Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagdisiplina ng Panginoon
12 Kaya nga, dahil napapalibutan tayo ng ganoon karaming mga saksi, iwaksi natin ang bawat bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanang mahigpit na pumipigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiyaga ang takbuhing inilagay sa ating harapan. 2 Ituon natin kay Jesus ang ating paningin, sa kanya na nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, ipinagwalang-bahala niya ang kahihiyan nito, at ngayo’y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos. 3 Pag-ukulan ninyo ng pansin si Jesus na nagtiis ng ganoong matinding poot mula sa mga makasalanan, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay.
Ang Pahiwatig ni Jesus tungkol sa Pagtataksil sa Kanya(A)
21 Matapos niyang sabihin ito, nabagabag ang kalooban ni Jesus at siya'y nagsabi, “Tandaan ninyo itong sinasabi ko, isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.” 22 Nagtinginan ang mga alagad at nalito kung sino ang tinutukoy niya. 23 Isa sa mga alagad—ang minamahal ni Jesus—ay nakaupo sa tabi niya; 24 kaya sumenyas sa kanya si Simon Pedro na alamin kung sino ang tinutukoy ni Jesus. 25 Kaya habang nakahilig kay Jesus ang alagad ay nagtanong ito, “Panginoon, sino po ba siya?” 26 Sumagot si Jesus, “Siya iyong bibigyan ko ng tinapay pagkatapos kong isawsaw ito.” Kaya nang maisawsaw na niya ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 At pagkatanggap ni Judas ng tinapay, pumasok si Satanas sa kanya. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Anumang gagawin mo, gawin mo na agad.” 28 Wala ni isa mang nasa hapag-kainan ang may alam kung bakit niya ito sinabi kay Judas. 29 Dahil siya ang nag-iingat ng supot ng salapi, inakala ng ilan na pinabibili siya ni Jesus ng kailangan nila sa pista, o kaya naman ay pinapaglimos sa mga dukha. 30 Kaya, pagkatanggap niya ng tinapay, agad siyang lumabas. Gabi na noon.
Ang Bagong Kautusan
31 Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus, “Ngayon, ang Anak ng Tao ay naluwalhati na, at ang Diyos ay naluwalhati sa pamamagitan niya. 32 Kung ang Diyos ay naluwalhati sa pamamagitan niya, luluwalhatiin din siya ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang sarili at luluwalhatiin siya agad.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.