Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Matagumpay na Pumasok si Jesus sa Jerusalem(A)
21 Nang malapit na sila sa Jerusalem at nakarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, si Jesus ay nagsugo ng dalawang alagad. 2 Sinasabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon, at kaagad kayong makakakita ng isang inahing asno na nakatali at may kasamang isang bisiro. Kalagan ninyo at dalhin dito sa akin. 3 Kung may magsasabi sa inyo ng anuman, sabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon,’ at kaagad niyang ipapadala ang mga iyon.” 4 Nangyari ito upang matupad ang pinahayag sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
5 “Sabihin (B) ninyo sa anak na babae ng Zion,
Pagmasdan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo,
mapagpakumbaba, at nakasakay sa isang asno,
at sa bisiro ng isang inahing asno.”
6 Pumunta nga ang mga alagad at ginawa kung ano ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus. 7 Dinala nila ang inahing asno at ang bisiro at isinapin nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal. At doon ay naupo siya. 8 Karamihan sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga sa mga puno at ikinalat ang mga ito sa daan. 9 At (C) ang napakaraming taong nauuna sa kanya pati ang mga sumusunod sa kanya ay nagsigawan, na sinasabi, “Hosanna sa Anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosanna sa kataas-taasan!” 10 Pagpasok niya sa Jerusalem ay nagkagulo sa buong lungsod. “Sino ba ang taong ito?” tanong ng mga tao. 11 Sinabi ng marami, “Siya ang propetang si Jesus, na taga-Nazareth ng Galilea.”
5 Taglayin ninyo ang pag-iisip na tulad ng kay Cristo Jesus;
6 kahit siya'y nasa kalikasan ng Diyos,
ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan
ang pagiging kapantay ng Diyos,
7 sa halip ay itinuring niyang walang halaga ang sarili,
kinuha ang kalikasan ng alipin,
at naging katulad ng mga tao.
At nang natagpuan sa kaanyuan ng tao,
8 ibinaba niya ang kanyang sarili,
at naging masunurin hanggang sa kamatayan,
maging kamatayan sa krus.
9 Kaya naman siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
at ginawaran ng pangalang higit na mataas kaysa lahat ng pangalan;
10 upang (A) sa pangalan ni Jesus
ang bawat tuhod ay lumuhod,
ang mga nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa,
11 at ipahayag ng bawat bibig
na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.
Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(A)
14 Pagkatapos nito, isa sa labindalawa na nagngangalang Judas Iscariote ang pumunta sa mga punong pari, 15 at (B) nagtanong, “Ano'ng ibibigay ninyo sa akin, kung ibibigay ko siya sa inyo?” At siya'y binayaran nila ng tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula noon ay humanap siya ng pagkakataon na maipagkanulo si Jesus.[a]
Ang Hapunang Pampaskuwa ni Jesus at ng Kanyang mga Alagad(C)
17 Nang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, at nagtanong, “Saan po ninyo nais na kami'y maghanda upang makakain kayo ng kordero ng Paskuwa?” 18 Sinabi niya, “Puntahan ninyo ang isang tao sa lungsod at sabihin ninyo sa kanya, ‘Sinabi ng Guro: Malapit na ang oras ko. Sa iyong bahay ay gaganapin ko ang Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’ ” 19 Ginawa nga ng mga alagad ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus, at naghanda sila para sa Paskuwa. 20 Kinagabihan ay umupo siyang kasalo ng labindalawa. 21 Habang sila'y kumakain ay sinabi niya, “Tinitiyak ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” 22 Labis nila itong ikinalungkot, at isa-isa silang nagsabi sa kanya, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?” 23 Sumagot (D) siya ng ganito, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nakasulat tungkol sa kanya, subalit kaysaklap ng sasapitin ng taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sanang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” 25 At si Judas na magkakanulo sa kanya ay sumagot at nagtanong, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Rabbi?” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi niyan.”
Ang Huling Hapunan(E)
26 Habang sila'y kumakain, si Jesus ay kumuha ng tinapay, ipinagpasalamat niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad. Sinabi niya, “Kumuha kayo, kainin ninyo. Ito ang aking katawan.” 27 At kumuha siya ng kopa at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila, at sinabi, “Uminom kayo nito, lahat kayo, 28 sapagkat (F) ito ang aking dugo ng tipan,[b] na ibinubuhos alang-alang sa marami, para sa kapatawaran ng mga kasalanan. 29 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasama kayo sa kaharian ng aking Ama.” 30 Pagkatapos nilang umawit ng imno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo.
Sinabi ang Pagtatatwa ni Pedro(G)
31 Pagkatapos (H) ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Tatalikuran ninyo akong lahat sa gabing ito. Sapagkat nakasulat, ‘Hahampasin ko ang pastol, at magtatakbuhan ang mga tupa ng kawan.’ 32 Ngunit (I) matapos na ako'y maibangon na, mauuna ako sa inyo sa pagpunta sa Galilea.” 33 Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Talikuran man kayo ng lahat, hinding-hindi ko kayo tatalikuran.” 34 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tinitiyak ko sa iyo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ay tatlong ulit mo na akong naipagkakaila.” 35 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit na kailangan pang mamatay akong kasama mo, ay hindi kita ipagkakaila.” Ganoon din ang sinabi ng iba pang mga alagad.
Nanalangin si Jesus sa Getsemani(J)
36 Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama ang mga alagad sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanila, “Maupo kayo rito. Pupunta muna ako sa banda roon at mananalangin.” 37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Noon ay nagsimula siyang malungkot at mabagabag. 38 At sinabi niya sa kanila, “Punung-puno ng kalungkutan ang aking kaluluwa na halos ikamatay ko. Dito muna kayo at makipagpuyat sa akin.” 39 Lumakad pa siya sa di-kalayuan, at doon ay nagpatirapa at nanalangin, na sinasabi, “Aking Ama, kung maaari, lumampas sa akin ang kopang ito. Gayunma'y hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo ang masunod.” 40 Bumalik siya sa mga alagad, at nadatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba ninyo kayang makipagpuyat sa akin kahit isang oras lamang? 41 Magbantay kayo at manalangin, upang hindi kayo malagay sa tukso. Tunay na ang espiritu ay nagnanais ngunit ang laman ay mahina.” 42 Sa ikalawang pagkakataon ay muli siyang umalis at nanalangin ng ganito, “Aking Ama, kung hindi maaaring lumampas ang kopang ito, malibang ito'y aking inuman, masunod nawa ang iyong kalooban.” 43 Bumalik na naman siya at naratnan silang natutulog, sapagkat mabigat na ang mga mata nila sa antok. 44 Kaya't muli niya silang iniwan; umalis siya, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na gayunding mga salita ang binibigkas. 45 Nilapitan niyang muli ang mga alagad at sinabi sa kanila, “Hanggang ngayon ay natutulog pa rin kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 46 Bangon na! Umalis na tayo. Tingnan ninyo, dumarating na ang nagkakanulo sa akin.”
Dinakip si Jesus(K)
47 Habang nagsasalita pa siya ay dumating si Judas, na isa sa labindalawa. Kasama niya ang napakaraming taong may mga tabak at mga pamalo; mula sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno ng bayan. 48 Nagbigay sa kanila ng palatandaan ang nagkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Ang halikan ko ay siya na nga. Dakpin ninyo siya.” 49 Nilapitan niya agad si Jesus, at sinabi, “Magandang gabi po,[c] Rabbi.” At kanyang hinagkan ito. 50 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo ang sadya mo rito.” Pagkatapos ay lumapit sila at hinawakan si Jesus at siya'y kanilang dinakip. 51 Ngunit ang isa sa mga kasamahan ni Jesus ay biglang bumunot ng tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari at natagpas ang tainga nito. 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ibalik mo sa kaluban ang iyong tabak, sapagkat ang lahat ng gumagamit ng tabak ay sa tabak mamamatay. 53 Sa palagay mo ba'y hindi ako maaaring humingi sa aking Ama, at ngayon din ay padadalhan niya ako ng higit pa sa labindalawang batalyon[d] ng mga anghel? 54 Subalit kung magkakagayon ay paano magaganap ang isinasaad ng mga kasulatan, na ganito ang kailangang mangyari?” 55 Sa (L) sandaling iyon ay sinabi ni Jesus sa maraming taong naroon, “Isa bang tulisan ang inyong pinuntahan at may mga dala pa kayong tabak at mga pamalo upang ako'y hulihin? Araw-araw akong nakaupo at nagtuturo sa templo ngunit hindi ninyo ako dinarakip. 56 Subalit nagaganap ang lahat ng ito upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta.” Sa sandaling iyon ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y nagsitakas.
Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(M)
57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya kay Caifas, ang Kataas-taasang Pari, sa pinagpupulungan ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno. 58 Ngunit sinundan siya ni Pedro sa may kalayuan, hanggang sa bakuran ng Kataas-taasang Pari. Pumasok siya at umupong kasama ng mga tanod upang tingnan kung ano ang kahihinatnan ng lahat. 59 Naghanap ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ng huwad na katibayan laban kay Jesus upang siya'y kanilang maipapatay. 60 Subalit wala silang natagpuan bagama't maraming mga sinungaling na saksi ang nagdatingan. Sa bandang huli ay may dalawang humarap, 61 at (N)sinabi nila, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.” 62 Tumindig ang Kataas-taasang Pari at sinabi sa kanya, “Hindi ka ba man lamang sasagot? Ano ba itong ipinaparatang ng mga ito laban sa iyo?” 63 Subalit hindi nagsalita si Jesus. Sinabi ng Kataas-taasang Pari sa kanya, “Manumpa ka sa harapan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.” 64 Sinabi (O) ni Jesus sa kanya, “Kayo na ang nagsabi niyan, ngunit sinasabi ko sa inyo, pagkatapos nito ay makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap ng himpapawid.” 65 Dahil (P) dito'y pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang mga damit, at sinabi, “Paglapastangan ang sinasabi niya. Ano pang patotoo ang kailangan natin? Ayan, narinig na ninyo ang kanyang paglapastangan. 66 Ano'ng masasabi ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.” 67 Pagkatapos (Q) ay kanilang dinuraan siya sa mukha at pinagsusuntok. Sinampal din siya ng iba, 68 sabay ang pagsasabi, “Di ba't isa kang propeta, ikaw na Cristo! Sino ang sumuntok sa iyo?”
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(R)
69 Noon ay nakaupo si Pedro sa labas ng bakuran nang lapitan siya ng isang aliping babae, na nagsabi, “Kasama ka rin niyang si Jesus na taga-Galilea.” 70 Ngunit itinanggi niya ito sa harap nilang lahat. Sabi niya, “Wala akong alam sa sinasabi mo.” 71 Paglabas niya sa tarangkahan ay nakita siya ng isa pang alipin na nagsabi sa ibang naroon, “Ang taong ito ay kasamahan din ni Jesus na taga-Nazareth.” 72 At muli niyang itinanggi ito na may kasama pang panunumpa, “Talagang hindi ko kilala ang taong iyon.” 73 Pagkaraan pa ng ilang sandali ay lumapit ang mga nakatayo roon at sinabi nila kay Pedro, “Sigurado kaming ikaw ay isa rin sa kanila. Halatang-halata naman sa iyong pananalita.” 74 Kaya't nagsimula siyang magsalita ng masama at sumumpang, “Hindi ko kilala ang taong iyon.” At kaagad tumilaok ang manok. 75 Noon ay naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok ay tatlong ulit mo na akong naipagkakaila.” At siya'y lumabas at buong kapaitang umiyak.
Iniharap si Jesus kay Pilato(S)
27 Kinaumagahan, ang lahat ng mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan ay nagsanggunian kung paano maipapapatay si Jesus. 2 Siya'y ginapos nila, dinala sa labas, at iniharap sa gobernador na si Pilato.
Nagpakamatay si Judas(T)
3 Nang makita (U) ng nagkanulong si Judas na si Jesus ay nahatulan na, siya'y nagsisi at isinauli niya ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at sa matatandang pinuno. 4 Wika niya, “Nagkasala ako sa pagkakanulo sa dugong walang sala.” Ngunit sinabi nila, “Ano iyon sa amin? Bahala ka sa sarili mo.” 5 At inihagis ni Judas ang mga piraso ng pilak sa loob ng templo at siya'y lumabas. Umalis siya at nagbigti. 6 Pinulot ng mga punong pari ang mga piraso ng pilak at sinabi nila, “Hindi nararapat na ilagay ang mga ito sa kabang-yaman, sapagkat dugo ang katumbas nito.” 7 Kaya't napagkasunduan nilang gamitin iyon upang bilhin ang bukid ng magpapalayok, na gagawing libingan ng mga dayuhan. 8 Dahil dito, ang bukid na iyon ay tinawag na Bukid ng Dugo hanggang sa araw na ito. 9 Kaya't (V) natupad ang sinabi sa pamamagitan ni Propeta Jeremias,[e] “At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, na inihalaga sa kanya ng ilang anak ng Israel, 10 at ang mga iyon ay ipinambayad nila sa bukid ng magpapalayok, gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.”
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(W)
11 Samantala, tumayo si Jesus sa harap ng gobernador at tinanong siya nito, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Ikaw ang nagsasabi niyan,” sagot ni Jesus. 12 Subalit nang magparatang sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ay wala siyang sinabing anuman. 13 At sinabi ni Pilato sa kanya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karami ang ibinibintang nila sa iyo?” 14 Ngunit ni isa mang kataga ay hindi siya sumagot sa kanya, na lubhang ipinagtaka ng gobernador.
Hinatulang Mamatay si Jesus(X)
15 Nakaugalian na noon ng gobernador na sa tuwing kapistahan ng Paskuwa ay nagpapalaya siya para sa mga taong-bayan ng sinumang bilanggo na kanilang maibigan. 16 Nang panahong iyon ay mayroong isang bilanggo na kilabot sa kasamaan, na nagngangalang Jesus Barabas.[f] 17 Kaya't nang magkasama-sama ang mga tao ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas ba, o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Sinabi niya ito sapagkat nahalata niyang dahil sa inggit ay iniharap nila si Jesus sa kanya. 19 At habang nakaupo siya sa upuan ng paghuhukom, ipinasabi sa kanya ng kanyang asawa ang ganito, “Huwag mong gagawan ng anuman ang taong iyan na walang sala, sapagkat labis akong pinahirapan sa panaginip ko sa araw na ito dahil sa kanya.” 20 Ngunit inudyukan ng mga punong pari at ng matatandang pinuno ang mga taong-bayan na kanilang hilingin si Barabas at patayin naman si Jesus. 21 Muling sumagot ang gobernador at sinabi sa kanila, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko sa inyo?” Sila'y sumagot, “Si Barabas!” 22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At ano naman ang gagawin ko rito kay Jesus, ang tinatawag na Cristo?” Lahat sila'y nagsabi, “Ipako siya sa krus!” 23 At sinabi niya, “Bakit, ano ba'ng ginawa niyang masama?” Ngunit lalo silang nagsisigaw, “Ipako siya sa krus!” 24 Kaya't (Y) nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa, at sa halip ay mayroon nang namumuong isang malaking kaguluhan, kumuha siya ng tubig at hinugasan niya ang kanyang mga kamay sa harap ng madla, at kanyang sinabi, “Wala akong kinalaman sa pagdanak ng dugo ng taong ito.[g] Kayo ang may kagagawan nito.” 25 Sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Hayaang panagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.” 26 Pagkatapos ay pinalaya niya sa kanila si Barabas. Subalit si Jesus ay ipinahagupit niya at ipinaubaya upang ipako sa krus.
Tinuya ng mga Kawal si Jesus(Z)
27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong batalyon ng mga kawal sa harapan niya. 28 Siya'y kanilang hinubaran at isinuot sa kanya ang isang balabal na matingkad na pula. 29 Gumawa sila ng isang koronang tinik at ipinatong sa kanyang ulo. Ipinahawak nila sa kanang kamay niya ang isang tambo at sila'y lumuhod sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, sa pagsasabing, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y kanilang dinuraan. Kinuha nila ang tambo at paulit-ulit na inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos siyang kutyain, hinubaran siya ng balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. Pagkatapos, siya ay kanilang inilabas upang ipako sa krus.
Si Jesus ay Ipinako sa Krus(AA)
32 Habang lumalabas sila sa lungsod, nakasalubong nila ang isang lalaking taga-Cirene, na nagngangalang Simon. Pinilit nila itong magpasan ng kanyang krus. 33 Dumating sila sa isang pook na tinatawag na Golgotha (na ang ibig sabihin ay “Ang Pook ng Bungo”). 34 Doon, siya ay kanilang binigyan (AB) ng maiinom na alak na may halong apdo. Subalit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin. 35 At (AC) nang siya'y maipako nila sa krus, nagpalabunutan sila upang mapaghati-hatian ang kanyang mga damit. 36 Pagkatapos, umupo sila at nagbantay sa kanya roon. 37 Sa itaas ng kanyang ulo ay kanilang inilagay ang paratang sa kanya, na may ganitong nakasulat: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38 May dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 39 Ang mga nagdaraan (AD) ay nangungutya sa kanya at pailing-iling 40 na (AE) nagsasabi, “Ikaw na magwawasak sa templo, at sa ikatlong araw ay muling magtatayo nito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” 41 Sa gayunding paraan ay kinutya siya ng mga punong pari, kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno. Wika nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya raw ang Hari ng Israel. Bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya. 43 Nagtiwala (AF) siya sa Diyos. Tingnan natin ngayon kung ililigtas siya ng Diyos, kung gusto niya, sapagkat sinabi niyang siya ang Anak ng Diyos.” 44 Kinutya rin siya ng mga tulisang ipinako sa krus na kasama niya.
Namatay si Jesus(AG)
45 Mula sa katanghaliang-tapat[h] hanggang sa ikatlo ng hapon[i] ay nagdilim sa buong lupain. 46 At (AH) nang malapit na ang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang napakalakas, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 47 Nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.” 48 Agad na tumakbo (AI) ang isa sa kanila, kumuha ng isang espongha at isinawsaw sa suka,[j] ikinabit sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin. 49 Ngunit ang iba'y nagsabi, “Hayaan muna ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y iligtas.” 50 Muling sumigaw si Jesus nang napakalakas at nalagot ang kanyang hininga. 51 At (AJ) biglang napunit sa dalawa ang tabing ng templo, mula itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan, at maraming katawan ng mga taong banal na namatay ang muling nabuhay. 53 Lumabas ang mga ito sa mga libingan at pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doon ay nakita ng maraming tao. 54 Nang makita ng senturyon at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga pangyayari, kinilabutan sila, at nagsabi, “Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.”[k] 55 At (AK) maraming babaing naroroon din ang nakatanaw mula sa malayo. Sumunod sila kay Jesus mula pa sa Galilea upang maglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.
Inilibing si Jesus(AL)
57 Nang magdadapit-hapon na ay dumating ang isang mayamang lalaking taga-Arimatea, na nagngangalang Jose, na naging alagad din ni Jesus. 58 Ang taong ito ay pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na iyon ay ibigay kay Jose. 59 Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot sa isang malinis na telang lino, 60 at inilagay ito sa sarili niyang bagong libingan, na kanyang ipinaukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan, at siya'y umalis. 61 Naroon at nakaupo si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa tapat ng libingan.
Naglagay ng mga Bantay sa Libingan
62 Nang sumunod na araw, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, nagpulong sa harapan ni Pilato ang mga punong pari at ang mga Fariseo. 63 Kanilang sinabi, (AM) “Ginoo, natatandaan naming sinabi ng bulaang iyon noong siya'y nabubuhay pa na siya raw ay muling mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw. 64 Kaya't pabantayang mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw; baka pumaroon ang kanyang mga alagad at nakawin siya, at ipagsabi sa mga tao na siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. Kapag nagkagayon, magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.” 65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay;[l] pumunta kayo roon at tiyakin ninyong hindi iyon mabubuksan.” 66 Pumunta nga sila roon, at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan. Sinelyuhan nila ito at mahigpit na pinabantayan.
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)
11 Samantala, tumayo si Jesus sa harap ng gobernador at tinanong siya nito, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Ikaw ang nagsasabi niyan,” sagot ni Jesus. 12 Subalit nang magparatang sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ay wala siyang sinabing anuman. 13 At sinabi ni Pilato sa kanya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karami ang ibinibintang nila sa iyo?” 14 Ngunit ni isa mang kataga ay hindi siya sumagot sa kanya, na lubhang ipinagtaka ng gobernador.
Hinatulang Mamatay si Jesus(B)
15 Nakaugalian na noon ng gobernador na sa tuwing kapistahan ng Paskuwa ay nagpapalaya siya para sa mga taong-bayan ng sinumang bilanggo na kanilang maibigan. 16 Nang panahong iyon ay mayroong isang bilanggo na kilabot sa kasamaan, na nagngangalang Jesus Barabas.[a] 17 Kaya't nang magkasama-sama ang mga tao ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas ba, o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Sinabi niya ito sapagkat nahalata niyang dahil sa inggit ay iniharap nila si Jesus sa kanya. 19 At habang nakaupo siya sa upuan ng paghuhukom, ipinasabi sa kanya ng kanyang asawa ang ganito, “Huwag mong gagawan ng anuman ang taong iyan na walang sala, sapagkat labis akong pinahirapan sa panaginip ko sa araw na ito dahil sa kanya.” 20 Ngunit inudyukan ng mga punong pari at ng matatandang pinuno ang mga taong-bayan na kanilang hilingin si Barabas at patayin naman si Jesus. 21 Muling sumagot ang gobernador at sinabi sa kanila, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko sa inyo?” Sila'y sumagot, “Si Barabas!” 22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At ano naman ang gagawin ko rito kay Jesus, ang tinatawag na Cristo?” Lahat sila'y nagsabi, “Ipako siya sa krus!” 23 At sinabi niya, “Bakit, ano ba'ng ginawa niyang masama?” Ngunit lalo silang nagsisigaw, “Ipako siya sa krus!” 24 Kaya't (C) nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa, at sa halip ay mayroon nang namumuong isang malaking kaguluhan, kumuha siya ng tubig at hinugasan niya ang kanyang mga kamay sa harap ng madla, at kanyang sinabi, “Wala akong kinalaman sa pagdanak ng dugo ng taong ito.[b] Kayo ang may kagagawan nito.” 25 Sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Hayaang panagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.” 26 Pagkatapos ay pinalaya niya sa kanila si Barabas. Subalit si Jesus ay ipinahagupit niya at ipinaubaya upang ipako sa krus.
Tinuya ng mga Kawal si Jesus(D)
27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong batalyon ng mga kawal sa harapan niya. 28 Siya'y kanilang hinubaran at isinuot sa kanya ang isang balabal na matingkad na pula. 29 Gumawa sila ng isang koronang tinik at ipinatong sa kanyang ulo. Ipinahawak nila sa kanang kamay niya ang isang tambo at sila'y lumuhod sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, sa pagsasabing, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y kanilang dinuraan. Kinuha nila ang tambo at paulit-ulit na inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos siyang kutyain, hinubaran siya ng balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. Pagkatapos, siya ay kanilang inilabas upang ipako sa krus.
Si Jesus ay Ipinako sa Krus(E)
32 Habang lumalabas sila sa lungsod, nakasalubong nila ang isang lalaking taga-Cirene, na nagngangalang Simon. Pinilit nila itong magpasan ng kanyang krus. 33 Dumating sila sa isang pook na tinatawag na Golgotha (na ang ibig sabihin ay “Ang Pook ng Bungo”). 34 Doon, siya ay kanilang binigyan (F) ng maiinom na alak na may halong apdo. Subalit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin. 35 At (G) nang siya'y maipako nila sa krus, nagpalabunutan sila upang mapaghati-hatian ang kanyang mga damit. 36 Pagkatapos, umupo sila at nagbantay sa kanya roon. 37 Sa itaas ng kanyang ulo ay kanilang inilagay ang paratang sa kanya, na may ganitong nakasulat: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38 May dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 39 Ang mga nagdaraan (H) ay nangungutya sa kanya at pailing-iling 40 na (I) nagsasabi, “Ikaw na magwawasak sa templo, at sa ikatlong araw ay muling magtatayo nito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” 41 Sa gayunding paraan ay kinutya siya ng mga punong pari, kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno. Wika nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya raw ang Hari ng Israel. Bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya. 43 Nagtiwala (J) siya sa Diyos. Tingnan natin ngayon kung ililigtas siya ng Diyos, kung gusto niya, sapagkat sinabi niyang siya ang Anak ng Diyos.” 44 Kinutya rin siya ng mga tulisang ipinako sa krus na kasama niya.
Namatay si Jesus(K)
45 Mula sa katanghaliang-tapat[c] hanggang sa ikatlo ng hapon[d] ay nagdilim sa buong lupain. 46 At (L) nang malapit na ang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang napakalakas, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 47 Nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.” 48 Agad na tumakbo (M) ang isa sa kanila, kumuha ng isang espongha at isinawsaw sa suka,[e] ikinabit sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin. 49 Ngunit ang iba'y nagsabi, “Hayaan muna ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y iligtas.” 50 Muling sumigaw si Jesus nang napakalakas at nalagot ang kanyang hininga. 51 At (N) biglang napunit sa dalawa ang tabing ng templo, mula itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan, at maraming katawan ng mga taong banal na namatay ang muling nabuhay. 53 Lumabas ang mga ito sa mga libingan at pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doon ay nakita ng maraming tao. 54 Nang makita ng senturyon at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga pangyayari, kinilabutan sila, at nagsabi, “Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.”[f]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.