Revised Common Lectionary (Complementary)
Dalangin ng Pagpapasalamat
30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
dahil iniligtas nʼyo ako.
Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
2 Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinagaling nʼyo ako.
3 Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.
4 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
kayong mga tapat sa kanya.
Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
5 Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
Maaaring sa gabi ay may pagluha,
pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.
6 Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
“Wala akong pangangambahan.”
7 Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.
8 Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
9 “Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”
11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.
Bumalik si Absalom sa Jerusalem
14 Alam ni Joab, anak ni Zeruya, na nangungulila si Haring David kay Absalom. 2 Kaya nagpatawag siya ng isang matalinong babae galing sa Tekoa. Pagdating ng babae, sinabi ni Joab sa kanya, “Magkunwari kang nagluluksa. Magsuot ka ng damit na panluksa at huwag kang magpahid ng mabangong langis. Umarte kang gaya ng isang nagluluksa ng mahabang panahon. 3 Pagkatapos, pumunta ka sa hari at sabihin mo sa kanya ang sasabihin ko sa iyo.” At sinabi ni Joab sa kanya ang dapat niyang sabihin sa hari.
4 Pumunta ang babae sa hari at nagpatirapa siya bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi ng babae, “Tulungan nʼyo po ako, Mahal na Hari!” 5 Tinanong siya ng hari, “Ano ba ang problema mo?” Sumagot siya, “Isa po akong biyuda, 6 at may dalawa akong anak na lalaki. Isang araw, nag-away po silang dalawa sa bukid, at dahil walang umawat sa kanila, napatay ang isa. 7 Pinuntahan ako ng lahat ng kamag-anak ko at sinabi, ‘Ibigay mo sa amin ang anak mo, at papatayin namin siya dahil pinatay niya ang kapatid niya. Hindi siya nararapat magmana ng mga ari-arian ng kanyang ama.’ Kung gagawin nila ito, mawawala pa ang isa kong anak na siya na lang ang inaasahan kong tutulong sa akin, at mawawala na rin ang pangalan ng asawa ko rito sa mundo.”
8 Sinabi ng hari sa babae, “Umuwi ka na, ako na ang bahala. Mag-uutos akong huwag na nilang saktan ang anak mo.” 9 Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, kung kayo man po ay babatikusin dahil sa pagpanig nʼyo sa akin, ako po at ang aking pamilya ang mananagot at hindi kayo.” 10 Sumagot ang hari, “Kung may magbabanta sa iyo, dalhin mo siya sa akin at titiyakin kong hindi ka na niya muling gagambalain.” 11 Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, sumumpa po kayo sa Panginoon na inyong Dios, na hindi nʼyo papayagang may maghiganti pa sa anak ko para hindi na lumala ang pangyayari, at para hindi mapatay ang anak ko.” Sumagot si Haring David, “Isinusumpa ko sa Panginoon na buhay, na hindi mapapahamak ang anak mo.”[a]
Ikinuwento ni Pablo Kung Paano Niya Nakilala si Jesus
6 “Tanghaling-tapat na noon at malapit na kami sa Damascus. Biglang kumislap sa aming paligid ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. 7 Napasubsob ako sa lupa at may narinig akong tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’ 8 Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang tinig, ‘Akoʼy si Jesus na taga-Nazaret, na iyong inuusig.’ 9 Nakita ng mga kasama ko ang liwanag pero hindi nila narinig[a] ang boses na nagsasalita sa akin. 10 At nagtanong pa ako, ‘Ano ang gagawin ko, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damascus, at sasabihin sa iyo roon ang lahat ng iyong gagawin.’ 11 Nabulag ako sa tindi ng liwanag. Kaya inakay ako ng aking mga kasama papuntang Damascus.
12 “Doon sa Damascus, may isang tao na ang pangalan ay Ananias. May takot siya sa Dios at sumusunod sa Kautusan. Iginagalang siya ng mga Judiong naninirahan doon. 13 Pumunta siya sa akin at sinabi, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon din ay gumaling ako at nakita ko si Ananias. 14 Sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Dios ng ating mga ninuno para malaman mo ang kalooban niya at para makita mo at marinig ang boses ng Matuwid na si Jesus. 15 Sapagkat ipapahayag mo sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. 16 Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na at magpabautismo, at tumawag sa Panginoon para maging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’ ”
Inutusan si Pablo na Mangaral sa mga Hindi Judio
17 “Pagkatapos, bumalik ako sa Jerusalem. At habang nananalangin ako sa templo, nagkaroon ako ng pangitain. 18 Nakita ko si Jesus na nagsasabi sa akin, ‘Bilisan mo! Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi tatanggapin ng mga taga-rito ang patotoo mo tungkol sa akin.’ 19 Sinabi ko sa kanya, ‘Ngunit bakit hindi sila maniniwala, Panginoon, samantalang alam nila na inikot ko noon ang mga sambahan ng mga Judio para hulihin at gulpihin ang mga taong sumasampalataya sa iyo? 20 At nang patayin si Esteban na iyong saksi, naroon ako at sumasang-ayon sa pagpatay sa kanya, at ako pa nga ang nagbabantay ng mga damit ng mga pumapatay sa kanya.’ 21 Pero sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Umalis ka sa Jerusalem, dahil ipapadala kita sa malayong lugar para ipangaral mo ang Magandang Balita sa mga hindi Judio!’ ”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®