Add parallel Print Page Options

Si Jesus at ang mga Alagad nang Araw ng Paskuwa(A)

12 Nang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa araw ng paghahain ng kordero ng Paskuwa, tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo gustong ipaghanda namin kayo upang makakain ng hapunang pampaskuwa?” 13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa lungsod at masasalubong ninyo doon ang isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya. 14 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay na kanyang papasukan, ‘Ipinatatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng hapunang pampaskuwa, kasalo ang kanyang mga alagad.’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nakahanda na at mayroon nang mga kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” 16 Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lungsod, at natagpuan doon ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa. 17 Kinagabihan, dumating si Jesus kasama ang labindalawa. 18 Nang (B) nakaupo na sila at kumakain, sinabi ni Jesus, “Tinitiyak ko sa inyo na ipagkakanulo ako ng isa sa inyong kasalo ko ngayon.” 19 Nalungkot ang mga alagad at isa-isang nagsabi sa kanya, “Hindi ako iyon, Panginoon, di po ba?” 20 Sinabi niya sa kanila, “Isa sa inyong labindalawa na kasabay ko sa pagsawsaw sa mangkok. 21 Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na ipinanganak.”

Read full chapter

Ang Paghahanda para sa Paskuwa(A)

Sumapit ang Araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa kung kailan kailangang magpatay ng isang kordero bilang alay para sa Paskuwa. Kaya't isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan at pinagbilinan, “Humayo kayo at ihanda ninyo ang pagkain para sa Paskuwa upang kainin natin.” At itinanong nila sa kanya, “Saan po ninyo nais na ihanda namin ito?” 10 Sinabi niya sa kanila, “Makinig kayo; pagpasok ninyo sa lungsod ay sasalubungin kayo ng isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukin. 11 At sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinatatanong sa iyo ng Guro, nasaan ang silid-panauhin na makakainan niya ng pagkaing Paskuwa kasama ng kanyang mga alagad?’ 12 Ituturo sa inyo ng taong iyon ang isang malaking silid sa itaas; may mga kagamitan na roon. Doon kayo maghanda.” 13 Pumunta nga sila at natagpuan nila ang lahat gaya ng sinabi ni Jesus; at inihanda nila ang pagkain para sa Paskuwa.

Read full chapter

21 Ngunit narito at kasalo ko sa hapag ang kamay ng magkakanulo sa akin. 22 Sapagkat ang Anak ng Tao nga ay tutungo ayon sa itinakda, subalit kaysaklap ng sasapitin ng taong magkakanulo sa kanya.” 23 Kaya't nagsimula silang magtanungan kung sino kaya sa kanila ang gagawa ng ganoon.

Read full chapter

Ang Pahiwatig ni Jesus tungkol sa Pagtataksil sa Kanya(A)

21 Matapos niyang sabihin ito, nabagabag ang kalooban ni Jesus at siya'y nagsabi, “Tandaan ninyo itong sinasabi ko, isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.” 22 Nagtinginan ang mga alagad at nalito kung sino ang tinutukoy niya. 23 Isa sa mga alagad—ang minamahal ni Jesus—ay nakaupo sa tabi niya; 24 kaya sumenyas sa kanya si Simon Pedro na alamin kung sino ang tinutukoy ni Jesus. 25 Kaya habang nakahilig kay Jesus ang alagad ay nagtanong ito, “Panginoon, sino po ba siya?” 26 Sumagot si Jesus, “Siya iyong bibigyan ko ng tinapay pagkatapos kong isawsaw ito.” Kaya nang maisawsaw na niya ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 At pagkatanggap ni Judas ng tinapay, pumasok si Satanas sa kanya. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Anumang gagawin mo, gawin mo na agad.” 28 Wala ni isa mang nasa hapag-kainan ang may alam kung bakit niya ito sinabi kay Judas. 29 Dahil siya ang nag-iingat ng supot ng salapi, inakala ng ilan na pinabibili siya ni Jesus ng kailangan nila sa pista, o kaya naman ay pinapaglimos sa mga dukha. 30 Kaya, pagkatanggap niya ng tinapay, agad siyang lumabas. Gabi na noon.

Read full chapter