Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Error: 'Isaias 52:13-53:12' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Error: 'Awit 22 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mga Hebreo 10:16-25

16 “Ito (A) ang pakikipagtipan na gagawin ko sa kanila,
    pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon;
ilalagay ko ang aking mga tuntunin sa kanilang mga puso,
    itatanim ko ang mga iyon sa kanilang pag-iisip,”

17 pagkatapos ay sinabi (B) rin niya,

“Ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.”

18 Dahil mayroon nang kapatawaran sa mga kasalanan, hindi na kailangang mag-alay pa para sa mga ito.

Mga Paalala at Babala

19 Kaya, mga kapatid, mayroon na tayong lakas ng loob na pumasok sa Dakong Kabanal-banalan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daan sa gitna ng tabing; samakatuwid ay sa pamamagitan ng kanyang katawan. 21 At dahil tayo ay may isang Kataas-taasang Pari sa bahay ng Diyos, 22 lumapit tayo (C) sa Diyos na may tapat na puso at lubos na pananampalataya. Lumapit tayo na may pusong winisikan upang maging malinis mula sa maruming budhi at may katawang hinugasan ng dalisay na tubig. 23 Matatag nating panghawakan ang pag-asa na ating ipinapahayag, yamang siya na nangako ay tapat. 24 At isipin natin kung paano natin hihimukin ang isa't isa sa pag-ibig at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, sa halip ay palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na habang nakikita ninyo na papalapit na ang Araw.

Mga Hebreo 4:14-16

Si Jesus ang Dakilang Kataas-taasang Pari

14 Kaya nga, dahil mayroon tayong isang Dakilang Kataas-taasang Pari na pumasok na sa kalangitan, at iyon ay si Jesus na Anak ng Diyos, matatag nating panghawakan ang ating ipinahahayag. 15 Sapagkat mayroon tayong Kataas-taasang Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan. Tulad natin ay tinukso rin siya sa lahat ng mga paraan, gayunma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't lumapit tayo na may lakas ng loob sa trono ng biyaya, upang tumanggap tayo ng awa, at makatagpo ng biyaya na makatutulong sa panahon ng ating pangangailangan.

Mga Hebreo 5:7-9

Noong (A) nabubuhay pa si Jesus dito sa lupa,[a] kalakip ang malakas na pagtangis at pagluha ay naghandog siya ng mga panalangin at mga pakiusap sa Diyos na may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang banal na pagpapasakop. Kahit na siya'y Anak, natutunan niya ang pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis. Nang siya ay naging ganap, siya ang pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya;

Juan 18-19

Pagkakanulo at Pagdakip kay Jesus

18 Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, lumabas siya kasama ang kanyang mga alagad patawid sa Libis ng Kidron sa lugar na may halamanan. Pumasok siya roon at ang kanyang mga alagad. Alam ni Judas, na nagkanulo sa kanya, ang lugar sapagkat madalas makipagkita roon si Jesus sa kanyang mga alagad. Kaya nagsama si Judas ng isang pangkat ng mga kawal at ng mga lingkod mula sa mga punong pari at mula sa mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga ilawan, mga sulo at mga sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya lumabas siya at nagtanong sa kanila, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Jesus ng Nazareth,” sagot nila. Sinabi ni Jesus, “Ako iyon.” Si Judas, na nagkanulo sa kanya ay nakatayong kasama nila. Nang sabihin ni Jesus sa kanila na siya iyon, napaatras sila at bumagsak sa lupa. Muli siyang nagtanong, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Jesus ng Nazareth,” sagot muli nila. Tumugon si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako si Jesus. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong makaalis ang mga taong ito.” Naganap ito upang matupad ang salita na kanyang sinabi: “Wala akong naiwala ni isa man sa mga ibinigay mo sa akin.” 10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Malco ang pangalan ng alipin. 11 (A)Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan nito. Hindi ba't kailangan kong uminom sa kopa na ibinigay ng Ama sa akin?”

Ang Pagharap ni Jesus sa Kataas-taasang Pari

12 Kaya't dinakip at iginapos si Jesus ng mga kawal at ng kanilang pinuno at ng pinuno ng mga Judio. 13 Dinala muna nila si Jesus kay Anas, na biyenan ni Caifas na Kataas-taasang Pari nang taong iyon. 14 (B)Si Caifas ang nagmungkahi sa mga Judio na mas makabubuting mamatay ang isang tao para sa bayan.

Ang Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(C)

15 Sinundan ni Pedro at ng isa pang alagad si Jesus. Kilala ng Kataas-taasang Pari ang alagad na ito kaya pumasok siyang kasama ni Jesus sa bakuran ng Kataas-taasang Pari. 16 Subalit si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan ng bakuran. Kaya ang alagad na kilala ng Kataas-taasang Pari ay lumabas at kinausap ang babaing bantay-pinto, at pinapasok nito si Pedro. 17 Sinabi ng babae kay Pedro, “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” “Hindi,” sagot ni Pedro. 18 Dahil sa maginaw, nagpaningas ng apoy ang mga alipin at mga kawal, at tumayo sila sa paligid nito upang magpainit. Nakatayo rin doon si Pedro, kasama nilang nagpapainit.

Ang Pagtatanong ng Kataas-taasang Pari kay Jesus(D)

19 Tinanong ng Kataas-taasang Pari si Jesus tungkol sa kanyang mga alagad at tungkol sa kanyang turo. 20 Sumagot si Jesus, “Nagsalita ako nang hayagan sa mundo. Madalas akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo na pinagtitipunan ang lahat ng Judio. Wala akong inilihim. 21 Bakit ako ang tinatanong mo? Tanungin mo ang mga nakarinig sa aking mga sinabi. Sila ang nakaaalam kung ano ang mga sinabi ko.” 22 Pagkasabi niya nito, sinampal siya ng kawal na nakatayong malapit sa kanya. Sinabi nito, “Ganyan ka ba sumagot sa Kataas-taasang Pari?” 23 Sumagot si Jesus. “Kung may nasabi akong masama, patunayan mo. Ngunit kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” 24 Pagkatapos, nakagapos siyang ipinadala ni Anas kay Caifas na Kataas-taasang Pari.

Ang Muling Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(E)

25 Habang nakatayo si Pedro at nagpapainit, siya'y kanilang tinanong, “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” Ikinaila niya ito. “Hindi!” sagot ni Pedro. 26 Naroon ang isang lingkod ng Kataas-taasang Pari. Kamag-anak iyon ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga. Nagtanong iyon, “Hindi ba nakita kitang kasama mo siya sa hardin?”. 27 Muling nagkaila si Pedro. At nang oras ding iyon, tumilaok ang isang tandang.

Si Jesus sa Harap ni Pilato(F)

28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa punong-himpilan ni Pilato. Madaling araw noon at hindi sila pumasok sa punong-himpilan upang maiwasang maging marumi ayon sa kautusan at hindi maituring na di karapat-dapat kumain ng kordero ng Paskuwa. 29 Lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Ano'ng paratang ninyo laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila, “Kung walang ginagawang masama ang taong ito, hindi na sana namin siya dinala sa inyo.” 31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang humatol sa kanya ayon sa inyong batas.” Sumagot ang mga Judio, “Hindi kami pinapayagan ng batas na hatulan ng kamatayan ang sinuman.” 32 (G)(Ito ay upang matupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung paano siya mamamatay.) 33 Kaya pumasok muli si Pilato sa punong-himpilan. Ipinatawag niya si Jesus at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba galing ang tanong na iyan, o may nagsabi lamang sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Ang mga kababayan mo mismo at mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung mula sa sanlibutang ito ang kaharian ko, ipaglalaban ako ng mga alagad ko upang hindi ako mapasakamay ng mga pinuno ng mga Judio. Ngunit ang kaharian ko ay hindi mula rito.” 37 Tinanong siya ni Pilato, “Isa kang hari kung gayon?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ito nga ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at pumarito sa sanlibutan, upang magpatotoo sa katotohanan. Ang sinumang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa tinig ko.” 38 Tinanong siya ni Pilato, “Ano ang katotohanan?”

Hatol na Kamatayan kay Jesus

Matapos niyang sabihin ito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang anumang dahilan laban sa kanya. 39 Ngunit mayroon kayong kaugalian na magpalaya ako ng isang tao kapag araw ng Paskuwa. Nais ba ninyong palayain ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 40 Muli silang sumigaw, “Huwag siya kundi si Barabas!” Si Barabas ay isang tulisan.

Ang Paglibak ng mga Kawal kay Jesus

19 Pagkatapos ay ipinakuha niya si Jesus at ipinahagupit. Gumawa ng koronang tinik ang mga kawal at inilagay ito sa kanyang ulo, at isinuot sa kanya ang isang balabal na kulay ube. Lumapit sila sa kanya at nagsabing, “Mabuhay ang hari ng mga Judio!” at siya'y kanilang pinagsasampal. Muling lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakitang anumang dahilan laban sa kanya.” Kaya lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at kulay ubeng balabal. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Masdan ninyo ang taong ito!” Nang makita siya ng mga punong pari at ng mga kawal, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang magpako sa kanya; wala akong nakitang anuman laban sa kanya.” Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Mayroon kaming batas, at ayon sa batas na iyon kailangan siyang mamatay sapagkat inaangkin niyang siya ay Anak ng Diyos.” Nang marinig ito ni Pilato, lalo siyang natakot. Pumasok muli siya ng punong-himpilan at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Ngunit hindi sumagot si Jesus. 10 Kaya sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mo ba akong kausapin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang palayain ka at ipapako sa krus?” 11 (H)Sumagot si Jesus, “Hindi ako saklaw ng iyong kapangyarihan malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito, mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin sa iyo.” 12 Mula noon, humanap ng paraan si Pilato na palayain siya, ngunit nagsisigaw ang mga Judio, “Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kakampi ng Emperador.[a] Sinumang nag-aangking siya'y hari ay kumakalaban sa Emperador.” 13 Nang marinig ito ni Pilato, dinala niya si Jesus sa labas at naupo siya sa upuan ng hukom, sa lugar na tinatawag na Platapormang Bato, na sa Hebreo ay Gabbatha. 14 Araw noon ng Paghahanda para sa Paskuwa, at magtatanghaling tapat na. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Masdan ninyo ang inyong hari!” 15 Kaya sumigaw sila, “Alisin! Alisin ang taong iyan! Ipako siya sa krus!” Tinanong sila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador.” 16 Kaya ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.

Ang Pagpako kay Jesus sa Krus

Kinuha nga nila si Jesus. 17 Habang pasan ni Jesus ang krus, lumabas siya tungo sa Lugar ng Bungo, na sa Hebreo ay tinatawag na Golgotha. 18 Ipinako nila roon si Jesus, kasama ang dalawa pa, ang isa ay nasa kanan niya, at ang isa ay sa kaliwa. 19 Sumulat si Pilato ng ganitong pahayag at inilagay sa krus: “Si Jesus na taga-Nazareth, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin at Griyego. Maraming Judio ang nakabasa sa pahayag na ito sapagkat malapit sa lungsod ang lugar na pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya sinabi ng mga punong pari kay Pilato, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinabi ng taong ito, “Ako ang Hari ng mga Judio.” ’ ” 22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.” 23 Pagkatapos ipako ng mga kawal si Jesus, kinuha nila ang damit niya at hinati ito sa apat na bahagi, isa para sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang damit-panloob; wala itong tahi at hinabi nang buo mula sa itaas. 24 (I)Kaya sinabi nila sa isa't isa, “Huwag natin itong punitin; magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Naganap ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan,

“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan, at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.”

Gayon nga ang ginawa ng mga kawal. 25 Samantala, nakatayong malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid nitong si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal na nakatayo sa tabi nito, sinabi niya sa kanyang ina, “Ginang, narito ang iyong anak.” 27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina.” At mula noon, kinupkop na ng alagad si Maria sa kanyang tahanan.

Ang Pagkamatay ni Jesus

28 (J)Pagkatapos nito, nang malaman ni Jesus na ang lahat ay naganap na, sinabi niya, upang matupad ang Kasulatan, “Nauuhaw ako.” 29 Isang sisidlang puno ng maasim na alak ang naroon. Kaya isinawsaw nila sa maasim na alak ang isang espongha at inilagay ito sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus. 30 Matapos tanggapin ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na.” Pagkatapos, yumuko siya at isinuko ang kanyang espiritu.

Ang Pagtusok sa Tagiliran ni Jesus

31 Dahil araw noon ng Paghahanda, ayaw ng mga Judio na manatili ang mga bangkay sa krus sa araw ng Sabbath, lalo na't ang Sabbath na iyon ay dakila. Kaya hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Kaya dumating ang mga kawal at binali ang mga binti ng una at ng isa pang lalaki na kasama ni Jesus na ipinako. 33 Subalit nang dumating sila kay Jesus at nakitang siya ay patay na, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Tinusok na lang ng sibat ang kanyang tagiliran ng isang kawal, at kaagad na lumabas ang dugo at tubig. 35 (Siya na nakakita nito ay nagpapatotoo upang kayo ay maniwala. Ang kanyang pagpapatunay ay totoo, at alam niya na totoo ang kanyang sinasabi.) 36 (K)Nangyari ang mga ito upang maganap ang Kasulatan, “Wala ni isa man sa kanyang mga buto ang babaliin.” 37 (L)At muli, sinasabi rin ng isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang tinusok nila ng sibat.”

Ang Paglilibing kay Jesus

38 Pagkatapos ng mga ito, hiniling ni Jose na taga-Arimatea na payagan siyang kunin ang katawan ni Jesus. Siya ay isang lihim na alagad ni Jesus dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Pumayag si Pilato, kaya pumunta si Jose at tinanggal ang katawan ni Jesus sa krus. 39 (M)Dumating din si Nicodemo, na nagpunta noon kay Jesus isang gabi. May dala siyang mga pabango, na pinaghalong mira at mga aloe na may isang daang libra ang timbang. 40 Kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga telang may pabango ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 May halamanan sa lugar na pinagpakuan kay Jesus. Doon ay may isang libingang kailanman ay hindi pa nagagamit. 42 Dahil ang libingan ay di-kalayuan, at noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio, doon nila inilibing si Jesus.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.