Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6 Nang muli silang magkasama, nagtanong ang mga alagad kay Jesus, “Panginoon, ito na ba ang panahong itatayo mong muli ang kaharian sa Israel?” 7 Sinabi niya sa kanila, “Hindi na ninyo kailangang malaman pa ang mga oras o ang mga panahong itinakda ng Ama sa pamamagitan ng sarili niyang awtoridad. 8 Sa halip, tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Banal na Espiritu, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, hanggang sa dulo ng daigdig.” 9 Matapos niyang sabihin ang mga ito, dinala siya sa langit habang sila ay nakatingin. Pagkatapos ay tinakpan siya ng ulap at siya'y hindi na nila nakita. 10 Samantalang nakatitig sila sa langit habang papalayo siya, biglang lumitaw ang dalawang lalaking nakaputi, nakatayo sa kanilang tabi 11 at nagsabi, “Mga taga-Galilea, bakit kayo narito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na dinala sa langit ay babalik kung paanong siya ay inyong nakitang umakyat sa langit.”
Pagpili sa Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos ay nagbalik ang mga alagad sa Jerusalem mula sa bundok ng mga Olibo na halos isang kilometro ang layo sa lungsod.[a] 13 Nang makapasok sila sa lungsod, tumuloy sila sa silid sa itaas na pansamantala nilang tinitirhan. Ang mga ito ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang kanyang mga kapatid, nagkakaisang inilaan ng mga alagad ang kanilang mga sarili sa pananalangin.
Pagdurusa Bilang Cristiano
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka na dumaraan kayo sa mabibigat na pagsubok na para bang hindi ito pangkaraniwang pangyayari. 13 Sa halip, dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo upang lubos kayong magalak kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kapag kayo'y nilalait dahil sa pangalan ni Cristo sapagkat ang maluwalhating Espiritu ng Diyos ay lulukob sa inyo.
6 Kaya't (A) magpakumbaba kayo at pasakop sa Makapangyarihang Diyos, at kayo'y itataas niya sa takdang panahon. 7 Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang lahat ng inyong kabalisahan sapagkat siya'y nagmamalasakit sa inyo. 8 Maging handa kayong lagi at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaaligid at umaatungal at naghahanap ng kanyang lalamunin. 9 Labanan ninyo siya at maging matatag sa inyong pananampalataya. Alam naman ninyong ang mga ganitong kahirapan ay dinaranas din ng inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magdusa nang kaunting panahon, ang Diyos na pinagmumulan ng biyaya at tumawag sa inyo na maging kabahagi ng kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo ang siya ring magpapanumbalik, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.
Panalangin ni Jesus para sa mga Alagad
17 Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak, 2 kung paanong binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. 3 (A)At ito ang buhay na walang hanggan, ang makilala ka nila na tanging tunay na Diyos at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. 4 Niluwalhati kita sa lupa sa pagtupad ko sa gawaing ibinigay mo sa akin. 5 Kaya ngayon, Ama, sa iyong harapan ay luwalhatiin mo ako ng kaluwalhatiang taglay ko noong ako'y kasama mo bago pa man nagkaroon ng sanlibutan. 6 Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. 7 Ngayon, alam na nilang ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay galing sa iyo; 8 sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at tinanggap nila ang mga ito. Nalaman nilang totoo nga na ako'y mula sa iyo, at naniwala silang ako'y isinugo mo. 9 Nakikiusap ako para sa kanila. Hindi ako nakikiusap para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang sa iyo ay sa akin; at ako ay naluluwalhati sa pamamagitan nila. 11 Wala na ako sa sanlibutan, ngunit sila ay nasa sanlibutan, at ako ay papunta na sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.