Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 68:1-10

Awit ng Pagtatagumpay

68 Kumilos sana ang Dios, at ikalat ang kanyang mga kaaway.
    Magsitakas na sana palayo silang mga galit sa kanya.
Itaboy sana sila ng Dios gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
    Mamatay sana sa harapan niya ang mga masasama, gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
Awitan ninyo ang Dios,
    awitan ninyo siya ng mga papuri.
    Purihin nʼyo siya,[a] na siyang may hawak sa mga ulap.[b]
    Ang kanyang pangalan ay Panginoon.
    Magalak kayo sa kanyang harapan!
Ang Dios na tumatahan sa kanyang banal na templo ang nangangalaga[c] sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda.
Ibinibigay niya sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.
    Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan
    at binibigyan sila ng masaganang buhay.
    Ngunit ang mga suwail, sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
O Dios, nang pangunahan nʼyo sa paglalakbay sa ilang ang inyong mga mamamayan,
nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan,
    O Dios ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan.
10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan.

Salmo 68:19-20

19 Purihin ang Panginoon,
    ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw.
20 Ang ating Dios ang siyang Dios na nagliligtas!
    Siya ang Panginoong Dios na nagliligtas sa atin sa kamatayan.

Genesis 22:1-14

Inutusan ng Dios si Abraham na Ihandog si Isaac

22 Dumating ang panahon na sinubukan ng Dios si Abraham. Tinawag niya si Abraham, at sumagot si Abraham sa kanya. Pagkatapos, sinabi niya, “Dalhin mo ang kaisa-isa[a] at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at pumunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo at ialay mo siya sa akin bilang handog na sinusunog.”

Kinabukasan, maagang nagsibak si Abraham ng mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at isinakay niya ito sa asno. Lumakad siya kasama si Isaac at ang dalawa niyang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Dios. Nang ikatlong araw ng kanilang paglalakbay, nakita ni Abraham sa di-kalayuan ang lugar na sinabi sa kanya ng Dios. Kaya sinabi ni Abraham sa dalawa niyang alipin, “Dito muna kayo at bantayan ninyo ang asno, dahil aakyat kami roon para sumamba sa Dios. Babalik din kami agad.” Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at siya ang nagdala ng itak at sulo.

Habang lumalakad sila, sinabi ni Isaac, “Ama!” Sumagot si Abraham, “Bakit anak?” Nagtanong si Isaac, “May dala po tayong sulo at panggatong pero nasaan po ang tupa na ihahandog?”

Sumagot si Abraham, “Anak, ang Dios mismo ang magbibigay sa atin ng tupang ihahandog.” At nagpatuloy sila sa paglalakad.

Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Dios, gumawa si Abraham ng altar na bato, at inihanda niya ang mga kahoy sa ibabaw nito. Pagkatapos, iginapos niya si Isaac at inihiga sa ibabaw ng altar. 10 Kinuha niya ang itak. At nang papatayin na sana niya si Isaac, 11 tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, “Abraham! Abraham!” Sumagot si Abraham, “Narito po ako.” 12 Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang anak mo! Ngayon, napatunayan ko na may takot ka sa Dios dahil hindi mo ipinagkait ang kaisa-isa mong anak.” 13 Paglingon ni Abraham, may nakita siyang isang lalaking tupa na ang sungay ay nasabit sa mga sanga ng kahoy, at hindi na ito makaalis. Kaya kinuha ito ni Abraham at inihandog bilang handog na sinusunog kapalit ng kanyang anak. 14 Tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na “Naglalaan ang Panginoon.” Ito ang pinagmulan ng kasabihang, “Sa bundok ng Panginoon may inilalaan siya.”

Galacia 2:1-10

Ang Pagtanggap kay Pablo bilang Apostol

Pagkatapos ng 14 na taon, pumunta ulit ako sa Jerusalem. Kasama ko sina Bernabe at Tito. Bumalik ako dahil nangusap sa akin ang Dios na dapat akong pumunta roon. Nakipagkita ako nang sarilinan sa mga pinuno ng iglesya, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Magandang Balita na ipinangangaral ko sa mga hindi Judio. Ginawa ko ito para masiguro ko na hindi masasayang ang mga pinagpaguran ko noon hanggang ngayon. Nalaman kong sang-ayon sila sa ipinangangaral ko dahil hindi nila pinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito kahit na hindi siya Judio. Lumabas ang usapin tungkol sa pagtutuli dahil sa ilang mga nagpapanggap na mga kapatid na nakisalamuha sa atin para sirain ang kalayaang natamo natin kay Cristo Jesus, at gawin ulit tayong alipin ng Kautusan ni Moises. Ngunit kahit minsan, hindi kami sumang-ayon sa gusto nila, upang maingatan namin para sa inyo ang mga katotohanang itinuturo ng Magandang Balita.

Ang mga namumuno sa mga mananampalataya sa Jerusalem ay wala namang idinagdag sa mga itinuturo ko. (Kung sabagay hindi mahalaga sa akin kung sinuman sila, dahil walang itinatangi ang Dios.) Sa halip na dagdagan nila ang mga itinuturo ko, kinilala nilang pinagkatiwalaan ako ng Dios sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga hindi Judio, tulad ni Pedro na pinagkatiwalaan sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Judio. Sapagkat ang Dios na kumikilos sa gawain ni Pedro bilang apostol sa mga Judio ang siya ring kumikilos sa gawain ko bilang apostol sa mga hindi Judio. Kaya nang malaman ng mga kinikilalang pinuno ng iglesya, na sina Santiago, Pedro at Juan, na ipinagkaloob sa akin ng Dios ang gawaing ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa sa pangangaral ng Magandang Balita. Napagkasunduan namin na kami ang mangangaral sa mga hindi Judio, at sila naman ang mangangaral sa mga Judio. 10 Ang tanging hiling nila ay huwag naming kalilimutang tulungan ang mga mahihirap, at iyan din naman talaga ang nais kong gawin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®