dahil sa kaniyang kahabagan sa Israel.
99 Ang Panginoon ay (A)naghahari: manginig ang mga bayan.
(B)Siya'y nauupo sa mga querubin; makilos ang lupa.
2 Ang Panginoon ay dakila sa Sion; At siya'y mataas na higit sa lahat ng mga bayan.
3 Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan:
Siya'y (C)banal.
4 Ang lakas naman ng hari ay umiibig ng kahatulan;
Ikaw ay nagtatatag ng karampatan,
Ikaw ay nagsasagawa ng kahatulan at katuwiran sa Jacob.
5 Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios,
At magsisamba kayo (D)sa harap ng kaniyang tungtungan;
(E)Siya'y banal.
6 (F)Si Moises at si Aaron sa gitna ng kaniyang mga saserdote, At si (G)Samuel sa kanila na nagsisitawag sa kaniyang pangalan;
Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at siya'y sumasagot sa kanila.
7 Siya'y nagsasalita sa kanila (H)sa haliging ulap:
Kanilang iniingatan ang kaniyang mga patotoo, at ang palatuntunan na ibinigay niya sa kanila.
8 Sumagot ka sa kanila, Oh Panginoon naming Dios;
(I)Ikaw ay Dios na nagpatawad sa kanila,
(J)Bagaman nanghiganti ka sa kanilang mga gawa.
9 Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios,
At magsisamba kayo sa kaniyang (K)banal na bundok;
Sapagka't ang Panginoon nating Dios ay banal.
Sinuri ni Moises ang kayarian.
32 Gayon natapos ang buong gawa sa tabernakulo ng kapisanan: (A)at ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa buong iniutos ng Panginoon kay Moises: gayon ginawa nila.
33 At kanilang dinala ang tabernakulo kay Moises, ang Tolda at ang lahat ng mga kasangkapan niyaon, ang mga kawit, ang mga tabla, ang mga barakilan, at ang mga haligi, at ang mga tungtungan;
34 At ang takip na mga balat ng mga tupa na tinina sa pula, at ang takip na balat ng mga poka, at ang (B)lambong ng tabing;
35 Ang kaban ng patotoo at ang mga pingga niyaon, at ang luklukan ng awa;
36 Ang dulang, lahat ng mga sisidlan niyaon, at ang tinapay na handog;
37 (C)Ang dalisay na kandelero, ang mga ilawan niyaon, ang mga ilawan na inayos, at lahat ng mga sisidlan niyaon, at ang langis na pangilawan;
38 (D)At ang dambanang ginto, at ang langis na pangpahid, ang mabangong kamangyan, at ang tabing na gamit sa pintuan ng Tolda;
39 Ang dambanang tanso, at ang pinakasalang tanso, ang mga pingga at ang lahat ng mga sisidlan niyaon, ang hugasan at ang tungtungan;
40 (E)Ang mga tabing ng looban, ang mga haligi, at ang mga tungtungan at ang tabing na pangpintuang-daan ng looban, ang mga panali, at ang mga tulos, at lahat ng mga kasangkapan sa paglilingkod sa tabernakulo, na gamit sa tabernakulo ng kapisanan;
41 Ang maiinam na pagkayaring kasuutan na gamit sa pangangasiwa sa dakong banal, at ang mga banal na kasuutan para kay Aaron na saserdote, at ang mga kasuutan ng kaniyang mga anak, upang mangasiwa sa katungkulang saserdote.
42 Ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises, ay (F)gayon ginawa ng mga anak ni Israel ang lahat ng gawa.
43 At nakita ni Moises ang lahat ng gawain, at, narito, kanilang nagawa na kung paanong iniutos ng Panginoon ay gayon nila ginawa: (G)at pinagbabasbasan ni Moises.
14 Nang panahong yao'y narinig ni (A)Herodes na (B)tetrarka ang balita tungkol kay Jesus,
2 At sinabi sa kaniyang mga tagapaglingkod, Ito'y si Juan Bautista; siya'y muling nagbangon sa mga patay; kaya't ang mga kapangyarihang ito ay nagsisigawa sa kaniya.
3 Sapagka't (C)hinuli ni Herodes si Juan, at siya'y iginapos, at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na (D)asawa ni Felipe na kaniyang kapatid.
4 Sapagka't sinabi ni Juan sa kaniya, Hindi matuwid sa iyo na aariin mo siya.
5 At nang ibig niyang ipapatay siya, ay (E)natakot siya sa karamihan, sapagka't siya'y kanilang ibinibilang na (F)propeta.
6 Datapuwa't nang dumating ang araw na kapanganakan kay Herodes, ay sumayaw sa gitna ang anak na babae ni Herodias, at kinalugdan ni Herodes.
7 Dahil dito'y kaniyang ipinangakong may sumpa na sa kaniya'y ibibigay ang anomang hingin niya.
8 At siya, na inudyukan ng kaniyang ina, ay nagsabi, Ibigay mo sa akin dito na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.
9 At namanglaw ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang mga sumpa, at sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay ipinagutos niyang ibigay na sa kaniya;
10 At nagutos siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.
11 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga: at dinala nito sa kaniyang ina.
12 At ang kaniyang mga alagad ay nagsiparoon, at kanilang binuhat ang bangkay, at kanilang inilibing; at sila'y nagsialis at isinaysay kay Jesus.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978