Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
17 “Ngunit (A) nang nalalapit na ang panahong ipinangako ng Diyos kay Abraham, lumago at dumami ang ating sambayanan sa Ehipto, 18 hanggang sa nagkaroon ng hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose. 19 Dinaya at pinagsamantalahan (B) nito ang ating lahi, pinagmalupitan ang ating mga ninuno at pinilit na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Sa (C) panahong iyon ay ipinanganak si Moises, isang batang kinalugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa bahay ng kanyang ama. 21 Nang (D) siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at siya'y pinalaking parang sarili niyang anak. 22 Sinanay si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya'y naging makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa. 23 “Nang (E) siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang[a] tingnan ang kalagayan ng kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel. 24 Nang makita niya na pinahihirapan ang isa sa kanila, ipinagtanggol at ipinaghiganti niya ito at pinatay ang Ehipcio. 25 Inaakala niya noon na naunawaan ng kanyang mga kababayan[b] na ililigtas sila ng Diyos sa pamamagitan niya.[c] Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, lumapit siya sa dalawang Israelitang nag-aaway. Ibig sana niyang sila'y pagkasunduin kaya sinabing, ‘Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit sinasaktan ninyo ang isa't isa?’ 27 Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kapwa, at nagsabing, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin? 28 Gusto mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?’ 29 Nang (F) marinig ito ni Moises, tumakas siya at nanirahan na isang dayuhan sa lupain ng Midian, at doo'y nagkaroon ng dalawang anak na lalaki.
30 “Nang (G) lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita. Nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, dumating ang tinig ng Panginoon: 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi nangahas tumingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Tanggalin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay lupang banal. 34 Kitang-kita ko ang pang-aapi sa aking bayang nasa Ehipto, narinig ko ang kanilang hinaing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayon, lumapit ka at isusugo kita sa Ehipto.’ 35 “Ang (H) Moises na ito na kanilang itinakwil nang sabihin nilang, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin?’ ang siyang isinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagpalaya sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Ang taong ito (I) ang humango sa kanila sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghang ginawa niya sa Ehipto, sa Dagat na Pula, at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon. 37 Ang (J) Moises na ito ang nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Mula sa inyong mga kapatid, pipili ang Diyos ng propeta para sa inyo, tulad ng pagpili niya sa akin.’ 38 Siya (K) ang kasama ng kapulungan sa ilang. Kasama siya ng anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ng ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga salitang nagbibigay-buhay upang ibigay sa atin. 39 Ngunit ayaw siyang sundin ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at sa mga puso nila'y bumalik sila sa Ehipto, 40 nang sabihin nila kay Aaron, (L) ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat hindi na namin alam ang nangyayari sa Moises na ito na naglabas sa amin sa Ehipto.’
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.