Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 25:1-10

Dalangin para Ingatan at Patnubayan

25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
    Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
    at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
    ngunit mapapahiya ang mga traydor.

Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
    ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
    Kayo ang lagi kong inaasahan.
Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
    na inyong ipinakita mula pa noong una.
Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
    alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
    mula pa noong aking pagkabata.

Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
    kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
    Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.

Genesis 41:37-49

Ginawang Tagapamahala si Jose sa Egipto

37 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga opisyal ang mungkahi ni Jose. 38 Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Wala na tayong makikita pang ibang tao na kagaya ni Jose na ginagabayan ng Espiritu ng Dios.”

39 Kaya sinabi ng Faraon kay Jose, “Sapagkat sinabi sa iyo ng Dios ang mga bagay na ito, wala na sigurong iba pang tao na may kaalaman at pang-unawa na kagaya mo. 40-41 Gagawin kita ngayon na tagapamahala ng aking kaharian at gobernador ng buong Egipto, at susunod sa iyo ang lahat ng tauhan ko. Pero mas mataas pa rin ang karapatan ko kaysa sa iyo.” 42 Tinanggal agad ng Faraon ang kanyang singsing na pangtatak at isinuot sa daliri ni Jose. Pinasuotan niya si Jose ng espesyal na damit na gawa sa telang linen at pinasuotan ng gintong kwintas. 43 Ipinagamit din niya kay Jose ang kanyang pangalawang karwahe,[a] at may mga tagapamalita na mauuna sa kanya na sumisigaw, “Lumuhod kayo sa gobernador!” Kaya simula noon, naging gobernador si Jose sa buong lupain ng Egipto.

44 Sinabi pa ng Faraon kay Jose, “Ako ang hari rito sa Egipto, Pero walang sinuman ang gagawa ng kahit ano rito sa Egipto nang walang pahintulot mo.” 45 Pinangalanan niya si Jose ng Zafenat Panea. Pinag-asawa rin niya si Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari mula sa lungsod ng On. Bilang gobernador, si Jose na ang namahala sa Egipto.

46 Si Jose ay 30 taong gulang pa lang nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Umalis siya sa palasyo at umikot sa buong Egipto.

47 Tunay ngang naging masagana ang ani sa loob ng pitong taong kasaganaan. 48 At sa panahong iyon, ipinaipon ni Jose ang lahat ng nakolekta galing sa mga ani.[b] Ipinatago niya sa bawat lungsod ang mga ani na galing sa bukid sa palibot nito. 49 Napakarami ng trigong naipon ni Jose; parang kasing dami ng buhangin sa tabing-dagat. Itinigil na lang niya ang pagtatakal nito dahil hindi na ito makayanang takalin.

Gawa 7:9-16

“Si Jose na isa sa mga 12 anak ni Jacob ay kinainggitan ng mga kapatid niya, kaya ipinagbili nila siya. Dinala siya sa Egipto at naging alipin doon. Pero dahil ang Dios ay kasama ni Jose, 10 tinulungan siya nito sa lahat ng mga paghihirap na kanyang dinanas. Binigyan din siya ng Dios ng karunungan, kaya nagustuhan siya ng Faraon, ang hari ng Egipto. Ginawa siya ng hari na tagapamahala ng buong Egipto at ng lahat ng kanyang ari-arian. 11 Dumating ang taggutom sa buong Egipto at Canaan. Hirap na hirap ang mga tao, at ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya nang mabalitaan ni Jacob na may pagkain sa Egipto, pinapunta niya roon ang kanyang mga anak, na siyang ating mga ninuno. Iyon ang una nilang pagpunta sa Egipto. 13 Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala na si Jose na siyaʼy kapatid nila, at sinabi rin niya sa Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Pagkatapos, ipinag-utos ni Jose na papuntahin ang ama niyang si Jacob sa Egipto kasama ang kanyang buong pamilya. (Mga 75 silang lahat.) 15 Kaya pumunta si Jacob at ang ating mga ninuno sa Egipto. Doon sila nanirahan at doon na rin namatay. 16 Dinala ang kanilang mga bangkay sa Shekem at inilibing sa libingang binili ni Abraham noon sa mga anak ni Hamor.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®