Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
42 Masigasig silang nanatili sa mga turo ng apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa pananalangin.
Ang Buhay ng Magkakapatid
43 Naghari sa lahat ang takot, at maraming kababalaghan at himala ang naganap sa pamamagitan ng mga apostol. 44 At (A) nagsama-sama ang lahat ng mga mananampalataya at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw silang nagsasama-sama sa templo, at nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay. Ginagawa nila ang mga ito nang may galak at bukás na kalooban. 47 Habang nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng mga tao, ay araw-araw namang idinaragdag ng Panginoon sa kanila ang kanyang mga inililigtas.
19 Sapagkat kapuri-puri, na dahil sa pagkakilala ninyo sa Diyos, ay magtiis kayo ng parusa kahit walang kasalanan. 20 Ano'ng pakinabang kung kayo'y parusahan dahil sa paggawa ng masama? Ngunit kalulugdan kayo ng Diyos kung kayo'y magtiis ng dusa dahil sa paggawa ng mabuti. 21 Ito ang dahilan kung bakit kayo tinawag, sapagkat si Cristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng halimbawa upang inyong sundan.
22 “Wala (A) siyang ginawang anumang kasalanan,
at sa bibig niya'y walang kasinungalingang natagpuan.”
23 Nang (B) siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y nagdusa, hindi siya nagbanta, sa halip, nagtiwala siya sa Diyos na Makatarungang humatol. 24 Sa (C) kanyang pagkamatay sa krus,[a] pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay sa kasalanan at mamuhay sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo ay gumaling. 25 Sapagkat kayo'y tulad ng mga tupang naligaw ng landas, ngunit ngayon ay nagbalik na kayo sa kanya, siya na Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa.
Si Jesus ang Mabuting Pastol
10 “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, sinumang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi dumadaan sa pintuan nito kundi sa ibang daan ay magnanakaw at tulisan. 2 Ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. 3 Ang bantay sa pinto ang nagbubukas para sa kanya, at ang mga tupa ay nakikinig sa tinig niya. Tinatawag niya ang sarili niyang mga tupa sa pangalan at siya ang naglalabas sa kanila. 4 Matapos niyang dalhin sa labas ang lahat ng kanya, pinangungunahan niya sila, at sumusunod sila sa kanya dahil kilala nila ang tinig niya. 5 Hinding-hindi sila susunod sa hindi nila kakilala, kundi tatakbo silang papalayo sa kanya sapagkat hindi nila nakikilala ang tinig ng iba.” 6 Gumamit si Jesus ng ganitong talinghaga sa kanila, subalit hindi nila naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin.
7 Kaya’t sinabi muli ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa. 8 Ang lahat ng dumating na nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan; ngunit ang mga tupa ay hindi nakinig sa kanila. 9 Ako ang pintuan. Sinumang pumapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas at makatatagpo ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at sumira. Dumating ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang sagana.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.