Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 130

Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap

130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
    sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
    at umaasa sa inyong mga salita.
Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.

Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
    dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.

2 Cronica 30:13-27

13 Kaya nang ikalawang buwan, maraming tao ang nagtipon sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 14 Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinaghahandugan para sa mga dios-diosan, pati ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso, at itinapon nila ang lahat ng ito sa Lambak ng Kidron.

15 Nang ika-14 na araw ng ikalawang buwan, kinatay ng mga tao ang kanilang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Ang mga pari at mga Levita na marumi ay nahiya, kaya naglinis sila at nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon. 16 Pagkatapos, pumwesto sila sa kanilang mga lugar sa templo, ayon sa mga tuntunin sa kautusan ni Moises na lingkod ng Dios. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugo na dinala sa kanila ng mga Levita.

17 Dahil marami sa mga tao roon ang hindi naglinis ng kanilang sarili, ang mga Levita ang siyang nagkatay ng tupa para sa kanila upang maihandog sa Panginoon. 18 Karamihan sa mga pumunta na nagmula sa Efraim, Manase, Isacar at Zebulun ay hindi naglinis ng kanilang sarili, pero kumain pa rin sila ng inihandog para sa Pista ng Paglampas ng Anghel, kahit labag ito sa kautusan. Ngunit nanalangin si Hezekia para sa kanila. Sinabi niya, “O Panginoon, sa inyo pong kabutihan, sanaʼy patawarin nʼyo po ang bawat tao 19 na nagnanais na dumulog sa inyo, ang Dios ng kanyang ninuno, kahit na hindi po siya malinis ayon sa mga tuntunin sa templo.” 20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekia at pinatawad[a] niya ang mga tao.

21 Sa loob ng pitong araw, ang mga Israelita na naroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa nang may malaking kagalakan. Araw-araw, umaawit ang mga Levita at ang mga pari ng mga papuri sa Panginoon, na tinutugtugan nang malalakas na instrumento na ginagamit sa pagpupuri sa Panginoon. 22 Pinuri ni Hezekia ang lahat ng Levita sa mabuting gawa na ipinakita nila sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya nagpatuloy ang pagdiriwang nila sa loob ng pitong araw. Kinain nila ang kanilang bahagi sa mga handog, at naghandog sila ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

23 Pagkatapos, nagpasya ang buong kapulungan na magdiwang pa sila ng pitong araw. Kaya ginawa nila ito nang may malaking kagalakan. 24 Nagbigay si Haring Hezekia sa mga tao ng 1,000 toro, 7,000 tupa at kambing. Nagbigay din ang mga opisyal ng 1,000 toro at 10,000 tupaʼt kambing. Marami sa mga pari ang naglinis ng kanilang sarili. 25 Masayang nagdiwang ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari, ang mga Levita at ang lahat ng nagtipon mula sa Israel, pati ang mga dayuhang naninirahan sa Israel at Juda. 26 Labis ang kasayahan sa Jerusalem. Wala pang ganitong kasayahan na nangyari sa Jerusalem mula noong panahon na si Solomon na anak ni David ang hari sa Israel. 27 Pagkatapos, nagsitayo ang mga pari at ang mga Levita, at binasbasan nila ang mga tao. At pinakinggan ito ng Dios sa langit, sa kanyang banal na tahanan.

Marcos 2:1-12

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)

1-2 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum. Agad namang kumalat ang balitang naroon siya. Kaya napakaraming tao ang nagtipon doon sa tinutuluyan niya hanggang sa wala nang lugar kahit sa labas ng pintuan. At ipinangaral niya sa kanila ang salita ng Dios. Habang siya ay nangangaral, may mga taong dumating kasama ang isang paralitikong nasa higaan na buhat-buhat ng apat na lalaki. Dahil sa dami ng tao, hindi sila makalapit kay Jesus. Kaya binutasan nila ang bubong sa tapat ni Jesus at saka ibinaba ang paralitikong nakahiga sa kanyang higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Narinig ito ng ilang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon. Sinabi nila sa kanilang sarili, “Bakit siya nagsasalita ng ganyan? Nilalapastangan niya ang Dios! Walang makakapagpatawad ng kasalanan kundi ang Dios lang!” Nalaman agad ni Jesus ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? Alin ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad’? 10 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako na Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, 11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi!” 12 Tumayo nga ang paralitiko, agad na binuhat ang kanyang higaan at lumabas habang nakatingin ang lahat. Namangha ang lahat at pinuri nila ang Dios. Sinabi nila, “Ngayon lang kami nakakita ng ganito.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®