Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
55 Subalit si Esteban, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumitig sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan at ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos.” 57 Subalit nagtakip sila ng kanilang mga tainga at nagsigawan nang malakas at sama-samang sumugod sa kanya. 58 Pagkatapos, siya'y kinaladkad nila palabas ng lungsod at doo'y pinagbabato. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Siya'y lumuhod at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang papanagutin sa kasalanang ito.” Pagkasabi nito, siya'y namatay.[a]
2 Gaya ng mga sanggol, manabik kayo sa dalisay na gatas espirituwal, upang sa pamamagitan nito ay lumago kayo sa inyong karanasan ng kaligtasan, 3 yamang naranasan (A) na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. 4 Sa paglapit ninyo sa kanya, ang batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin, 5 kayo mismo, tulad ng mga batong buháy, ay itinatayo bilang bahagi ng isang templong espirituwal upang maging mga paring itinalaga para sa Diyos. Kaya't mag-alay kayo ng mga espirituwal na handog na kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 6 Sapagkat (B) ito ang isinasaad ng kasulatan:
“Masdan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng isang batong panulok, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”
7 Ngayon, (C) sa inyong mga sumasampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi sumasampalataya,
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo
ang siyang naging batong panulok,”
8 at, (D)
“Isang batong katitisuran ng mga tao
at dahilan ng kanilang pagkadapa.”
Sila'y natisod dahil sa pagsuway nila sa salita, at iyon din naman ang kanilang kahihinatnan.
9 Ngunit (E) kayo'y isang lahing pinili, mga paring naglilingkod sa hari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos. Hinirang kayo upang inyong ipahayag ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na tumawag sa inyo mula sa kadiliman at nagdala sa inyo sa kanyang kahanga-hangang liwanag. 10 Noon ay (F) hindi kayo sambayanan, ngunit ngayo'y sambayanan kayo ng Diyos. Noon ay pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y kinahahabagan kayo.
Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay
14 “Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi ito totoo, bakit ko pa sasabihin sa inyo na aalis ako upang ipaghanda kayo ng lugar? 3 At kung aalis ako at ipaghahanda kayo ng lugar para sa inyo, babalik ako at isasama ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako, naroon din kayo. 4 At nalalaman ninyo ang daan tungo sa pupuntahan ko.” 5 Sinabi ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta. Paano po namin malalaman ang daan?” 6 (A)Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makararating sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang Ama ko. Mula ngayon, siya'y kilala na ninyo at siya'y nakita na ninyo.” 8 Sinabi ni Felipe, “Panginoon, ipakita ninyo sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.” 9 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Matagal na tayong magkasama Felipe, at hindi mo pa rin ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Bakit mo sinasabing, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ba kayo naniniwalang ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi galing sa akin; ang Amang nananahan sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawain. 11 Maniwala kayo sa akin na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin; ngunit kung hindi, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. 12 Tinitiyak ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay makagagawa rin ng mga bagay na ginagawa ko, at higit pa sa mga ito ang magagawa niya sapagkat ako'y pupunta sa Ama. 13 Gagawin ko anumang hilingin ninyo sa aking pangalan, upang ang Ama ay maluwalhati sa pamamagitan ng Anak. 14 Anuman ang hilingin ninyo sa aking pangalan, ako ang gagawa nito.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.