Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 16

Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios

16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
    dahil sa inyo ako nanganganlong.
Kayo ang aking Panginoon.
    Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
    lubos ko silang kinalulugdan.
Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
    Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
    at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.

Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
    Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
    Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
    Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
    At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
Panginoon palagi ko kayong iniisip,
    at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
    at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
    hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
    at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.

Deuteronomio 32:15-27

15 Naging maunlad ang mga Israelita[a] pero nagrebelde sila.
Tumaba sila at lumakas,
ngunit tinalikuran nila ang Dios na lumikha sa kanila,
at sinuway nila ang kanilang Bato na kanlungan na kanilang Tagapagligtas.
16 Pinagselos nila at ginalit ang Panginoon dahil sa kanilang pagsamba sa mga dios na kasuklam-suklam.
17 Naghandog sila sa mga demonyo na hindi tunay na dios – mga dios na hindi nila kilala at kailan lang lumitaw,
at hindi iginalang ng kanilang mga ninuno.
18 Kinalimutan nila ang Dios na Bato na kanlungan na lumikha sa kanila.
19 Nakita ito ng Panginoon,
at dahil sa kanyang galit, itinakwil niya sila na kanyang mga anak.
20 Sinabi niya, “Tatalikuran ko sila, at titingnan ko kung ano ang kanilang kahihinatnan,
sapagkat silaʼy masamang henerasyon, mga anak na hindi matapat.
21 Pinagselos nila ako sa mga hindi tunay na dios,
at ginalit nila ako sa kanilang walang kwentang mga dios-diosan.
Kaya pagseselosin ko rin sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa ibang mga lahi.
Gagalitin ko sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa mga mangmang na bansa.
22 Naglalagablab na parang apoy ang aking galit;
susunugin nito ang lupa at ang lahat ng naroon,
pati ang kailaliman ng lupa,[b] at ang pundasyon ng mga bundok.

23 “Padadalhan ko sila ng mga kalamidad, at tatamaan sila ng aking mga pana.
24 Gugutumin ko sila; at mangamamatay sila sa gutom at karamdaman.
Padadalhan ko sila ng mababangis na hayop para atakihin sila at mga ahas para silaʼy tuklawin.
25 Sa labas ng kanilang bahay, marami ang mamamatay sa labanan,
at sa loob nitoʼy maghahari ang takot.
Mamamatay ang lahat, maging ang mga kabataan, matatanda at mga bata.
26 Sinabi ko na pangangalatin ko sila hanggang sa hindi na sila maalala sa mundo.
27 Ngunit hindi ko papayagang magyabang ang kanilang mga kaaway. Baka sabihin nila, ‘Natalo natin sila. Hindi ang Panginoon ang gumawa nito.’ ”

Deuteronomio 32:39-43

39 Tingnan ninyo ngayon; ako lang ang Dios!
Wala nang iba pang dios maliban sa akin.
Ako ang pumapatay at ako ang nagbibigay-buhay;
ako ang sumusugat at nagpapagaling,
at walang makatatakas sa aking mga kamay.
40 Ngayon, itataas ko ang aking mga kamay at manunumpa,
‘Ako na nabubuhay magpakailanman,
41 hahasain ko ang aking espada at gagamitin ko ito sa aking pagpaparusa:
Gagantihan ko ang aking mga kaaway at pagbabayarin ang mga napopoot sa akin.
42 Dadanak ang kanilang dugo sa aking pana, at ang aking espada ang papatay sa kanilang mga katawan.
Mamamatay sila pati na ang sugatan at mga bilanggo.
Mamamatay pati ang kanilang mga pinuno.’ ”
43 Mga bansa, purihin nʼyo ang mga mamamayan ng Panginoon.[a]
Sapagkat gaganti ang Panginoon sa mga pumatay sa kanyang mga lingkod.
Gaganti siya sa kanyang mga kaaway, at lilinisin niya ang kanyang lupain at ang kanyang mamamayan.

Lucas 9:21-27

Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

21 Mahigpit na sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo. 22 Sinabi pa niya, “Ako na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil ako ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila ako, ngunit sa ikatlong araw ay muli akong mabubuhay.”

23 Pagkatapos, sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat ay handa siyang humarap kahit sa kamatayan[a] alang-alang sa pagsunod niya sa akin araw-araw. 24 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 25 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo pero mapapahamak naman ang buhay niya? Wala! 26 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang aking kapangyarihan at ang kapangyarihan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang paghahari ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®