Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 66:1-9

Papuri at Pasasalamat

66 Kayong mga tao sa buong mundo,
    isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
    Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
Sabihin ninyo sa kanya,
    “O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
    Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
    luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
    na may awit ng papuri.”
Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
Pinatuyo niya ang dagat;
    tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
    Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
Maghahari ang Dios ng walang hanggan
    sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
    kaya ang mga sumusuway sa kanya
    ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
    Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
Iningatan niya ang ating buhay
    at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.

Jeremias 51:47-58

47 Darating ang panahon na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong Babilonia, at bubulagta ang lahat ng bangkay ng mamamayan niya. 48 At kapag nangyari iyon, sisigaw sa kagalakan ang langit at ang lupa, at ang lahat ng nandito dahil sa pagkawasak ng Babilonia. Sapagkat sasalakayin ito ng mga mangwawasak mula sa hilaga. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

49 “Kinakailangang wasakin ang Babilonia dahil sa pagpatay niya sa mga Israelita at sa iba pang mga tao sa buong mundo.

Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Israelita na nasa Babilonia

50 “Kayong mga natitirang buhay, tumakas na kayo mula sa Babilonia at huwag kayong tumigil! Alalahanin nʼyo ang Panginoon at ang Jerusalem kahit na nasa malalayo kayong lugar. 51 Sinasabi ninyo, ‘Nahihiya kami. Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan dahil ang templo ng Panginoon ay dinungisan ng mga dayuhan.’ 52 Pero darating ang araw na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. At ang mga daing ng mga sugatang taga-Babilonia ay maririnig sa buong lupain nila. 53 Kahit na umabot pa sa langit ang mga pader ng Babilonia at kahit tibayan pa nila ito nang husto, magpapadala pa rin ako ng wawasak dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 54 Mapapakinggan ang mga iyakan sa buong Babilonia dahil sa pagkawasak nito. 55 Wawasakin ko ang Babilonia at magiging tahimik ito. Sasalakay sa kanya ang mga kaaway na parang umuugong na alon. Maririnig ang sigawan nila sa kanilang pagsalakay. 56 Darating ang mga wawasak ng Babilonia at bibihagin ang mga kawal niya, at mababali ang mga pana nila. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios na nagpaparusa sa masasama. At parurusahan ko ang Babilonia ayon sa nararapat sa kanya. 57 Lalasingin ko ang kanyang mga tagapamahala, marurunong, mga pinuno, mga punong sundalo at ang buong hukbo niya. Mahihimbing sila at hindi na magigising habang panahon. Ako, ang Hari na nagsasabi nito. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko.”

58 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Wawasakin ang makakapal na pader ng Babilonia at susunugin ang matataas niyang pintuan. Magiging walang kabuluhan ang lahat ng pinaghirapan ng mga mamamayan niya dahil ang lahat ng iyon ay masusunog lang.”

2 Corinto 8:1-7

Ang Pagtutulungan ng mga Cristiano

Ngayon mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang ginawa ng mga iglesya sa Macedonia dahil sa biyaya ng Dios sa kanila. Kahit na dumaranas sila ng maraming pagsubok, masayang-masaya pa rin sila. Kaya nga naging lubos silang mapagbigay sa kabila ng kanilang matinding kahirapan. Makapagpapatotoo ako sa inyo na kusang-loob silang nagbigay at higit pa nga sa kanilang makakaya. Sapagkat sila na mismo ang paulit-ulit na nakiusap sa amin na bigyan sila ng pagkakataong makatulong sa mahihirap na mga mananampalataya.[a] At higit pa nga sa aming inaasahan ang kanilang ginawa, dahil una sa lahat, inialay nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa amin, ayon sa kalooban ng Dios. Dahil sa kanilang ginawa ay pinakiusapan namin si Tito na bumalik sa inyo, at tapusin ang inumpisahan niyang pangongolekta ng inyong tulong para sa mga kapatid sa Judea. Kayong mga nasa Corinto ay nangunguna sa lahat ng bagay – malakas ang inyong pananampalataya, magaling kayong magturo, marami kayong alam, masipag sa paglilingkod sa Dios, at malaki ang inyong pag-ibig sa amin. Kaya gusto namin na manguna rin kayo sa pagbibigay.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®