Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mga Mabubuting Katiwala ng Biyaya
4 Dahil si Cristo mismo ay nagdusa noon sa katawan, dapat din kayong maging handa sa mga pagdurusa, sapagkat ang nagdurusa sa katawan ay tumigil na sa kasalanan, 2 upang ilaan ang nalalabing panahon ng inyong buhay sa pagsunod sa kalooban ng Diyos at hindi sa makamundong hangarin sa buhay. 3 Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga di-sumasampalataya sa Diyos tulad ng: kahalayan, masasamang pagnanasa, paglalasing, malalaswang kasayahan, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. 4 Nagtataka ang mga dating kasama ninyo kung bakit hindi na kayo nakikisama sa gayunding magulo at walang pakundangang pamumuhay, kaya nilalait nila kayo. 5 Ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. 6 Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang Magandang Balita ay ipinangaral maging sa mga patay, upang kahit sila'y nahatulan sa laman tulad sa mga tao, sila'y mabuhay sa espiritu tulad sa Diyos.
7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't panatilihin ninyong malinaw ang inyong pag-iisip at maging mapagtimpi upang kayo'y makapanalangin. 8 Higit (A) sa lahat, patuloy kayong magmahalan, sapagkat ang pag-ibig ang pumapawi ng maraming kasalanan.
Inilibing si Jesus(A)
57 Nang magdadapit-hapon na ay dumating ang isang mayamang lalaking taga-Arimatea, na nagngangalang Jose, na naging alagad din ni Jesus. 58 Ang taong ito ay pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na iyon ay ibigay kay Jose. 59 Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot sa isang malinis na telang lino, 60 at inilagay ito sa sarili niyang bagong libingan, na kanyang ipinaukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan, at siya'y umalis. 61 Naroon at nakaupo si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa tapat ng libingan.
Naglagay ng mga Bantay sa Libingan
62 Nang sumunod na araw, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, nagpulong sa harapan ni Pilato ang mga punong pari at ang mga Fariseo. 63 Kanilang sinabi, (B) “Ginoo, natatandaan naming sinabi ng bulaang iyon noong siya'y nabubuhay pa na siya raw ay muling mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw. 64 Kaya't pabantayang mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw; baka pumaroon ang kanyang mga alagad at nakawin siya, at ipagsabi sa mga tao na siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. Kapag nagkagayon, magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.” 65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay;[a] pumunta kayo roon at tiyakin ninyong hindi iyon mabubuksan.” 66 Pumunta nga sila roon, at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan. Sinelyuhan nila ito at mahigpit na pinabantayan.
Ang Paglilibing kay Jesus
38 Pagkatapos ng mga ito, hiniling ni Jose na taga-Arimatea na payagan siyang kunin ang katawan ni Jesus. Siya ay isang lihim na alagad ni Jesus dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Pumayag si Pilato, kaya pumunta si Jose at tinanggal ang katawan ni Jesus sa krus. 39 (A)Dumating din si Nicodemo, na nagpunta noon kay Jesus isang gabi. May dala siyang mga pabango, na pinaghalong mira at mga aloe na may isang daang libra ang timbang. 40 Kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga telang may pabango ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 May halamanan sa lugar na pinagpakuan kay Jesus. Doon ay may isang libingang kailanman ay hindi pa nagagamit. 42 Dahil ang libingan ay di-kalayuan, at noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio, doon nila inilibing si Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.