Revised Common Lectionary (Complementary)
97 Iniibig ko ang inyong kautusan.
Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,
kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
99 Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,
dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.
100 Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,
dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.
101 Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
upang masunod ko ang inyong mga salita.
102 Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
dahil kayo ang nagtuturo sa akin.
103 Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
104 Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,
lumalawak ang aking pang-unawa,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.
Binisita ni Jetro si Moises
18 Nabalitaan ni Jetro, na pari ng Midian at biyenan ni Moises, ang lahat ng ginawa ng Dios kay Moises at sa mga mamamayan niyang Israelita. Nabalitaan niya kung paanong inilabas ng Panginoon ang mga Israelita sa Egipto.
2-3 Pinauwi noon ni Moises kay Jetro na kanyang biyenan ang asawa niyang si Zipora at ang dalawang anak nilang lalaki. Ang pangalan ng panganay ay Gershom,[a] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Dayuhan ako sa ibang lupain.” 4 Ang pangalan ng pangalawa ay Eliezer,[b] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Ang Dios ng aking ama[c] ang tumutulong sa akin. Iniligtas niya ako sa espada ng Faraon.”
5 Ngayon, pumunta sila Jetro, ang asawa ni Moises at ang dalawa nilang anak sa pinagkakampuhan ni Moises sa ilang, malapit sa bundok ng Dios. 6 Nagpasabi na si Jetro kay Moises na darating siya kasama si Zipora at ang dalawa nilang anak.
7 Kaya sinalubong ni Moises ang kanyang biyenan, at yumukod siya at humalik sa kanya bilang paggalang. Nagkamustahan sila at pagkatapos, pumasok sa tolda. 8 Sinabi ni Moises kay Jetro ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Egipcio para sa mga Israelita. Sinabi rin niya ang lahat ng paghihirap na naranasan nila sa paglalakbay at kung paano sila iniligtas ng Panginoon.
9 Tuwang-tuwa si Jetro sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa mga Israelita nang iligtas niya sila sa kamay ng mga Egipcio. 10 Sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo sa kamay ng mga Egipcio at ng Faraon. 11 Nalalaman ko ngayon na mas makapangyarihan ang Panginoon sa lahat ng dios, dahil iniligtas niya ang mga Israelita sa mga Egipciong nagmamaltrato sa kanila.” 12 Pagkatapos, nag-alay si Jetro ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa Dios. At habang ginagawa niya ito, dumating si Aaron at ang lahat ng tagapamahala ng Israel. Sumama sila kay Jetro para kumain sa presensya ng Dios.
27 Nais ng Dios na ihayag sa atin ang dakila at kamangha-mangha niyang plano para sa lahat ng tao. At ito ang lihim na plano: Si Cristo ay sumasainyo at ito ang basehan ng pag-asa ninyo na inyong makakamtan ang napakabuting kalagayan sa hinaharap. 28 Kaya nga ipinangangaral namin si Cristo sa lahat ng tao. Pinapaalalahanan at tinuturuan namin ang bawat isa ayon sa karunungang ibinigay sa amin ng Dios. Sa ganoon, maihaharap namin ang bawat isa sa Dios nang ganap sa pakikipag-isa nila kay Cristo. 29 At para matupad ito, nagpapakahirap ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Cristo na nagpapalakas sa akin.
2 Nais kong malaman nʼyo kung gaano kalaki ang paghihirap ko para sa inyo, ganoon din sa mga nasa Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakilala sa akin nang personal. 2 Ginagawa ko ito para palakasin ang loob ninyong lahat at pag-isahin kayo sa pag-ibig. Sa ganoon, malalaman at mauunawaan nʼyo nang lubos ang lihim na plano ng Dios tungkol kay Cristo. 3 Si Cristo ang pinagmumulan ng lahat ng karunungan at kaalaman.
4 Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para hindi kayo malinlang ninuman sa pamamagitan ng magagaling nilang pangangatwiran. 5 Kahit wala ako riyan sa inyo, lagi kayong nasa isipan ko. At masaya ako dahil maayos ang pamumuhay nʼyo at matatag ang inyong pananampalataya kay Cristo.
Si Cristo ang Dapat Nating Sundin
6 Dahil tinanggap nʼyo na si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo nang karapat-dapat sa kanya. 7 Patuloy kayong lumago at tumibay sa kanya. Magpakatatag kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at maging mapagpasalamat din kayo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®