Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 18:20-32

20 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Maraming tao ang dumadaing doon sa Sodom at Gomora, dahil sobrang sama na ng lugar na iyon. 21 Kaya pupunta ako roon para malaman ko kung totoo o hindi ang mga daing ng mga tao roon.”

22 Lumakad agad ang dalawang lalaki papuntang Sodom, pero nagpaiwan ang Panginoon at si Abraham. 23 Lumapit si Abraham sa Panginoon at nagtanong, “Lilipulin nʼyo po ba ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. 24 Kung mayroon po kayang 50 matuwid sa lungsod na iyan, lilipulin nʼyo pa rin po ba ang buong lungsod? Hindi nʼyo po ba kahahabagan ang lungsod dahil sa 50 taong matuwid? 25 Hindi po kapani-paniwala na lilipulin ninyo ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. Hindi po maaaring pare-pareho ang pakikitungo nʼyo sa kanila. Kayo po na humahatol sa buong mundo, hindi po baʼt dapat gawin ninyo kung ano ang tama?” 26 Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong 50 matuwid sa Sodom, hindi ko lilipulin ang buong lungsod alang-alang sa kanila.”

27 Muling nagsalita si Abraham, “O Panginoon, patawarin nʼyo po akong naglakas-loob na makipag-usap sa inyo. Tao lang po ako, at wala akong katuwiran na magsabi nito sa inyo. 28 Pero kung mayroon po kayang 45 matuwid, lilipulin nʼyo pa rin ba ang buong lungsod dahil kulang po ito ng lima?” Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong 45 matuwid, hindi ko lilipulin ang lungsod.”

29 Muling nagsalita si Abraham, “Kung 40 lang po kaya ang matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko lilipulin ang lungsod alang-alang lamang sa 40 matuwid.”

30 Muling nagsalita si Abraham, “Huwag po sana kayong magalit sa akin, Panginoon, dahil magtatanong pa po ako. Ano po kaya kung may 30 lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod kung may makita akong 30 tao na matuwid.”

31 Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, patawarin nʼyo po ako sa paglalakas-loob ko na pakikipag-usap sa inyo. Ano po kaya kung may 20 na lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa 20 matuwid.”

32 Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, huwag po sana kayong magagalit; huling tanong na po ito. Halimbawa, sampu na lang po ang nakita ninyong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa sampung matuwid.”

Salmo 138

Pasasalamat sa Dios

138 Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios.[a]
Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
    Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako.
    Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
    dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
    dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat, nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
    At kahit nasa malayo ka ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan.
    Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
    Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
    Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
    Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.

Colosas 2:6-15

Si Cristo ang Dapat Nating Sundin

Dahil tinanggap nʼyo na si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo nang karapat-dapat sa kanya. Patuloy kayong lumago at tumibay sa kanya. Magpakatatag kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at maging mapagpasalamat din kayo.

Mag-ingat kayo nang hindi kayo madala ng walang kabuluhan at mapandayang pilosopiya. Mga tradisyon lang ito at mga pamamaraan ng mundo, at hindi mula kay Cristo. Kaya huwag kayong padadala, dahil ang kapuspusan ng Dios ay nananahan sa katawan ni Cristo. 10 At naging ganap kayo sa pakikipag-isa nʼyo sa kanya, na siyang pangulo ng lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.

11 Dahil sa pakikipag-isa nʼyo kay Cristo, tinuli na kayo. Ang pagtutuli na ito ay hindi pisikal kundi espiritwal – ang pag-aalis ng masasamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. 12 Inilibing kayong kasama ni Cristo nang bautismuhan kayo. At dahil nakay Cristo na kayo, muli kayong binuhay na kasama niya, dahil nananalig kayo sa kapangyarihan ng Dios na bumuhay sa kanya. 13 Noong una, itinuring kayong mga patay ng Dios dahil sa mga kasalanan ninyo. Pero ngayon, binuhay kayo ng Dios kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang lahat ng kasalanan natin. 14 May pananagutan dapat tayo sa Dios dahil hindi natin matupad ang Kautusan. Pero inalis ito ng Dios sa pamamagitan ng pagkapako ni Cristo sa krus. Kaya hindi na tayo parurusahan. 15 Doon din sa krus nilupig ng Dios ang mga espiritung namumuno at may kapangyarihan, at ipinakita sa lahat na ang mga ito ay bihag na niya.

Colosas 2:16-19

16 Kaya nga, huwag na kayong padadala sa mga tao na nagsasabi sa inyo kung ano ang hindi dapat kainin o inumin, o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, Pista ng Pagsisimula ng Buwan, o Araw ng Pamamahinga. 17 Anino lang ang mga ito ng inaasahan noon na darating, at si Cristo ang katuparan nito. 18 Huwag kayong padadaya sa mga taong humihikayat na kailangan ninyong pagkaitan ang sarili nʼyo at sambahin ang mga anghel. Pinaninindigan nila ang mga ito dahil sa mga pangitain nila na pagyayabang lang, walang kabuluhan, at gawa-gawa lang ng makamundo nilang pag-iisip. 19 Wala silang kaugnayan kay Cristo na siyang ulo natin. Siya ang nag-uugnay-ugnay at nag-aalaga sa atin na kanyang katawan sa pamamagitan ng mga magkakaugnay na bahagi nito. Sa ganoon, lumalago tayo nang naaayon sa Dios.

Lucas 11:1-13

Ang Turo Tungkol sa Panalangin(A)

11 Minsan ay nananalangin si Jesus sa isang lugar. Pagkatapos niyang manalangin, sinabi sa kanya ng isa sa mga tagasunod niya, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa mga tagasunod niya.”

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag nananalangin kayo, ganito ang sabihin ninyo:

    ‘Ama, sambahin nawa kayo ng mga tao.[a]
    Nawaʼy magsimula na ang inyong paghahari.
Bigyan nʼyo po kami ng makakain sa araw-araw.
At patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan,
    dahil pinapatawad din namin ang mga nagkakasala sa amin.
    At huwag nʼyo kaming hayaang matukso.’ ”

Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Halimbawa, pumunta kayo sa kaibigan ninyo isang hatinggabi at sinabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiram naman diyan ng tatlong tinapay, dahil dumating ang isang kaibigan ko na galing sa paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’ Sasagot ang kaibigan mo mula sa loob ng bahay, ‘Huwag mo na akong istorbohin. Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng mga anak ko. Hindi na ako makakabangon pa para bigyan ka ng kailangan mo.’ Ang totoo, kahit ayaw niyang bumangon at magbigay sa inyo sa kabila ng inyong pagkakaibigan, babangon din siya at magbibigay ng kailangan ninyo dahil sa inyong pagpupumilit. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo sa Dios, at bibigyan niya kayo. Hanapin ninyo sa kanya ang inyong hinahanap, at makikita ninyo. Kumatok kayo sa kanya, at pagbubuksan kayo. 10 Sapagkat ang lahat ng humihingi ay nakakatanggap; ang naghahanap ay nakakakita; at ang kumakatok ay pinagbubuksan. 11 Kayong mga magulang,[b] kung ang anak nʼyo ay humihingi ng isda, ahas ba ang ibibigay ninyo? 12 At kung humihingi siya ng itlog, alakdan ba ang ibibigay ninyo? 13 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kanya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®