Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 2:14

14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ang labing-isa, at nagpahayag sa malakas na tinig, “Mga kababayan kong Judio at mga naninirahan sa Jerusalem, unawain ninyo ito at makinig kayong mabuti sa sasabihin ko.

Mga Gawa 2:22-32

22 “Pakinggan ninyo ito, mga Israelita. Itong si Jesus na taga-Nazareth ay pinatunayan sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat naganap ang mga ito sa gitna ninyo. 23 Sa mula't mula pa'y alam na at ipinasya na ng Diyos na ibigay sa inyo si Jesus. At ipinako ninyo siya sa krus at ipinapatay sa mga makasalanan. 24 Subalit ang Diyos ang muling bumuhay sa kanya, at nagpalaya sa kanya mula sa pagdurusa ng kamatayan, dahil wala naman itong kakayahang maghari sa kanya. 25 Gaya nga ng sinabi ni David tungkol sa kanya:

‘Noon pa'y nakita kong lagi kong kapiling ang Panginoon;
    Siya'y kasama ko[a] kaya't hindi ako matitinag.
26 Dahil dito'y nagalak ang aking puso at sa dila ko'y nag-umapaw ang tuwa,
    at ang aking katawan ay mabubuhay sa pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y hindi mo hahayaan sa kamatayan[b];
    o ipahihintulot man lang na ang iyong Banal ay makaranas ng kabulukan.
28 Ipinakita mo sa akin ang mga daan ng buhay,
    at sa piling mo'y mapupuno ako ng kagalakan.’

29 Mga kapatid, buong katiyakang sasabihin ko sa inyo na ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing. At ang libingan niya'y nasa atin hanggang ngayon. 30 Palibhasa'y propeta si David noong nabubuhay pa, nalalaman niya ang taimtim na pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa mula sa kanyang angkan. 31 Nakita na at ipinahayag na ni David na muling bubuhayin ng Diyos ang Cristo nang kanyang sabihin:

    ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; ni ang katawan niya'y makaranas ng kabulukan.’

32 Ngayon, kaming lahat ay mga saksi na ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos.

Error: 'Awit 16 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
1 Pedro 1:3-9

Buháy na Pag-asa

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa laki ng kanyang dakilang kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa kamatayan, upang magkamit ng isang manang hindi nasisira, walang dungis, at hindi kumukupas na inihanda sa langit para sa inyo. Kayo'y iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasang mahahayag sa katapusan ng panahon. Dahil sa mga ito, dapat kayong magalak bagaman sa loob ng maikling panahon ay dumaranas kayo ng iba't ibang pagsubok. Nararanasan ninyo ito upang dalisayin ang inyong pananampalataya. Kaya kung paanong pinararaan sa apoy ang ginto, ang inyong pananampalatayang mas mahalaga kaysa gintong nasisira ay pinararaan din sa apoy ng pagsubok upang mapatunayan kung talagang tapat. Kung magkagayon, tatanggap kayo ng papuri, kaluwalhatian at karangalan sa araw ng pagpapahayag kay Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita kailanman ngunit inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, subalit sumasampalataya kayo sa kanya. Umaapaw na ang inyong puso sa kagalakang di kayang ilarawan ng salita, sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.

Juan 20:19-31

Nagpakita si Jesus sa mga Alagad(A)

19 Kinagabihan ng araw na iyon, unang araw ng linggo, habang ang mga pinto ng bahay na pinagtitipunan ng mga alagad ay nakasara dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad nang makita ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, sinusugo ko rin kayo.” 22 Nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya at kanyang sinabi, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23 (B)Kung pinatatawad ninyo ang mga kasalanan ninuman, pinatatawad na sila sa mga ito; kung hindi ninyo pinatatawad ang mga kasalanan ninuman, hindi nga pinatatawad ang mga ito.”

24 Ngunit si Tomas na tinatawag na Kambal, isa sa labindalawa, ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus. 25 Kaya sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita na namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at maisuot ang daliri ko sa butas ng mga pako, at ang kamay ko sa kanyang tagiliran, hindi ako maniniwala.”

26 Pagkalipas ng walong araw, muling nasa loob ng bahay ang mga alagad, at kasama na nila si Tomas. Kahit na nakasara ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 27 Pagkatapos ay sinabi niya kay Tomas, “Isuot mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Iabot mo rito iyong kamay at ipasok mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan, sa halip, maniwala ka.” 28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniwala ka ba dahil nakita mo ako? Mapapalad ang mga hindi nakakita subalit sumasampalataya.”

Ang Layunin ng Aklat na Ito

30 Marami pang ibang himala na ginawa si Jesus sa harap ng kanyang mga alagad na hindi naisulat sa aklat na ito. 31 Subalit ang mga ito ay isinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa inyong pagsampalataya, kayo ay magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng kanyang pangalan.[a]

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.