Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 55:16-23

16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios,
    at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Ililigtas niya ako at iingatan sa aking pakikipaglaban,
    kahit napakarami ng aking mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Dios na naghahari magpakailanman,
    at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
    Dahil ang aking mga kaaway ay hindi nagbabago at walang takot sa Dios.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan ang kanyang mga kaibigan;
    at hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.
21 Malumanay at mahusay nga siyang magsalita,
    ngunit puno naman ng poot ang kanyang puso,
    at ang kanyang pananalita ay nakakasugat tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya.
    Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya
    sa napakalalim na hukay bago mangalahati ang kanilang buhay.
    Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.

Ester 5

Nakiusap si Ester sa Hari

Nang ikatlong araw, isinuot ni Ester ang kasuotan niyang pangreyna, at tumayo sa bulwagan ng palasyo na nakaharap sa trono ng hari. Nakaupo noon ang hari sa trono niya at nakaharap siya sa pintuan. Nang makita niya si Reyna Ester, tuwang-tuwa siya at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Kaya lumapit si Ester at hinipo ang dulo ng setro.

Nagtanong ang hari sa kanya, “Ano ang kailangan mo Mahal na Reyna? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” Sumagot si Ester, “Mahal na Hari, kung ibig po ninyo, inaanyayahan ko po kayo at si Haman sa hapunang ihahanda ko para sa inyo.” Sinabi ng hari sa mga alipin niya, “Tawagin ninyo si Haman para masunod namin ang nais ni Ester.” Kaya pumunta agad ang hari at si Haman sa hapunang inihanda ni Ester. At habang nag-iinuman sila, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba talaga ang kailangan mo? Sabihin mo na dahil ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” Sumagot si Ester, “Ito po ang kahilingan ko, kung kalugod-lugod po ako sa inyo, at gusto ninyong ibigay ang kahilingan ko, minsan ko pa po kayong inaanyayahan at si Haman sa hapunan na ihahanda ko para sa inyo bukas. At saka ko po sasabihin ang kahilingan ko sa inyo.”

Nagplano si Haman na Patayin si Mordecai

Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas sa palasyo si Haman. Pero nagalit siya nang makita niya si Mordecai sa pintuan ng palasyo na hindi man lang tumayo o yumukod bilang paggalang sa kanya. 10 Ganoon pa man, pinigilan niya ang kanyang sarili at nagpatuloy sa pag-uwi.

Pagdating sa bahay niya, tinawag niya ang mga kaibigan niya at ang asawa niyang si Zeres. 11 Ipinagmalaki niya sa kanila ang kayamanan at mga anak niya, ang lahat ng pagpaparangal sa kanya ng hari pati na ang pagbibigay sa kanya ng pinakamataas na katungkulan sa lahat ng pinuno at sa iba pang mga lingkod ng hari. 12 Sinabi pa niya, “Hindi lang iyon, noong naghanda ng hapunan si Reyna Ester, ako lang ang inanyayahan niyang makasama ng hari. At muli niya akong inanyayahan sa ihahanda niyang hapunan bukas kasama ng hari. 13 Pero ang lahat ng itoʼy hindi makapagbibigay sa akin ng kaligayahan, habang nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng palasyo.”

14 Sinabi sa kanya ng kanyang asawaʼt mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng matulis na kahoy na 75 talampakan ang taas. At bukas ng umaga, hilingin mo sa hari na ituhog doon si Mordecai para maging maligaya kang kasama ng hari sa inihandang hapunan.” Nagustuhan iyon ni Haman kaya nagpagawa siya niyon.

Colosas 2:16-3:1

16 Kaya nga, huwag na kayong padadala sa mga tao na nagsasabi sa inyo kung ano ang hindi dapat kainin o inumin, o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, Pista ng Pagsisimula ng Buwan, o Araw ng Pamamahinga. 17 Anino lang ang mga ito ng inaasahan noon na darating, at si Cristo ang katuparan nito. 18 Huwag kayong padadaya sa mga taong humihikayat na kailangan ninyong pagkaitan ang sarili nʼyo at sambahin ang mga anghel. Pinaninindigan nila ang mga ito dahil sa mga pangitain nila na pagyayabang lang, walang kabuluhan, at gawa-gawa lang ng makamundo nilang pag-iisip. 19 Wala silang kaugnayan kay Cristo na siyang ulo natin. Siya ang nag-uugnay-ugnay at nag-aalaga sa atin na kanyang katawan sa pamamagitan ng mga magkakaugnay na bahagi nito. Sa ganoon, lumalago tayo nang naaayon sa Dios.

Ang Bagong Buhay Kay Cristo

20 Namatay kayong kasama ni Cristo, at pinalaya sa mga walang kabuluhang pamamaraan ng mundo, kaya bakit namumuhay pa rin kayo na parang mga makamundo? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga tuntuning tulad ng, 21 “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyon,” “Huwag hihipo niyan”? 22 Ang mga itoʼy batay lang sa utos at turo ng tao tungkol sa mga bagay na nawawala pagkatapos kainin o inumin. 23 Sa unang tingin, parang may karunungan ang mga ganitong katuruan tungkol sa gusto nilang pagsamba, pagpapakumbaba, at pagpapahirap sa sariling katawan. Pero ang totoo, wala namang naitutulong ang mga ito sa pagpipigil sa masasamang hilig ng laman.

Binuhay kayong muli kasama ni Cristo, kaya sikapin ninyong makamtan ang mga bagay na nasa langit kung saan naroon si Cristo na nakaupo sa kanan ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®