Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Tatlong Panauhin ni Abraham
18 Nagpakita ang Panginoon kay Abraham nang nakatira pa siya malapit sa malalaking puno[a] ni Mamre. Mainit ang araw noon, at si Abraham ay nakaupo sa pintuan ng kanyang tolda. 2 Habang nagmamasid siya, may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa di-kalayuan. Tumayo siya agad at dali-daling sumalubong sa kanila. Yumukod siya sa kanila bilang paggalang.
3 At sinabi, “Panginoon,[b] kung maaari, dumaan po muna kayo rito sa amin. 4 Magpapakuha po ako ng tubig para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at makapagpahinga sa lilim ng punongkahoy na ito. 5 Kukuha rin ako ng pagkain para sa inyo upang may lakas po kayo sa inyong paglalakad. Ikinagagalak ko pong mapaglingkuran kayo habang nandito kayo sa amin.” At sumagot sila, “Sige, gawin mo kung ano ang sinabi mo.”
6 Kaya nagmadaling pumasok si Abraham sa tolda at sinabi kay Sara, “Kumuha ka ng kalahating sako ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay. At bilisan mo ang pagluluto.” 7 Tumakbo agad si Abraham papunta sa mga bakahan niya at pumili ng matabang guya, at ipinakatay niya ito at ipinaluto sa alipin niyang kabataan. 8 Pagkatapos, dinala niya ito sa mga panauhin niya, at nagdala rin siya ng keso at gatas. At habang kumakain sila sa ilalim ng punongkahoy, naroon din si Abraham na naglilingkod sa kanila.
9 Ngayon, nagtanong ang mga panauhin kay Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?” Sumagot siya, “Naroon po sa loob ng tolda.” 10 Ang isa sa mga panauhin ay nagsabi, “Tiyak na babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki ang asawa mong si Sara.”
Nakikinig pala si Sara sa pintuan ng tolda na nasa likod lamang ni Abraham.
Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya
15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?
2 Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
namumuhay ng tama,
walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
3 hindi naninirang puri,
at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
4 Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.
Ang Kadakilaan ni Cristo
15 Si Cristo ang larawan ng di-nakikitang Dios, at siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya, at para sa kanya, nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa mundo, ang nakikita pati rin ang di-nakikita, katulad ng mga espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. 17 Bago pa man likhain ang anumang bagay, naroon na si Cristo, at sa pamamagitan niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan. 18 Si Cristo ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pinagmulan[a] nito, ang unang nabuhay sa mga patay, para maging pinakadakila siya sa lahat. 19 Sapagkat minabuti ng Dios na ang pagka-Dios niya ay manahan nang lubos kay Cristo, 20 at sa pamamagitan ni Cristo, ipagkakasundo sa kanya ang lahat ng nilikha sa langit at sa mundo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng dugo[b] ni Cristo sa krus.
21 Noong una ay malayo kayo sa Dios, at naging kaaway niya dahil sa kasamaan ng inyong pag-iisip at mga gawa. 22 Pero ngayon, ibinalik na niya kayo sa kanyang sarili sa pamamagitan ng kamatayan ng katawang-tao ni Cristo. Kaya maihaharap na kayo sa kanya na banal, malinis at walang kapintasan. 23 Pero kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa pananampalataya, at huwag hayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na narinig ninyo. Ang Magandang Balita na ito ay ipinahayag na sa buong mundo, at akong si Pablo ay naging lingkod nito.
Ang Paghihirap ni Pablo para sa mga Mananampalataya
24 Masaya ako sa mga nararanasan kong paghihirap ng katawan ko para sa inyo. Dahil dito, napupunan ko ang kulang sa mga paghihirap ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25 Itinalaga ako ng Dios na maging tagapaglingkod ng iglesya para lubusang ipahayag ang mensahe niya sa inyo na mga hindi Judio. 26 Ito ang lihim niyang plano na hindi inihayag noon sa naunang mga panahon at mga salinlahi, pero ngayon ay inihayag na sa atin na mga pinabanal niya. 27 Nais ng Dios na ihayag sa atin ang dakila at kamangha-mangha niyang plano para sa lahat ng tao. At ito ang lihim na plano: Si Cristo ay sumasainyo at ito ang basehan ng pag-asa ninyo na inyong makakamtan ang napakabuting kalagayan sa hinaharap. 28 Kaya nga ipinangangaral namin si Cristo sa lahat ng tao. Pinapaalalahanan at tinuturuan namin ang bawat isa ayon sa karunungang ibinigay sa amin ng Dios. Sa ganoon, maihaharap namin ang bawat isa sa Dios nang ganap sa pakikipag-isa nila kay Cristo.
Dumalaw si Jesus kina Marta at Maria
38 Nagpatuloy si Jesus at ang mga tagasunod niya sa paglalakbay at dumating sila sa isang nayon. May isang babae roon na ang pangalan ay Marta. Malugod niyang tinanggap sina Jesus sa kanyang tahanan. 39 Si Marta ay may kapatid na ang pangalan ay Maria. Naupo si Maria sa paanan ng Panginoon at nakinig sa itinuturo niya. 40 Pero si Marta ay abalang-abala sa paghahanda niya, kaya lumapit siya kay Jesus at sinabi, “Panginoon, balewala po ba sa inyo na nakaupo lang diyan ang kapatid ko at hinahayaang ako ang gumawa ng lahat? Sabihin nʼyo naman po sa kanya na tulungan niya ako.” 41 Pero sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, hindi ka mapalagay at abalang-abala ka sa maraming bagay. 42 Ngunit isang bagay lang ang kailangan, at ito ang pinili ni Maria. Mas mabuti ito at walang makakakuha nito sa kanya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®