Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Paghahayag ng Kasalanan at Paghingi ng Kapatawaran sa Dios
32 Mapalad ang isang tao na ang mga pagsuway at mga kasalanan ay pinatawad at kinalimutan na ng Panginoon.
2 Mapalad ang tao na ang kasalanan ay hindi ibinibintang sa kanya ng Panginoon,
at walang pandaraya sa kanyang puso.
3 Noong hindi ko pa ipinagtatapat ang aking mga kasalanan,
buong araw akoʼy nanlulumo at nanghihina ang aking katawan.
4 Araw-gabi, hirap na hirap ako
dahil sa tindi ng inyong pagdidisiplina sa akin.[a]
Nawalan na ako ng lakas,
tulad ng natuyong tubig sa panahon ng tag-araw.
5 Ngunit sa wakas, ipinagtapat ko ang aking mga kasalanan sa inyo;
hindi ko na ito itinago pa.
Sinabi ko nga sa sarili ko, “Ipagtatapat ko na ang aking mga kasalanan sa Panginoon.”
At pinatawad nʼyo ako.
6 Kaya manalangin sana ang lahat ng matapat sa inyo,
habang may panahon pa.
Kung dumating man ang kapighatian na parang baha,
hindi sila mapapahamak.
7 Kayo ang aking kublihan;
iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan,
at pinalilibutan nʼyo ako ng mga awit ng kaligtasan.
8 Sinabi ng Panginoon sa akin,
“Ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita habang binabantayan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo o mola na walang pang-unawa,
na kailangan pang rendahan upang mapasunod.”
10 Maraming hirap ang mararanasan ng taong masama,
ngunit mamahalin ng Panginoon ang sa kanya ay nagtitiwala.
11 Kayong mga matuwid, magalak kayo at magsaya sa Panginoon.
Kayong mga namumuhay ng tama,
sumigaw kayo sa galak!
28 Pagdating ni Ahimaaz, kinamusta niya ang hari at yumukod siya rito bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon na inyong Dios, Mahal na Hari! Pinagtagumpay niya po kayo laban sa mga taong naghimagsik sa inyo.” 29 Nagtanong ang hari, “Kumusta ang binatang si Absalom? Ayos lang ba siya?” Sumagot si Ahimaaz, “Nang ipinatawag ako ni Joab na lingkod nʼyo, nakita ko pong nagkakagulo ang mga tao pero hindi ko alam kung ano iyon.” 30 Sinabi ng hari, “Diyan ka lang.” Kaya tumayo siya sa tabi. 31 Maya-maya pa, dumating ang taong taga-Etiopia at sinabi, “Mahal na Hari, may maganda po akong balita. Iniligtas po kayo ng Panginoon sa araw na ito sa lahat ng naghimagsik laban sa inyo.” 32 Nagtanong sa kanya ang hari, “Kumusta ang binata kong si Absalom? Hindi ba siya nasaktan?” Sumagot ang tao, “Ang nangyari po sana sa kanya ay mangyari sa lahat ng kalaban nʼyo, Mahal na Hari.”
33 Nanginig si David. Umakyat siya sa kwarto sa itaas ng pintuan ng lungsod at umiyak. Habang umaakyat siya, sinasabi niya, “O Absalom, anak ko, ako na lang sana ang namatay sa halip na ikaw. O Absalom, anak ko, anak ko!”
19 May nagsabi kay Joab na umiiyak ang hari at nagluluksa dahil kay Absalom. 2 Nang marinig ito ng mga sundalo, natigil ang kasayahan ng kanilang tagumpay at napalitan ito ng pagluluksa. 3 Tahimik silang bumalik sa lungsod ng Mahanaim, gaya ng mga sundalong nahihiya dahil tumakas mula sa labanan. 4 Tinakpan ni David ang mukha niya at umiyak nang labis, “O Absalom, anak ko, anak ko!”
5 Pumunta si Joab sa bahay ng hari at sinabi, “Ipinahiya nʼyo ngayon ang mga tauhan ninyong nagligtas sa buhay nʼyo at sa buhay ng mga anak at asawa ninyo. 6 Minamahal nʼyo ang mga napopoot sa inyo, at kinapopootan ang mga nagmamahal sa inyo. Malinaw po na hindi nʼyo pinapahalagahan ang mga opisyal at tauhan ninyo. Sa tingin ko, mas masisiyahan pa kayo kung namatay kaming lahat at nabuhay si Absalom. 7 Lumabas po kayo ngayon at pasalamatan ang mga tauhan ninyo. Dahil kung hindi, isinusumpa ko sa Panginoon na wala ni isa sa kanilang maiiwan na kasama nʼyo ngayong gabi. Ito ang pinakamasamang mangyayari sa inyo mula noon hanggang ngayon.” 8 Kaya tumayo si David at umupo sa may pintuan ng lungsod. Nang malaman ito ng mga tao, nagtipon silang lahat sa kanya.
Bumalik si David sa Jerusalem
Samantala, tumakas pauwi ang mga sundalo ng Israel na mga tauhan ni Absalom.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)
17 Isang araw habang nangangaral si Jesus, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo malapit sa kanya. Nanggaling ang mga ito sa ibaʼt ibang bayan ng Galilea at Judea, at maging sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon para magpagaling ng mga may sakit. 18 May mga taong dumating na buhat-buhat ang isang lalaking paralitiko na nasa higaan. Sinikap nilang ipasok ito sa bahay upang ilapit kay Jesus. 19 Pero hindi sila makapasok dahil sa dami ng tao. Kaya umakyat sila sa bubong at binutasan ito. Pagkatapos, ibinaba nila sa harap ni Jesus ang paralitikong nakahiga sa kanyang higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan,[a] pinatawad na ang mga kasalanan mo.”
21 Sinabi ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan sa kanilang sarili: “Sino kaya ang taong ito na lumalapastangan sa Dios? Walang makakapagpatawad ng kasalanan kundi ang Dios lang!” 22 Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya tinanong niya ang mga ito, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o, ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako, na Anak ng Tao, ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at umuwi!” 25 Tumayo agad ang paralitiko sa harap ng lahat, binuhat nga niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Dios. 26 Namangha ang lahat at pinuri nila ang Dios. Sinabi nila, “Kahanga-hanga ang mga bagay na nakita natin ngayon!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®