Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagdating ng Banal na Espiritu
2 Pagsapit ng Araw ng Pentecostes,[a] nagtitipon silang lahat sa isang lugar. 2 Biglang nagkaroon ng isang ugong mula sa langit, gaya ng isang napakalakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kanilang kinaroroonan. 3 May nakita silang tila mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. 4 Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nagsalita sa iba't ibang wika, ayon sa kakayahang magpahayag na ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. 5 Naninirahan noon sa Jerusalem ang mga Judiong masigasig sa kanilang pananampalataya. Galing pa sila sa iba't ibang mga bansa. 6 Nang dumating ang ugong na ito, nagtipon sila at namangha sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa mga wika nilang mga nakikinig. 7 Labis silang nagulat at namangha, kaya't sila'y nagtanong, “Pakinggan ninyo! Hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito? 8 Paanong nangyaring naririnig ng bawat isa sa atin ang ating mga sariling wika sa kanila? 9 Tayong mga Parto, mga Medo, mga Elamita, mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia. 10 Mayroon din sa ating taga-Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene, at mga panauhing taga-Roma, mga Judio at mga nahikayat maging Judio. 11 May mga taga-Creta at taga-Arabia rin dito. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga sariling wika tungkol sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos?”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.