Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Paghahayag ng Kasalanan at Paghingi ng Kapatawaran sa Dios
32 Mapalad ang isang tao na ang mga pagsuway at mga kasalanan ay pinatawad at kinalimutan na ng Panginoon.
2 Mapalad ang tao na ang kasalanan ay hindi ibinibintang sa kanya ng Panginoon,
at walang pandaraya sa kanyang puso.
3 Noong hindi ko pa ipinagtatapat ang aking mga kasalanan,
buong araw akoʼy nanlulumo at nanghihina ang aking katawan.
4 Araw-gabi, hirap na hirap ako
dahil sa tindi ng inyong pagdidisiplina sa akin.[a]
Nawalan na ako ng lakas,
tulad ng natuyong tubig sa panahon ng tag-araw.
5 Ngunit sa wakas, ipinagtapat ko ang aking mga kasalanan sa inyo;
hindi ko na ito itinago pa.
Sinabi ko nga sa sarili ko, “Ipagtatapat ko na ang aking mga kasalanan sa Panginoon.”
At pinatawad nʼyo ako.
6 Kaya manalangin sana ang lahat ng matapat sa inyo,
habang may panahon pa.
Kung dumating man ang kapighatian na parang baha,
hindi sila mapapahamak.
7 Kayo ang aking kublihan;
iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan,
at pinalilibutan nʼyo ako ng mga awit ng kaligtasan.
8 Sinabi ng Panginoon sa akin,
“Ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita habang binabantayan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo o mola na walang pang-unawa,
na kailangan pang rendahan upang mapasunod.”
10 Maraming hirap ang mararanasan ng taong masama,
ngunit mamahalin ng Panginoon ang sa kanya ay nagtitiwala.
11 Kayong mga matuwid, magalak kayo at magsaya sa Panginoon.
Kayong mga namumuhay ng tama,
sumigaw kayo sa galak!
Pinatay ni Absalom si Amnon
23 Pagkaraan ng dalawang taon, nang pinapagupitan ni Absalom ang mga tupa niya sa Baal Hazor, malapit sa Efraim, inimbita niya ang lahat ng anak ng hari na sumama para magdiwang doon. 24 Nagpunta siya kay Haring David at sinabi, “Nagpapagupit po ako ng mga tupa, makakapunta po ba kayo at ang mga opisyal nʼyo sa okasyong ito?” 25 Sumagot ang hari, “Hindi na lang anak, mahihirapan ka lang kung sasama kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom pero hindi siya pumayag. Binasbasan na lang niya si Absalom. 26 Sinabi ni Absalom, “Kung hindi po kayo pupunta, si Amnon na lang na kapatid ko ang payagan nʼyong pumunta.” Nagtanong ang hari, “Bakit gusto mo siyang papuntahin doon?” 27 Sa halip na sumagot, nagpumilit pa rin si Absalom, kaya ipinasama na lang ni David si Amnon, at ang iba pa niyang mga anak na lalaki.
28 Sinabi ni Absalom sa mga tauhan niya, “Hintayin nʼyong malasing si Amnon, at pagsenyas ko, patayin nʼyo siya. Huwag kayong matakot; ako ang nag-uutos sa inyo. Lakasan nʼyo ang loob ninyo at huwag kayong magdalawang-isip!” 29 Kaya pinatay ng mga tauhan ni Absalom si Amnon ayon sa utos niya. Sumakay agad ang ibang anak na lalaki ng hari sa kani-kanilang mola[a] at nagsitakas. 30 Habang pauwi na sila sa Jerusalem, may nakapagbalita kay David na pinagpapatay ni Absalom ang mga anak niyang lalaki at walang natira kahit isa. 31 Tumayo si David at pinunit ang damit niya bilang pagluluksa, at dumapa siya sa lupa. Pinunit din ng mga lingkod niya na nakatayo roon ang kanilang damit gaya ng ginawa ni David. 32 Pero sinabi ni Jonadab na anak ng kapatid ni David na si Shimea, “Mahal na Hari, hindi po napatay ang lahat ng anak ninyo kundi si Amnon lang po. Matagal na pong plano ni Absalom na patayin si Amnon mula pa nang pagsamantalahan nito ang kapatid niyang si Tamar. 33 Huwag kayong maniwalang namatay ang lahat ng anak nʼyong lalaki. Si Amnon lang po ang pinatay.” 34 Samantala, tumakas si Absalom.
Nang mga oras ding iyon, may nakita ang mga tagapagbantay sa pader ng Jerusalem na may isang grupong paparating mula sa gilid ng burol sa gawing kanluran. Pumunta ang isang tagapagbantay sa hari at sinabi, “May nakita po kaming mga tao sa daan ng Horonaim, sa gilid ng burol.”[b] 35 Sinabi ni Jonadab sa hari, “Mahal na Hari, tingnan nʼyo po! Nandiyan po ang mga anak ninyong lalaki gaya ng sinabi ko.” 36 Pagkatapos niyang magsalita, dumating ang mga anak na lalaki ni David na umiiyak. Labis ding umiyak si David at ang lahat ng lingkod niya. 37-38 Ipinagluksa ni David ang anak niyang si Amnon sa loob ng mahabang panahon.
Nang tumakas si Absalom, pumunta siya kay Haring Talmai ng Geshur na anak ni Amihud. Doon siya nanirahan sa loob ng tatlong taon. 39 Nang lumipas na ang pangungulila ni Haring David kay Amnon, nangulila naman siya kay Absalom.[c]
Huwag Ibigin ang Mundo
4 Ano ba ang pinagmumulan ng mga pag-aaway at alitan ninyo? Hindi baʼt ang masasamang kagustuhan na naglalaban-laban sa puso nʼyo? 2 May mga ninanais kayo pero hindi nʼyo makamtan, kaya handa kayong pumatay dahil dito. May mga gusto kayong makuha at kapag hindi ito nangyari, nag-aaway-away kayo. Hindi nʼyo nakakamtan ang mga ninanais nʼyo dahil hindi kayo humihingi sa Dios. 3 At kung humihingi naman kayo, wala kayong natatanggap dahil humihingi kayo nang may masamang motibo para mapagbigyan ang sarili nʼyong kasiyahan. 4 Kayong mga hindi tapat sa Dios, hindi nʼyo ba alam na kaaway ng Dios ang umiibig sa mundo? Kaya ang sinumang nagnanais makipagkaibigan sa mundo ay ginagawa niyang kaaway ng Dios ang sarili niya. 5 Huwag ninyong isipin na walang kabuluhan ang sinasabi ng Kasulatan, “Ayaw ng Espiritung pinatira sa atin na may kaagaw sa pag-ibig niya.”[a] 6 Ngunit sapat ang biyayang ibinigay ng Dios. Kaya nga sinasabi sa Kasulatan, “Kinakalaban ng Dios ang mga mapagmataas, pero kinakaawaan niya ang mapagpakumbaba.”[b]
7 Kaya magpasakop kayo sa Dios. Labanan nʼyo ang diyablo at lalayo ito sa inyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®