Revised Common Lectionary (Complementary)
10 Kayong lahat ng nagmamahal sa Jerusalem, makigalak kayong kasama niya. At kayong mga umiiyak para sa kanya, makisaya kayo sa kanya, 11 para magtamasa kayo ng kanyang kasaganaan katulad ng sanggol na sumususo sa kanyang ina at nabusog. 12 Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Pauunlarin ko ang Jerusalem. Dadalhin sa kanya ang kayamanan ng mga bansa na parang umaapaw na daluyan ng tubig. Kayoʼy matutulad sa isang sanggol na aalagaan, hahawakan, pasususuhin, at kakalungin ng kanyang ina. 13 Aaliwin ko kayo katulad ng isang ina na umaaliw sa kanyang anak.”
14 Kapag itoʼy nakita ninyong ginagawa ko na, magagalak kayo, at lalago na parang sariwang tanim. Ipapakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa kanyang mga lingkod, pero ipapakita niya ang kanyang galit sa kanyang mga kaaway.
Papuri at Pasasalamat
66 Kayong mga tao sa buong mundo,
isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
2 Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
3 Sabihin ninyo sa kanya,
“O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
4 Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
na may awit ng papuri.”
5 Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
6 Pinatuyo niya ang dagat;
tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
7 Maghahari ang Dios ng walang hanggan
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
kaya ang mga sumusuway sa kanya
ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
8 Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
9 Iningatan niya ang ating buhay
at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.
Magtulungan Tayo
6 Mga kapatid, kung may magkasala man sa inyo, kayong mga ginagabayan ng Banal na Espiritu ang dapat tumulong sa kanya para magbalik-loob sa Panginoon. Ngunit gawin nʼyo ito nang buong hinahon, at mag-ingat kayo dahil baka kayo naman ang matukso. 2 Tulungan ninyo ang isaʼt isa sa mga problema, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. 3 Kung mayroon sa inyong nag-aakala na nakakahigit siya sa iba gayong hindi naman, nililinlang lamang niya ang kanyang sarili. 4 Dapat suriin ng bawat isa ang ginagawa niya. At kung mabuti ang ginagawa niya, magalak siya. Pero huwag niyang ikukumpara ang sarili niya sa iba, 5 dahil may pananagutan ang bawat isa sa kanyang ginagawa.
6 Ang mga tinuturuan ng salita ng Dios ay dapat na tumulong at magbigay sa mga nagtuturo sa kanila.
7 Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili. Ang Dios ay hindi madadaya ninuman. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8 Kung ang ninanasa ng laman ang sinusunod ng isang tao, kamatayan ang aanihin niya. Pero kung ang Banal na Espiritu ang sinusunod ng isang tao, matatanggap niya mula sa Espiritu ang buhay na walang hanggan. 9 Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Mga Huling Bilin
11 Mapapansin ninyo na malalaki na ang mga letrang nakasulat dito. Ako na ang sumulat nito.
12 Gusto lamang ng mga namimilit sa inyong magpatuli na magbigay-lugod sa kapwa nila Judio. Sapagkat natatakot silang usigin ng mga ito kung ituturo nila na ang kamatayan lamang ni Cristo ang siyang makapagliligtas sa tao. 13 Sila mismong mga tinuli ay hindi naman sumusunod sa Kautusan. Ipinagpipilitan lang nila na magpatuli kayo para maipagmalaki nila na sumusunod kayo sa seremonyang ito.
14 Ngunit para sa akin, wala akong ibang ipinagmamalaki maliban sa kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa krus. At dahil sa kamatayan niya sa krus, wala nang halaga para sa akin ang mga bagay sa mundo, at wala rin akong halaga para sa mundo. 15 Hindi na mahalaga kung tuli tayo o hindi. Ang tanging mahalaga ay kung binago na tayo ng Dios.
16 Sa lahat ng pinili ng Dios[a] at namumuhay ayon sa mga turo kong ito, sumainyo nawa ang kapayapaan at awa ng Dios.
Sinugo ni Jesus ang Kanyang 72 Tagasunod
10 Pagkatapos nito, pumili pa ang Panginoon ng 72[a] tagasunod, at sinugo ang mga ito nang dala-dalawa sa mga bayan at sa iba pang mga lugar na pupuntahan niya. 2 Sinabi niya sa kanila, “Marami ang aanihin ngunit kakaunti ang tagapag-ani. Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihin, na magpadala siya ng mga tagapag-ani. 3 Sige, lumakad na kayo. Ngunit mag-ingat kayo, dahil tulad kayo ng mga tupang isinugo ko sa mga lobo. 4 Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o sandalyas. At huwag kayong mag-aksaya ng panahon sa pakikipagbatian sa daan. 5 Pagpasok nʼyo sa alin mang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa tahanang ito.’ 6 Kung ang nakatira roon ay maibigin sa kapayapaan, mapapasakanila ang kapayapaang idinalangin ninyo. Ngunit kung hindi, hindi rin nila makakamtan iyon. 7 Manatili kayo sa bahay na tinutuluyan ninyo. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain nila sa inyo dahil ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sahod. 8 Kapag dumating kayo sa isang bayan at tinanggap kayo ng mga tao, kainin ninyo ang anumang ihain nila sa inyo. 9 Pagalingin ninyo ang mga may sakit doon, at sabihin ninyo sa kanila na malapit na[b] ang paghahari ng Dios sa kanila. 10 Ngunit kung ayaw kayong tanggapin sa isang bayan, umalis kayo, at habang naglalakad kayo sa lansangan nila ay sabihin ninyo, 11 ‘Kahit ang alikabok ng bayan ninyo na dumidikit sa mga paa namin ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit dapat ninyong malaman na malapit na ang paghahari ng Dios.’ ”
16 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga sinugo niya, “Ang nakikinig sa inyoʼy nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyoʼy nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”
Bumalik ang 72 Tagasunod ni Jesus
17 Masayang bumalik ang 72 tagasunod ni Jesus. Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, kahit po ang masasamang espiritu ay sumusunod sa amin kapag inutusan namin sila sa pangalan nʼyo!” 18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Nakita kong nahulog si Satanas mula sa langit na parang kidlat. 19 Binigyan ko kayo ng kapangyarihang daigin ang masasamang espiritu at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway nating si Satanas.[a] At walang anumang makapipinsala sa inyo. 20 Ganoon pa man, huwag kayong matuwa dahil napapasunod ninyo ang masasamang espiritu kundi matuwa kayo dahil nakasulat sa langit ang pangalan ninyo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®